Minsan ba ay napapansin mo na ikaw ay mayroong pagseselos sa asawa mo? Patago mo bang binabasa ang mga messages sa kaniyang cellphone?
Posibleng senyales na ito ng mas malaking problema sa inyong relasyon. At dapat agad itong magawan ng paraan, kundi posible itong makasira sa inyong dalawa.
Pagseselos sa asawa: Tama bang basahin ang messages ng iyong asawa?
Normal lang sa mga mag-asawa ang magkaroon ng pagseselos, o kaya pagdududa. Madalas ay dahil lang ito sa maliliit na bagay, at wala naman talaga iyong ibig sabihin. Minsan, posibleng epekto lang ito ng mapaglarong imahinasyon.
Pero paano kung madalas kang sumisilip ng patago sa messages ng iyong asawa? Tama pa ba ang ganitong pag-uugali?
Ayon kay Mary Lamia, PhD, isang clinical pscyhologist sa US, hindi makakatulong ang ganitong ugali sa inyong dalawa. Hindi raw maganda na kailangan mo pang basahin at silipin ang mga mensahe ng iyong asawa para lang maging kampante ka.
Ngunit bakit nga ba ito ginagawa ng mga tao? Madalas ito ay dahil sa mayroong pagkukulang sa iyo ang iyong partner. Posibleng nawawalan kayo ng koneksyon sa isa’t-isa, o kaya ay nararamdaman mo na hindi ka na niya gaano pinapansin. Kaya’t nag-iisip ka ng mga posibleng dahilan kung bakit nagbago ang kaniyang pag-uugali.
Pero mahalaga rin na alamin mo kung ano talaga ang sanhi ng iyong nararamdaman. Dahil posibleng ikaw pala ang may problema, at hindi ang asawa mo.
Heto ang ilang tanong na puwede mong tanungin ang iyong sarili kapag naiisip mong silipin ang messages ng iyong asawa:
Naloko ka na ba dati?
Ang mga taong nakaranas na ng panloloko o pagsisinungaling mula sa isang partner ay posibleng maging mas sensitibo sa panloloko. Kahit na isang ex ang nanloko sa’yo dati, posibleng sensitibo ka pa rin dahil dito, at ito ay lumalabas sa relasyon mo ng asawa mo.
Kung ito ang tingin mong dahilan ng ginagawa mong pagbabasa ng mensahe, mabuting huwag munang maging padalos-dalos. Magtiwala ka sa iyong asawa, at huwag mo agad isipin na niloloko ka niya. Posibleng nasa isip mo lang pala ang lahat, at baka makasama pa ang iyong pagdududa sa asawa mong inosente naman pala.
Manipulative ba ang iyong asawa?
May mga pagkakaton naman na tama ang iyong nararamdamang takot, lalo na kung nacocontrol ka ng iyong asawa.
Ito ay nangyayari kapag alam niyang selosa ka, at ginagamit niya ito upang maging guilty ka sa iyong ginagawa at nararamdaman. Pero ang totoo eh mayroon nga siyang ginagawang hindi mabuti na tinatago niya sa iyo.
Hindi maganda ang ganitong relasyon dahil emotional blackmail ang nangyayari, at parating mararamdaman mo na ikaw ang may kasalanan ng inyong mga pag-aaway. Mabuting kausapin mo ang iyong asawa, at harapin mo siya dahil ikaw lang ang masasaktan sa ganitong pag-uugali niya.
Paano mo kokomprontahin ang iyong asawa?
Hindi madaling pag-usapan ang mga ganitong bagay, lalo na kung wala ka naman talagang patunay na niloloko ka ng asawa mo.
Pero ang pinakamabuting paraan para pag-usapan ito ay sabihin mo sa iyong asawa kung ano ang iyong nararamdaman, at ang iyong mga pag-aalinlangan.
Hindi mo dapat itago ang ganitong mga bagay sa iyong asawa dahil siya ang magiging katuwang mo sa buhay. Magandang mapag-usapan ninyo ito ng malumanay at hindi nag aaway upang mas maging malinaw sa inyong dalawa ang lahat.
Walang mabuting maidudulot ang pakikipag-away, kaya’t maging mahinahon at maging tapat sa kung ano man ang iyong nararamdaman. Ang mga ganitong usapan ay makakapagpatibay ng inyong relasyon, at magkakaroon pa kayo ng higit na tiwala sa isa’t-isa.
Hindi mo dapat sinisilip ang mga message ng iyong asawa
Kahit kailan ay hindi mo dapat binabalewala ang privacy ng iyong asawa. Kahit na nagseselos ka o nagdududa, mas mabuti pa rin na kausapin mo mismo ang iyong asawa sa halip na may ginagawa kang patago sa likod niya.
Kung tapat sa iyo ang iyong asawa ay malalaman mo ito agad kapag kinonpronta mo siya. Makikita mo rin ito sa kaniyang pag-uugali, at siguradong mawawala lahat ng iyong pagdududa basta’t mag-usap kayo ng maayos tungkol dito.
Source: Health
Basahin: 5 Bagay na madalas pinag-aawayan ng mga mag-asawa