Kailan nga ba ang best ime sa pagtigil kay baby sa pagpapasuso at kailan ba pwedeng simulan pakainin si baby ng solid food, ito ang isa sa mga katanungan ng mga breastfeeding moms! Alamin sa aritkulong ito kung anong tamang time para sa pagtigil sa pagpapasuso sa baby.
Ang karaniwang tanong ng mga nanay: Kailan nga ba dapat itigil ang pagpapasuso kay baby? Walang madaling sagot para dito, dahil depende din ito sa kagustuhan ni nanay para sa kaniyang anak. Ang pangamba kasi ng maraming ina, ito na ang magiging katapusan ng bonding nila ng anak.
Kapag sinabing “weaned” na ang bata, siya ay nawalay na sa pagpapasuso ni Nanay. Ibig sabihin ay lahat ng nutrisyon na kailangan niya ay hindi na manggagaling sa ina, kundi sa mga pagkain na ihahanda para sa kaniya.
“Weaning” din ang tawag sa pagwawalay sa bote ng sanggol. Hindi naman kailangang dito magtapos ang bonding ng ina at anak. Mahalaga lang kasi na makakuha si baby ng sustansiya at nutrisyon mula sa iba’t ibang pagkain, dahil lumalaki na siya.
Talaan ng Nilalaman
Pagtigil sa pagpapasuso sa baby: Kailan ba dapat simulan?
Walang ibang makapagsasabi nito kundi ang mga magulang, lalo na si Nanay. Huwag madaliin, ngunit huwag din naman masyadong patagalin.
Sinasabi ng Department of Health at ng American Academy of Pediatrics na makakabuting kumuha pa ring ng sustansiya mula sa gatas ng ina ang isang bata hanggang 1 taong gulang. Ang ibang doktor ay nagrerekumendang kahit hanggang 2 taon o higit pa, ay mabuti.
Ikaw ang pumili kung kailan, base sa kagustuhan mo at ng anak. Minsan kasi, kapag handa nang mawalay ang anak, kusa na itong mangyayari.
May mga tinatawag na developmental signs upang malaman na handa na nga si baby:
- Kaya na niyang itayo ang ulo kapag nakaupo. Kailangan niya ito sa pagkain ng kaniya.
- Nakakaupo na ng walang hawak o suporta mula sa ibang tao.
- Kapag binigyan mo ng maliit na piraso ng pagkain, ngumunguya na siya kahit wala pang ngipin, at hindi niya niluluwa ito.
- Gamit ang hinlalaki at hintuturo, kaya niyang pulutin ang maliliit na piraso ng pagkain.
- Natutuwa siyang nanood sa mga taong kumakain. Minsan pa ay inaagaw ang pagkaing hawak ng iba.
Anuman o kailan man ang magiging desisyon ng pagwawalay kay baby o pagtigil sa pagpapasuso, kailangan mo itong pangatawanan. Huwag magpadala sa mga sinasabi o komento ng ibang tao ukol dito. Ikaw ang mas higit na makakaalam kung ano ang makabubuti sa inyong mag-ina.
Pagtigil sa pagpapasuso sa baby: Paano nga ba ito?
May dalawang paraan na ipinaliwanag sa aklat na Weaning Made Easy: All you need to know about spoon feeding and baby-led weaning – get the best of both worlds ni Rana Conway: ang baby-led o ang sanggol ang nagsimula, o mother-led, o si nanay ang nagwalay.
Baby-led weaning (BLW): Karaniwang ang sanggol na mismo ang pumipiling humiwalay at tumigil sa pagsuso, lalo’t nagsimula na itong kumain ng ibang pagkain o solid food. Mula 6 na buwan, maaari nang pakainin ang mga sanggol ng pagkain, kaya’t nababawasan na ang pagdede kay Nanay. At kung sari sari at iba iba ang mga pagkain at inumin na ibinibigay sa isang bata, mas nagiging interesado siya sa solid food, at nababawasan na ang interes sa gatas pagdating ng unang taong gulang nito.
Sa BLW din, tinuturuan ang bata na kumain ng mag-isa at hindi sinusubuan. Binibigyan siya ng mga pagkain na nakahiwa sa maliliit na pirasong kaya niyang isubo gamit ang daliri, o iba pang pagkain na kaya niyang kutsarahin.
Mapapansin mo din na naglilikot na siya at hindi na kayang manatili sa kanlungan mo para dumede. Isa itong hudyat na handa na siyang kumain ng kaniya. Sa BLW, pinapakiramdaman ng ina ang kagustuhan ng anak, kung handa na ito o hindi pa.
Mother-led weaning: Simple lang: si Nanay ang magdedesisyon, dahil na rin kinakailangan ito o di na maiiwasan dahil babalik na siya sa trabaho, o di kaya’y alam niya sa sarili na handa nang mawalay ang anak sa kaniyang gatas. Kung ito ang paraan na pinili, ihanda ang sarili sa malaking pagbabago na maaaring hindi kaagad makasanayan ng anak, at ng nanay na rin.
Ilang payo para sa maayos na pagwawalay:
Mahirap at challenging, katulad din ng potty training at iba pang pagbabago sa gawain ng bata. Kaya naman kailangan talaga ng dedikasyon at commitment. Anuman ang desisyon, huwag bibiglain ang anak. Planuhin ito at ihanda ang sarili at si baby para hindi ma-trauma. Dahan-dahan, at asahang mahirap at nakaka-frustrate para sa anak. Subukan ang mga sumusunod:
- Lumaktaw ng pagpapadede. Unti-unting gumamit ng bote na may formula milk.
- Bawasan ang dalas at oras ng pagpapasuso. Subuking iklian oras at dalas: kung dati ay 10 minuto, gawing lima na lang. Kung 8 beses sa maghapon, unti-unting bawasan ng isa o dalawa.
- May ibang sumusubok nang magpagkain pagdating ng 6 na buwan. Mixed feeding ang tawag sa pagbibigay ng solid food at pagpapadede ng salitan. Ibinibigay ito pagkatapos ng pagdede. Unti-unti ang pagpapakilala sa solid food, sa panunubok na din kung ano ang gusto ni baby.
- Kung 1 taon o mahigit na ang bata, bigyan siya ng magaan na meryenda pagkatapos dumede, tulad ng mga prutas at gulay na pinakuluan o steamed.
- Ang isang epektibong ginawa ko noon ay ang paglalagay ng ilang patak ng gatas ko sa labi ng anak ko, o sa tsupon ng bote niya, para hindi siya mabigla sa pagbabago.
- Kapag kumakain kayo, ipakita sa kaniya at maging masaya (nakangiti at kinakausap ang anak) kapag kumakain.
- Kung pakiwari mo ay hindi pa handa ang anak, dahil talagang hindi mo siya mawalay, siguro hindi pa tama ang panahon. Huwag ipilit. Subukang muli sa susunod na buwan, o makailang linggo.
- Siguraduhing walang sakit ang anak kapag sinumulan ang pagwawalay. Kailangan niya ang nutrisyon mula sa gatas ng ina sa panahong siya ay may karamdaman.
Sapat kaya ang nutrisyon na makukuha niya?
Ang mahalaga ay ang mabigyan siya ng mga pagkain na sagana at mayaman sa mga bitamina at sustansiyang kailangan niya sa paglaki.
Iwasan ang paglalagay ng asin at asukal sa pagkain ng bata. Hindi niya kailangan ng mga ganitong pampalasa lalo sa simula. Ang mga sariwang gulay at prutas ay natural nang malasa kaya’t di na kailangang timplahan.
Kakain na!
Ihanda na ang anak sa pagkain ng gulay, prutas at iba pa. Ito ang hakbang para sa bawat upo niya sa hapag-kainan.
-
Ihanda ang mga gamit
May high chair na ba siya? Mayron ding nagsisimula sa Bumbo Seat, para sa mga hindi pa lubos na nakakaupo, o para sa mga malilikot at delikadong ilagay sa high chair. Ang Bumbo seat ay nasa sahig lamang kasi. Kung gagamit ng high chair, pumili ng hindi mumurahin o madaling masira. Kailangan mag-invest sa siguradong matibay.
May ibang magulang na hindi na gumagamit ng bowl at nilalagay na lang sa tray ng high chair. Maigi pa rin na may sariling kutsara, pinggan at bowl na pambata para maipakita sa kaniya ang mga kagamitang para sa pagkain.
-
Maghanda ng bib
May mga waterproof na bib na may pansalo na ng mahuhulog na pagkain, at mayron ding mga regular na bib. Panigurado namang magkakalat ang bata, pero mabuti na ring may bib para hindi gaanong makalat o madumihan ang dibdib ng bata. May mga bib din na may manggas, na nirerekumenda ng maraming ina.
- Siguraduhing ligtas ang kakainin.
Pagdating sa size at sa mga allergens. Iwasan ang mga choking hazards tulad ng grapes, o prutas na may mga buto pa.
-
Magsubok ng iba’t ibang pagkain tuwing ikatlo o ika-apat na araw
Makakatulong din itong makita kung allergic ba ang bata sa pagkaing iyon.
-
Ang pagsusubo ay sa umpisa lamang
Hayaan siyang matutong kumain ng kaniya gamit ang kamay, at saka ang kutsara pagkalaunan. Ngunit huwag na huwag iiwan o iwawaksi sa paningin. Kailangang alerto ka kapag nabulunan o biglang nasuka.
-
Huwag madaliin ang pagpapakain
Maaaring magtagal ito ng mula 10 hanggang 30 minuto, depende sa pagkain at gana ng batang kumain.
-
Asahang iluluwa o tatanggihan ng bata ang ibang pagkain
Dahil nga bago sa panlasa, kailangang masanay siya dito. Itigil muna ang pagbibigay, pero ibigay ulit sa susunod na mealtime, o makailang araw.
-
Sa umpisa ay kaunti lang ang kakainin ng anak
Natural lang ito. Makikita mo na unti-unti din siyang natututong ngumuya at nagiging masaya sa pagkain.
-
Huwag itigil ang pagbibigay ng breastmilk o formula
Kailangan pa din ng gatas ng isang lumalaking bata. Minsan, maaari mo pang ihalo ang gatas sa kinakain niyang mashed carrots, potato, o saging.
Ang pagpapakain at pagtuturo kay baby na kumain mag-isa, ay nangangailangan ng tiyaga at pasensiya. Huwag din mag-panic kapag nabubulunan siya. Kapag nakita ng bata na nag-aalala ka, maaapektuhan ang confidence nito.
Huwag din mag-alala sa kalat at dumi. Maaari mong lagyan ng mat o plastik ang ilalim ng high chair o bumbo seat, kung nais mong mabawasan ang wawalisin o lilinisin pagkatapos. Masasalo ng mat o plastik ang mga mahuhuloh (o itatapon) ng bata.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.