Ngayong mayroong El Niño mas matindi ang halaga ng pagtitipid ng tubig. Posible kasi ang water shortage sa panahong ito ng tag-init. Kaya naman, paano nga ba makatitipid ng tubig? Ano ang dapat gawin ng pamilya para makiisa sa water conservation?
Tips sa pagtitipid ng tubig
Ang tubig ay ang natural resource na hindi lamang mahalaga sa mga tao kundi maging sa iba pang living creatures sa mundo. Hindi tayo mabubuhay nang walang tubig. Kaya importante na makiisa tayo sa pagtitipid ng tubig.
Hindi rin natin maitatanggi na karamihan sa atin ay nababalewala ang kahalagahan ng pagtitipid ng tubig. Madalas na nakapagsasayang tayo ng tubig dahil sa hindi tamang paggamit nito at pati na rin dahil sa polusyon.
Bukod sa pagsasayang ng tubig at polusyon, isa ring banta sa supply ng tubig sa mga reservoir at aquifers natin ay ang less rainfall dulot ng El Niño. Kaya naman bilang pakikiisa sa water conservation narito ang ilang tips upang makatipid ng tubig:
Gumamit ng timba at tabo
Imbes na gumamit ng shower at hose, gumamit muna ng timba at tabo sa paliligo, pagdidilig ng mga halaman at pagtatanim. Sa pamamagitan nito maiiwasan ang labis na paggamit ng tubig at matitiyak na ang gagamitin ay sapat lang.
Gumamit ng batya o palanggana
Kung maglalaba at maghuhugas ng mga plato, pwedeng gumamit ng palanggana o batya at doon ilagay ang tubig. Iwasan ang paggamit ng running water mula sa gripo para makatipid sa tubig at maiwasan na may masayang na tubig.
Mag-reuse ng tubig
Pwedeng gamitin ang naipong pinaglabahang tubig bilang panlinis ng mga sahig, lababo, sasakyan at pambuhos sa inodoro. Gayundin, pwedeng ipunin ang pinagliguan ng iyong baby. Ilagay ito sa batya at pwede mo ipambuhos sa inodoro.
Samantala, maaari ding i-reuse ang mga tubig na ginamit sa paghuhugas ng prutas at gulay. Pati na rin kung mayroon kayong pets, ang excess na tubig mula sa inuman nila. Ang mga ito ay pwede niyong ipandilig ng halaman.
Tandaan na mahalagang ilaan ang malinis na tubig para sa inumin, pansipilyo, panghugas ng mga prutas at gulay, at panluto.
Mga dapat tandaan para makatipid ng tubig
- Tiyakin na walang tagas o leak ang inyong mga tubo at gripo. Kung mayroon man, ay agad itong ayusin upang walang masayang na tubig.
- I-report sa property owners o water concessionaires ang anomang tumatagas o sirang mga tubo ng tubig sa inyong lugar.
- Magdilig lamang ng halaman tuwing umaga o kaya naman ay tuwing hapon.
- Iwasang bilihan ang inyong anak ng mga laruan na ginagamitan ng tubig tulad ng water gun.
- Tiyaking isarado nang maigi ang mga gripo kung hindi ito ginagamit.
Mommy and daddy, importante ang pagtitipid ng tubig, hindi lamang tuwing tag-init. Kundi maging sa araw-araw nating buhay. Ito ay upang maiwasan ang hassle na dulot ng water interruption tuwing kukulangin sa supply ng tubig ang ating mga dam. Bukod pa rito, sa pamamagitan ng pagtitipid ng tubig ay makatutulong tayo sa ating kalikasan. Hindi lamang ‘yan, makababawas din tayo ng gastusin dahil mas liliit ang ating water bill.
Kaya naman, parents, mahalagang turuan natin ang ating mga anak na magtipid ng tubig. Bilang bahagi ng pagtuturo sa kanila ay magsilbi dapat tayong mga mabuting halimbawa. Importante na sa atin nila makita ang mga hakbang sa pagtitipid ng tubig. Sa pamamagitan nito, unti-unti nila tayong gagayahin. At hanggang sa pagtanda nila ay madadala nila ang disiplinang itinuro natin.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!