Kapag may kaibigan, katrabaho, o kakilala kang nanghihimasok sa buhay mo, maaari mo itong huwag nang pansinin o hindi kausapin. Pero paano kung ang nakikialam sa buhay mo ay isang taong hindi mo puwedeng iwasan—ang iyong pakialamerang biyenan?
Kinalbo niya ang anak ko!
Isang nanay ang nag-share sa isang parenting forum ng kaniyang pinagdadaanan sa kaniyang mother-in-law. Nang minsan ay umalis siya sa bahay para mag-grocery, dinatnan na lang niyang kalbo na ang kaniyang baby!
Depensa ng kaniyang pakialamerang biyenan? Para daw gumanda ang tubo ng buhok ng bata.
Naiintindihan naman daw ito ng nanay. Ang hindi niya gusto ay ang pagpapakalbo sa anak niya ng walang permiso mula sa kaniya. Pinalampas niya ito dahil humingi ng paumanhin ang kaniyang biyenan.
Ngunit hindi lamang ito ang ginawa ng mother-in-law niya. Maraming pagkakataon na hindi nirerespeto ng biyenan niya ang mga desisyon niya bilang ina at asawa. Kadalasan, wala sa lugar ang pangingialam ng nito sa buhay nila.
Katulad na lamang ng pagbisita nito sa kanilang bahay noong Pasko nang walang paalam. Kahit na mayroon siyang sakit ay pilit pa rin nitong pinaghahalikan at nilaro ang baby.
Paano nga ba pakisamahan ang pakialamerang biyenan?
Mahirap na nga ang buhay may-asawa at pagpapalaki sa mga anak. Paano pa kung may mga kamag-anak ka pang nakikialam dahil palagay nila na mas alam nila ang dapat gawin? Hindi naman masama ang intensiyon nila, pero kailangan nilang matutong lumugar at hayaang dumiskarte ang mag-asawa.
“Communication is key when someone steps over your own personal or parenting boundaries.” Ito ang advice ng parenting expert na si Julie Romanowski in Vancouver tells Global News Canada.
Dagdag pa nito, kadalasan, hindi alam ng taong nangingialam kung paano lumugar. Responsibilidad mo na sabihin sa kaniya kung ano ang mga bagay na hindi ka kumportable na pinapakialamanan niya.
Kapag hinayaan mo lang ang panghihimasok sa buhay niyo, hindi maiiwasang makaramdam ka na hindi ka nirerespeto ng taong ito. Maari rin na hindi ka makagawa ng sarili mong diskarte o mawalan ka ng confidence na gumawa ng sariling desisyon.
Huwag mag-alala. Mayroong mga paraan kung paano pagsabihan ang iyong pakialamerang biyenan nang hindi niya mamasamain.
Ayon sa isang artikulo sa Huffington Post, nirerekominda ng clinical psychologist na si Samantha Rodman ang mga tips na ito:
- Anong klaseng relasyon ang gusto mo sa mga in-laws mo? Kailangan malinaw sa iyo kung gusto mo bang maging close kayo, civil lang, o nagkikita lamang tuwing may okasyon.
- Sa tingin mo ba kaya ninyong mag-biyenan na magkaroon ng ganitong klaseng relasyon? Kaya bang mag-adjust at makipagkasundo ng mother-in-law mo? O sa tingin mo ba hindi siya bukas sa pagbabago? Maging makatotohanan at iakma ang relasyon na gusto mo sa relasyon na kaya ninyong pangatawanan.
- Paano kayo makakapag-move on sa mga nakaraang isyu? Huwag mag atubili na humingi ng payo sa ibang mga kaanak o kaibigan na napagdaanan na rin ang sitwasyon ninyo. Maging bukas sa iba’t ibang pananaw.
- Ano ang puwede mong gawin para marating ang klase ng relasyon na gusto mo? Simulan sa mga simpleng bagay tulad ng pag-iwas sa pakikipagtalo sa maliliit na bagay tuwing bumibisita ang biyenan o di kaya pagpapaliwanag ng maayos kapag ikaw ay nasasaktan sa mga nagawa o nasabi niya.
- Mag-set ng boundaries o mga limitasyon—pisikal man o emosyunal. Halimbawa ng pisikal ay ang oras, araw, o dalas na maaaring tumawag o bumisita ang iyong biyenan. Samantala, halimbawa ng emosyunal ang pag-amin sa biyenan mo kung ano ang nararamdaman mo tuwing pinupuna niya ang mga desisyon mo o ang pagpapalaki mo sa mga anak mo.
- Huwag bigyan ng kahulugan ang bawat sabihin o gawin ng iyong biyenan. Magkaroon man kayo ng mas maayos na relasyon o hindi, subukan mong huwag isipin na lahat ng ginagawa niya ay patungkol sa iyo. Subukang intidihin ang kaniyang pinaggagalingan. Tandaan, hindi madaling baguhin ang mga nakaugalian na. Bigyan mo kayo ng chance na makapagbago.
Paano kung nagmamatigas talaga ang biyenan ko?
Nakakainis talaga kung sa palagay mo ay nagawa mo na ang lahat pero hindi pa rin nagbabago ang kalagayan ninyo. Baka sa huli, hindi mo na maiwasang mag-rebelde o makipagtalo. Maaaring makagawa ka ng bagay na tuluyan ng puputol sa relasyon mo sa iyong mga in-laws.
Kapag pakiramdam mo na wala sa lugar ang pakialamerang biyenan mo:
- Manindigan. Kadalasan ito na lang ang tanging solusyon.
- Bagamat bukas ka sa suhestiyon ng iyong mga biyenan, huwag mong kalimutan na ikaw pa rin ang masusunod.
- Makipag-usap ng mahinahon. Hindi kailangan makipagtalo upang masabi mo ang nais mong sabihin. Ipaalala mo sa iyong biyenan na mahalaga siya sa inyong pamilya ngunit hindi nakakatulong sa relasyon ninyo kapag parati siyang may komento o di kaya’y parating naninita sa mga ginagawa mo.
- Kapag hindi gumagana ang mga pinagkasunduan niyong limitasyon, subukan na makikompormiso. Subukan rin intindihin kung bakit siya parating nanghihimasok. Sa tingin ba niya, hindi siya mahalaga sa inyo? Nakakaramdam ba siya ng pangungulila?
- Matutong lumayo. Kapag parati na lang kayong nagtatalo, mas mabuti na hindi kayo gaanong nagkikita. Makipagkita na lamang sa kaniya kapag kasama ang iyong asawa.
- Limitahan ang paghingi ng tulong sa kaniya. Pera man o pabor, kapag parati kang humihingi ng tulong, hindi maiiwasan ng biyenan mo na parte siya sa pagpapalakad ng iyong pamamahay at pagpapalaki sa iyong mga anak.
- Tiyakin na hindi naaapektuhan ang relasyon ninyong mag-asawa. Hindi maiiwasan na malagay sa gitna ang iyong asawa kung may tensyon sa inyo ng biyenan mo. Kausapin mo ang iyong mister at ibahagi ang mga nangyayari sa iyo at sa kaniyang ina. Baka sakaling maging tulay siya sa pag-aayos ninyo.
Sa ayaw mo man o hindi, parte na ang pakialamerang biyenan mo sa buhay ninyong pamilya. Kailangan niya ng pag-papaalala na bagaman importante siya sa inyo, kailangan ninyong matutong dumiskarte dahil hindi siya parating andiyan para saluhin o alalayan kayo.
Sources: Mirror UK, The Huffington Post, Psychology Today, The Washington Post, Global News
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Candice Venturanza.