Ang sponge ang isa sa pinakamadalas nating gamiting panlinis sa ating bahay, partikular na sa kusina bilang panghugas ng mga pinggan. Sa dalas nating gamitin ito, nakakaligtaan nating palitan ang sponge nang madalas.
Bagaman karamihan sa atin ay nagtitipid at nanghihinayang na palitan ito kahit hindi pa nasisira, may importanteng dahilan kung bakit dapat nating palitan ang sponge nang madalas.
Gaano ba dapat kadalas palitan ang sponge?
Alam nating lahat na ang sponge ang paboritong pamahayan ng mga bacteria dahil sa pagiging moist nito kapag ginamit. Marami ang naniniwala na kapag gumamit ng anti-bacterial dishwashing soap at pagbabanli ng mainit na tubig na may alcohol ay mamamatay na ang mga bacteria at germs dito.
Ngunit pinabulaanan ito ng mga eksperto at ang nakakagulat ay pinapalala pa pala ng ganitong paraan ang pagdami ng mga bacteria. Pinalalakas din nito ang resistance ng mga bacteria na siyang problema kapag dumapo sa ating katawan.
Ayon sa pag-aaral na nailathala sa Scientific Reports, ang pinakamainam na paraan upang mapanatili ang sanitasyon sa loob ng bahay ay ang palitan ang sponge linggo-linggo.
“Kitchen sponges not only act as reservoir of microorganisms, but also as disseminators over domestic surfaces,” saad sa pag-aaral.
Iba pang pag-aaral ukol sa kitchen sponges
Isa pang pag-aaral mula naman sa Journal of Food Safety ang sumang-ayon at nagsabing hindi talaga napapatay ng mga anti-bacterial dishwashing soaps ang mga bacteria na nagdudulot ng sakit sa mga tao gaya ng E.coli bacteria.
Tanging salmonella lamang ang nababawasan ng mga ito, na siyang nakikita sa 10 porsiyento ng mga kitchen sponges at kitchen rags.
Noong taong 2012, ipinaliwanag rin sa isang lecture ng microbiologist na si Dr. Charles Gerba sa Food and Drug Administration na ang lababo at kitchen sponge ay nagtataglay ng libo-libong bacteria kumpara sa inidoro natin.
Kaya hinihimok ng mga eksperto ang lahat na palitan ang sponge na kanilang ginagamit nang linggo-linggo upang maiwasan ang pagkakasakit dala ng mga bacteria na naglalagi sa mga sponge.
Huwag nang panghinayangan ang mga sponge na inyong ginagamit kung hindi pa naman ito sira. Isipin na lang na mas mahal ang gagastusin natin sa pagpapagamot sa ospital kumpara sa gagastusin natin sa pagbili ng sponge linggo-linggo.
Source: Livestrong
Images: Shutterstock
BASAHIN: 5 misconceptions about food poisoning every parent should be aware of
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!