Pamamaga ng daliri sa kamay: Sintomas na pala ng nakamamatay na sakit
Pinatignan ng isang babae ang pamamaga ng daliri sa kamay niya. Nang suriin ng mga duktor, napag-alaman na mayroon pala siyang tuberculosis! | Photo: New England Journal of Medicine
Isang babae na taga-California ang nakapansin ng pamamaga ng daliri sa kamay niya. Hindi naman ito nasugatan o na-injure. Makalipas ang isang linggo, nagdesisyon ang 42-anyos na babae na magpunta sa ospital para patignan ito. Bukod kasi sa pamamaga ng daliri sa kamay, nakakaramdam na siya ng sakit sa kaniyang hinliliit. Ano kaya ang sanhi nito?
Pamamaga ng daliri sa kamay
Nang suriin ng mga duktor, nakita na ang pamamaga ng daliri sa kamay ay nasa tissue lang ng hinliliit. Walang nakitang anuman sa mismong buto ng daliri sa ginawang x-ray at CT scan. Kaya naman nag-order ang mga duktor ng biopsy. Dito na nalaman ang tunay na dahilan ng pamamaga ng daliri sa kamay: ang mycobacterium tuberculosis, ang bacteria na nagdudulot ng tuberculosis (TB).
Mayroong palang lupus ang babae at umiinom ito ng mga gamot na nakakapagpababa ng immune system. Ang ibig sabihin nito ay mas madaling dapuan ng sakit ang babae.
Ngunit saan niya nakuha ang sakit?
Sa ginawang pagsisiyasat, napag-alaman na galing ng China ang asawa nito at malamang ay do’n nakuha ang TB. Hindi alam ng asawa na mayroon siyang active tuberculosis sa katawan. Naipasa niya ito sa kaniyang misis sa pamamagitan ng pag-ubo o laway.
Sumailalim ang babae sa four-drug antituberculosis regimen sa loob ng 9 na buwan. Matapos niyang inumin ang gamot, nawala ang TB nito.
Tuberculosis
Mayroong dalawang klase ng tuberculosis—ang active at latent. Kapag active ang TB, lumalabas ang mga karaniwang sintomas ng sakit dahil sa mahinang immune system. Kapag latent naman, ibig sabihin nasa katawan ang bacteria ngunit hindi nakikitaan ng sintomas dahil malakas ang katawan ng carrier ng bacteria.
May iba’t ibang uri ng TB:
- Pulmonary Tuberculosis—nabubuhay ang bacteria sa mga parte ng katawan na may concentration ng dugo at oxygen. Kalimitan itong napupunta sa baga. Ang uring ito ang lubos na nakakahawa dahil naipapasa ito sa pamamagitan ng laway kapag umuubo o nagsasalita.
- Extrapulmonary Tuberculosis—laganap ang bacteria sa ibang parte ng katawan. (Ito ang nangyari sa babaeng pasyente.)
- Drug-resistant Tuberculosis—advanced ang germs at hindi na tinatablan ng gamot o antibiotics.
Sintomas ng TB
Sa pinakabagong ulat, ang Pilipinas ang pangatlo sa pinakamaraming kaso ng TB sa buong mundo. Kaya naman napaka-importante na malaman ang mga sintomas nito, lalo pa’t napakadaling mahawa ng mga bata sa sakit na ito.
- Walang tigil na ubo na may kasamang malapot at malabo na plema na mayroong konting dugo
- Ubo na tumatagal ng dalawa hanggang tatlong linggo
- Matamlay, panghihina na nagiging sanhi ng pagbagsak ng katawan at timbang
- Walang ganang kumain
- Lagnat
- Pinagpapawisan pag gabi
- Mabilis na tibok ng puso
- Hingal
- Nakakaramdam ng sakit kapag humihinga
- Kulani
- Pananakit ng dibdib (rare na sintomas)
Kagaya ng kaso ng babae, maaaring magpakita ng ibang sintomas ang nakamamatay na sakit na ito. Mainam na magpatingin agad sa duktor kung may nararamdaman na kakaiba. Libreng magpa-check up sa mga health center, kung saan nagsasagawa ng sputum test o ang test na tinitignan ang laway upang malaman kung positive sa TB.
Paano maproprotektahan ang mga bata?
Dahil nga laganap ang sakit na ito sa bansa, importante na ang mga tao sa paligid ng bata ay regular na nagpapatingin. Kapag kumukuha ng bagong yaya o kasambahay, ugaliing ipa-tingin ipa-medical sila bago ipag-alaga ng mga bata. May mga diagnostic center na nag-o-offer ng mga pre-employment packages para sa mga kasambahay at driver.
Makakabuti din na iwasan na ilabas ang bata kapag mababa ang resistensya ng katawan nito. Kapag down ang immune system, mas madaling mahawa ang bata sa iba’t ibang sakit.
Tandaan na pagdating sa kalusugan, mas mainam na ang pag-prevent at maagap na pagsugpo ng sakit kaya huwag mag-aatubiling kumonsulta sa duktor.
SOURCES: Health.com, New England Journal of Medicine
Basahin: Tuberculosis: Do you know enough about this fatal disease?