Yaya nakunan ng CCTV na inaabuso ang kaniyang alaga

Nagbabalak kumuha ng yaya? Narito ang ilang tips na maaring makatulong sa paghahanap ng maayos at mapagkakatiwalaang mag-aalaga sa iyong anak.

Pang-aabuso ng yaya sa kaniyang alaga, kitang-kita sa kuha ng CCTV. Yaya na itinanggi pa noong una ang ginawang pang-aabuso, napaamin na ng makita sa video ang sarili niya.

Kaso ng pang-aabuso ng yaya

Isang kaso ng pang-aabuso ng yaya naman ang nabisto ng mga magulang ng kaniyang alaga. Ito ay sa pamamagitan ng CCTV na na-record, hindi lang isang beses na pang-aabuso ng yaya sa kaniyang alaga, kung hindi 71 beses pa sa loob lang ng sampung araw.

Ito ang kuwento ng ama ng sampung buwang sanggol na biktima. Ayon sa amang pinangalanang Mark, noong una ay hindi nila naisip ng kaniyang asawa na nakakaranas ng pang-aabuso ng yaya ang anak niya. Dahil wala naman daw itong mga bukol o pasa. Hanggang sa nakausap silang mag-asawa ng kanilang kapit-bahay na nagsabing bigla nalang umiiyak ang anak niya. Doon na tila nabuhusan ng tubig sila Mark at naisipan tingnan ang kuha ng nanny cam na nakakubli sa kanilang kwarto.

Image screenshot from ABS-CBN News video

“Before sila dumating – dalawa kasi yaya ko, may in-install na akong camera, yung baby madalas nasa kwarto. From that namo-monitor ko siya sa cam, nata-track ko siya sa bahay. Madalas talaga lagi ko chine-check. Walang physical na ano sa katawan eh walang pasa o bukol pero napapansin nung kapitbahay namin na bigla umiiyak yung bata.”

Ito ang pagkukwento ng amang si Mark na nanlumo umano ng makita ang mga videos na nakunan ng CCTV camera nila.

Pang-aabuso ng yaya na nakunan ng camera

“Sobrang dami ko nakita… After maligo ‘yung bata karga niya ihahagis niya doon sa kama ‘yung ulo umaalog talaga… From November 18 to 28, sa duration na ‘yun… 71 videos na sinaktan niya anak ko. May times na pinapatulog niya ang bata imbis na tap lang sa pwet nakaclosed fist pati sa ulo.”

Ito ang dagdag pang pagkukwento ni Mark. Ayon pa sa kaniya, matapos ang natuklasan agad nilang ipina-blotter ang yaya na nang-abuso sa anak nila. Ito ay pinangalanang si Yaya Vanessa na dalawang buwan pa lang daw namamasukan sa kanila. Nakuha daw nila ito sa pamamagitan ng referral ng isang kakilala.

“Bale ‘yung kuya ko kasi may nag-refer sa kaniya na yaya so since okay naman nagpakuha kami… In-expect namin [since] okay ‘yung sa kuya ko, okay [din ‘yung] sa amin,” sabi pa ni Mark.

Sa ngayon ay nahaharap sa kasong child abuse ang yaya na noong una ay itinanggi ang ginawa niya. Ngunit napaamin nalang din ng malamang nakunan ng CCTV ang pang-aabuso niya sa kaniyang alaga.

“Nagawa ko lang po ‘yun kasi hindi ko na po alam ano gagawin ko. Nabalingan ko na lang po siya [dahil] wala pong trabaho ang asawa ko.”

Ito ang paliwanag ng yaya ng Vanessa. Ngunit sa kabila nito ay hindi iuurong ni Mark at asawa niya ang kaso laban sa pang-aabuso ng yaya sa anak nila.

Tips sa pagkuha ng yaya

Para maiwasang mangyari ito sa inyong anak ay kailangan marunong kang humanag o mag-screen ng yaya na mag-aalaga sa kaniya. Ilan sa mga tips na dapat mong isaisip at tandaan ay ang sumusunod:

Image from Freepik

Kumuha ng yaya sa mga legit na agency.

Ayon sa agency na Maid Provider Incorporated, ang pagkuha daw ng kasambahay ay dapat dumadaan sa tatlong level. Una ay ang pag-babackground check. Pangalawa ay training at orientation para maturuan at mapaalalahan ang yaya sa mga dapat niyang gawin at sa mga karapatan niya. At pangatlo ay ang medical screening upang masiguradong walang communicable disease ang isang yaya na mag-aalaga sa isang bata. Ang pagdaan din ng isang yaya sa psychological test ay inirerekomenda bagamat ito ay magiging dagdag na gastusin sa employer na kukuha sa kasambahay.

Kailangan nyo ring alamin kung anong klase o paano ginagawa ng agency ang pagbabackground check nila sa isang kasambahay para masiguradong mahigpit at maayos nilang nasala ang taong makakasama mo.

Hingian ng requirements ang yayang nag-aapply o iyong kinukuha.

Kung kukuha naman ng yaya ng hindi dumadaan sa agency ay kinakailangan rin na i-background check ang mga nag-aapply na yaya sa pamamagitan ng paghingi ng mga requirements gaya ng biodata o resume, police at NBI clearance upang masiguradong wala silang record ng kahit anumang krimeng nagawa.

Kumuha ng yaya na angkop sa edad ng iyong anak at pangangailangan niya.

Mabuti ring kumuha ng yaya na angkop ang edad sa aalagaang bata. Ayon parin sa Maid Provider Incorporated, kung ang aalagaan ay baby pa, mabuting kumuha ng matatanda ng yaya na may higit ng karanasan sa pag-aalaga ng isang baby. Kung ang aalagaan naman ay toddler na, maari ng kumuha ng mga yaya na edad bente anyos pataas na may lakas para matingnan at maalagaan ang mga batang napaka-active sa ganitong edad.

Mabuti ring kumuha ng isang yaya na may anak na, bagamat sinasabing maaring mahati ang oras nito sa iyong anak at sa mga anak niya. Ngunit mas magiging maganda ito dahil higit na alam niya kung paano mag-alaga ng isang bata sa paraan na ginagawa ng isang magulang. O kung may medical needs naman ang iyong anak, mabuting kumuha ng yaya na may kaalaman o training sa tamang pag-aalaga sa kaniya.

Kumuha ng yaya na iyong kakilala.

Maganda rin na kumuha ng yaya na nirekumenda ng kakilala, kaibigan o isang kapamilya. Ito ay para sila ay mas madali mong mapagtatanungan ng pagkakakilanlan ng kukunin mong yaya ng iyong anak.

Image from Freepik

Interviewhin ang yaya para siya ay lubusan pang makilala.

Para mas makilala ang yaya ng iyong kinukuha mas mabuting interviewhin ito upang matanong at ma-obserbahan siya. Ilan sa mga maari mong matanong sa kaniya, maliban sa mahahalagang impormasyon sa sarili niya ay ang sumusunod:

  • Ano ang dahilan kung bakit gusto niyang mag-yaya. Ito ay para malaman mo kung alam niya ba talaga ang papasukan at gagawin niya.
  • Kung nakapagtrabaho na siya dati bilang yaya, gaano katagal siya namasukan sa dati niyang amo at bakit siya umalis. Ito ay para malaman mo kung may maling pag-uugali siya.
  • Ilang taon ang mga batang naalagaan niya na. Ito ay para malaman mo kung may karanasan na ba siya sa pag-aalaga sa mga batang kasing edad ng anak mo.
  • Paano siya mag-disiplina ng kaniyang anak at paano siya mag-disiplina ng mga batang naalagaan niya na. Ito ay para malaman mo kung nananakit ba siya ng bata.

Bagamat hindi maipapakita ng mga tanong na ito ang tunay na pagkatao ng isang yaya na nag-aapply, makakatulong ito para maobserbahan at makilala pa siya.

 

Source:

ABS-CBN News,

BASAHIN:

10 things your child’s yaya wants to tell you