Pangangaliwa ng asawa bang maituturing ang paggamit ng dating app? At kung mahuli mo ang asawa mong gumagamit nito, ano ba dapat ang gawin mo?
Isang misis ang naglabas ng kaniyang sama ng loob sa theAsianparent community matapos mahuli ang asawa niyang may kausap sa dating app na Tinder. Dahil sa natuklasan ay inaway ng misis ang mister niya.
Nag-sorry naman daw ang mister niya pero hindi nagpatinag ang misis. Napagsabihan niya na ito ng masasakit na salita na naging dahilan para mamura siya ng mister niya. Kaya ang tanong ng misis matapos ang nangyari, mahal pa ba siya ng mister niya?
Ito ang sagot at payo ng ilang momshies sa problema niya.
Kung ikaw ang nasa sitwasyon ng nasabing misis, anong gagawin mo? Narito ang mga payo mula sa eksperto.
Talaan ng Nilalaman
Pangangaliwa ng asawa gamit ang dating app
Ayon sa isang pag-aaral na nailathala sa Computers in Human Behavior journal, ang mga taong gumagamit ng Tinder app kahit in a relationship na ay hindi naman agad na ginagawa ito para mangaliwa sa partner o asawa nila.
Ito raw ay ginagawa nila out of curiosity dahil sa pagiging “in” ng dating app na ito sa mga single. Ito ay kanilang natuklasan matapos magsagawa ng survey sa 1,486 Tinder users na kung saan 300 sa mga ito ay in a relationship.
Dagdag pa ng mga researcher, natuklasan din nila na hindi romantic partner ang hanap ng mga ito sa paggamit ng dating app. Gusto lang daw ng mga ito na magkaroon ng bagong kaibigan, magpalipas ng oras o makasabay lang sa uso o ginagawa ng mga kaibigan nila.
Sinuportahan naman ang pahayag na ito ng dating coach na si Samantha Burns na sinabing iba-iba ang paniniwala ng bawat isa sa atin pagdating sa paggamit ng mga dating apps at infidelity.
Kaya bago isiping pangangaliwa ng asawa na agad ang paggamit ng dating app mas mabuting makipag-usap muna sa iyong asawa tungkol dito. Ito ay para matigil na ang iyong assumptions at upang malaman mo ang tunay niyang intensyon sa paggawa nito.
Hindi ka rin daw dapat mag-alala lalo kung in a friendly way lang naman ang usapan nila. Maliban nalang kung nagpapalitan na ng flirty messages ang iyong asawa at kausap niya. Ito ang puntong masasabing ito ay cheating na. Sa ganitong pagkakataon ito ang mga dapat mong gawin.
Ano ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon?
Una, manatiling kalmado at huwag magpadalos-dalos sa iyong mga aksyon. Kapag kalmado ka na ay saka makipag-usap ng diretsahan sa iyong partner tungkol sa iyong natuklasan. Pakinggan ang kaniyang paliwanag at saka alamin kung paano ninyo maayos ang problema.
Hindi mo rin dapat sisihin ang iyong sarili tungkol sa nangyari. Ngunit kailangan mong alamin kung bakit ito nagawa ng iyong partner o asawa.
Ito ay para malaman ninyo kung ano ang dapat baguhin o kaya naman ay iimprove pa sa inyong relasyon. Para na hindi na maulit pa ang naging problema sa inyong pagsasama.
Kung patuloy pa rin ang agam-agam sa nangyari makakatulong ang pakikipag-usap sa ibang tao tulad ng iyong mga kaibigan. Ito ay para gumaan ang iyong pakiramdam at makapag-isip ka ng mabuti.
Ang isang relasyon ay dapat binubuo ng pagmamahal, respeto at tiwala. At isa sa mga paraan para maipakita ito ay ang pagbibigay ng oras sa pakikinig sa iyong asawa o partner sa oras na dumadaan sa pagsubok ang inyong pagsasama.
Dapat din ay maging bukas o open kayo sa lahat ng oras sa isa’t isa. Ngunit kailangan ring isaisip na bagamat kayo ay mag-asawa na ay kailangan parin ninyo ng privacy para sa inyong mga sarili. At mas magiging maliwanag ito sa pagitan ninyong dalawa kung kayo ay mag-uusap at magseset ng boundaries sa isa’t isa.
Maaaring kumonsulta sa isang couple therapist para makatulong sa inyong problemang mag-asawa. Masakit man, kung nakikita mong hindi mo na kayang makisama pa sa iyong asawa ay makipaghiwalay ng maayos.
Tips kapag nahuli ang iyong asawa na nangangaliwa
1. Maging kalmado – Mahirap man pero kayaning maging kalmado kapag dumating ka sa sitwasyon na ito. Sapagkat maaaring may masabi ka o magawa ka na pagsisihan mo sa huli.
2. Kausapin ang iyong asawa at maging direct to the point.
3. Intindihin na hindi mo kasalanan ang kaniyang pangangaliwa.
4. Huwag agad magdesisyon basta-basta.
5. Mag-decide kung ang pangangaliwa ng iyong asawa ay deal breaker na ba ng iyong relasyon.
Tandaang sa mga ganitong pagkakataon, mahalaga pa rin na pag-usapan ang mga nangyari, gaano man kasakit kailangan niyo talagang mag-usap na mag-asawa. Lalo na kapag may mga anak kayong dalawa.
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote