#AskDok: 13 bagay na dapat mong malaman tungkol sa panganganak ng cesarean delivery

undefined

Kung hindi naman kinakailangan payo ng mga eksperto mas mabuting manganak ng normal delivery. Alamin dito kung bakit.

Mababasa sa artikulong ito

  • Kailan ipinapayong ma-cesarean ang isang buntis.
  • Dalawang uri ng cesarean section delivery.
  • Uri ng hiwa o tahi kapag na-cesarean ang isang babae.

Mga dapat malaman tungkol sa panganganak ng cesarean

1. Ano ang cesarean section delivery?

Ayon sa Mayo Clinic, ang cesarean section delivery o C-section ay isang surgical procedure na kung saan hinihiwaan ang tiyan at uterus ng buntis sa panganganak upang doon mailabas ang kaniyang sanggol.

Base sa data na nakalap ng World Health Organization o WHO, tinatayang umaabot sa 18.5 milyon cesarean sections delivery ang isinasagawa taon-taon sa buong mundo. Kadalasang ginagawa ang ganitong procedure para sa kaligtasan ng isang buntis at sa kaniyang dinadalang sanggol.

2. Kailan isinasagawa ang cesarean section delivery?

Bagama’t ayon sa siyensa at inirerekumenda na lahat ng buntis sana ay mag-normal vaginal delivery. May mga pagkakataon na ang cesarean delivery ang makabubuti sa buntis at kaniyang sanggol.

Ito ay ang mga sumusunod na sitwasyon na kung saan ang cesarean delivery ang pinakamagandang opsyon para masigurong maialis sa peligro ang buhay ng buntis at kaniyang baby.

Ayon sa Mayo Clinic ang mga sitwasyon o kondisyon na kung saan kailangang isagawa ang cesarean delivery ay ang sumusunod:

  • Stalled labor o sa tuwing hindi nagda-dilate ang cervix ng buntis sa kabila ng malalakas na contractions.
  • Si baby ay in distress tulad ng may pagbabago sa kaniyang heartbeat.
  • Nasa abnormal na posisyon si baby. Maaaring siya’y nasa breech position o nauuna ang kaniyang kamay o puwet na nakapuwesto sa birth canal. O kaya naman siya ay transverse o nakatagilid ang puwesto sa birth canal ng kaniyang mommy.
  • Hindi lang isa ang ipinagbubuntis na sanggol. Maaaring kambal, triplets o higit pa.
  • May problema sa placenta ng buntis tulad ng placenta previa.
  • May severe health condition o brain condition ang buntis.
  • Prolapsed umbilical cord o naunang nakalabas ang bahagi ng pusod ng sanggol sa cervix ng kaniyang ina.
  • May active genital herpes infection ang buntis sa oras na siya ay nagle-labor.
  • May nakaharang sa birth canal ng buntis o masyadong malaki ang ulo ng sanggol o ang kondisyon na kung tawagin ay severe hydrocephalus.
  • Nauna ng sumailalim sa c-section ang buntis. Bagama’t may mga pagkakataon na posible pa rin ang vaginal delivery.

3. Elective o planned cesarean section delivery?

panganganak ng cesarean

Photo by MART PRODUCTION from Pexels

May dalawang klase ng cesarean section delivery. Ito ang elective o planned cs at ang emergency cesarean section delivery.

Mula sa pangalan nito ang planned C-section ay planado o naka-schedule. Ginagawa ito dahil sa kagustuhan ng buntis. O dahil sa siya ay nakakaranas ng medical condition na nauna ng nabanggit at ipinapayo ng doktor na ang cesarean ang pinakaligtas na paraan sa kaniya para makapanganak.

4. Emergency section delivery?

Habang ang emergency C-section ay biglaan o nakadepende sa kasalukuyang sitwasyon ng buntis at kaniyang sanggol habang nagle-labor.

Ayon sa OB-Gynecologist na si Dr. Rebecca B Singson mula sa Makati Medical Center narito ang pagkakaiba ng elective at emergency C-section. Paliwanag niya sa pagkakaiba ng dalawang klase ng C-section,

“May difference ang emergency at elective. Ang emergency, ibig sabihin hindi handa. Usually, kasi ang elective hindi kumakain 8 hours before the surgery for anesthesia reasons para hindi mag-aspirate si mommy o ‘yung laman ng tiyan niya hindi mapunta sa baga niya.” “Kapag emergency cs, maaring dumating lang si mommy dun tapos yung baby niya sobrang taas. Nag-kokombulsyon si Mommy, kailangang ilabas si baby. So hindi handa. “‘Yung mga circumstances mas high risk talaga ang emergency. Unless the mother is already laboring in the hospital tapos biglang nag-sudden fetal distress. Everything is under stress kapag emergency cesarean section delivery.”

 5. Masakit ang cesarean section delivery at ginagamitan ito ng anesthesia para maisagawa.

Sa pagsasagawa ng cesarean delivery ay wala namang dapat ipag-alala ang buntis. Sapagkat binibigyan naman ng anesthesia upang hindi maramdaman ang sakit na dulot nito.

Bagama’t sa buong operasyon ay maaaring gising niya at mararamdaman pa rin ang mga operasyon na ginagawa sa kaniya. Subalit hindi ang sakit na dinudulot nito.

Paliwanag ni Dr. Singson,

“Whether its elective or emergency, kailangan may anesthesia. ‘Yung usual anesthesia that we like to give is spinal anesthesia. Kasi ano ‘yan e complete paralysis ng motor and sensation. Sa epidural ‘yung sensation ang naba-block pero nagagagalaw pa ni mommy yung legs niya. At minsan actually, adequate naman ang epidural anesthesia. Halimbawa nagle-labor siya then naka-epidural anesthesia na siya kung maganda yung pagkakabigay yun narin ginagamit namin for the cesarean section.”

BASAHIN:

Mga dapat gawin upang maiwasang ma-cesarean sa panganganak

Cesarean Section: Ang epekto sa kalusugan ni baby kapag ipinanganak ito via CS

Post-cesarean wound infection: What you need to know

 

panganganak ng cesarean

Image from Flickr by Enrique Saldivar

6. Hindi tulad ng mga baby na ipinangangak sa normal vaginal delivery, hindi nakakakuha ng bacteria na magpalalakas sa immune system ni baby ang mga na-cesarean.

May ilang mga buntis ang nagnanais na ma-cesarean para makaiwas sa sakit ng panganganak. Pero ayon kay Dr. Singson, mas mabuting mag-normal delivery kaysa ma-cesarean kung hindi naman kinakailangan.

Sapagkat ang mga sanggol na pinapanganak ng normal delivery ay mas healthy kaysa sa mga ipinanganak ng cesarean. Ito ang paliwanag ni Dr. Singson kung bakit.

“Ang gusto kong i-point out kaya sinasabi kong may diperensya ang elective at emergency kasi maraming babae nagsasabi, ay ayoko nang mag-labor, ayoko ng masaktan. “Ayoko mag-panic. Gusto ko elective cesarean section na lang. Kailangang ma-explain sa mommy na kung bakit si baby kailangang dumaan sa birth canal ni Mommy.”

Kaya naman hindi ibig sabihin na ayaw makaranas ng sakit ng isang ina sa pamamagitan ng normal delivery at gusto na lamang mag-cesarean delivery ay hindi pwede.

Dagdag pagpapaliwanag pa ni Dr. Singson,

“Unang-una makukuha niya ‘yung mga bacteria ni Mommy sa birth canal which is vital in setting the bar for the immune system of that baby. “Kapag nakadaan si baby doon sa birth canal ni Mommy ‘yung bacteria na makukuha niya ay ‘yung mga bacteria usually coming from the anus. ‘Yung mga E. coli ‘yung mga ganun.”

“Samantalang kung dumaan siya sa tiyan through the abdominal wall usually ‘yung mga bacteria na nakukuha niya ay mga skin bacteria. “Research found that the children who were not delivered through moms birth canal are at risk o higher risk sa mga autoimmune disease. Higher risk of infections kasi nga hindi sila na-inoculate ng mga importanteng bacteria na magbibigay ng maraming antibodies sa katawan nila throughout their entire lives.”

7. May dalawang uri ng incision o hiwa kapag na-cesarean.

Sa pagsasagawa ng cesarean ay may dalawang uri ng hiwa o incision na maaring gawin sa babaeng manganganak. Ang kanilang pagkakaiba ay base sa direksyon ng paghiwa sa tiyan.

Ito ay ang bikina cut o classical cut. Ang bikina cut ay tumutukoy sa hiwa na pahaba o horizontal. Habang ang classic cut ay ang pa-vertical o patayo.

Ayon kay Dr. Singson, maaari namang pumili ang buntis sa incision na gusto niya. Bagamat para sa kaniya, ang madalas niyang inirerekumenda ay ang bikini cut.

“’Yung isa pang dapat i-discuss din sa cesarean section e ‘yung types of incision. Pwedeng vertical incision o bikina cut. Ako mas gusto ko bikini cut. Kasi kapag vertical cut, hindi maganda. Kapag tumaba si mommy nagkakaroon ng parang puwet doon sa tiyan.”

panganganak ng cesarean

Larawan mula sa iStock

8. Hindi lang tiyan ang hinihiwaan sa babaeng buntis kapag na-cesarean kung hindi pati na rin ang kaniyang uterus o matris.

Para mailabas ang sanggol, hindi lang tiyan ng babaeng buntis ang hinihiwa. Ganoon din ang kaniyang uterus.

Tulad ng hiwa sa kaniyang tiyan ay may dalawa rin itong uri. Madalas, lalo na sa kaso ng placenta previa o transverse ang position ng sanggol ay inirerekumenda ang classical o vertical incision. Ito ang paliwanag ni Dr. Singson kung bakit.

“Bukod sa incision sa abdomen, may ganoon din sa uterus. Lalo na sa placenta previa o transverse ‘yung baby ginagawa nilang vertical ‘yung incision para mas madaling ilabas si baby.”

9. Mahalagang malaman mo kung ano ang incision na isinagawa sa ‘yo kung ikaw ay ma-cesarean.

Pero kung hindi naman masyadong maselan o delikado ang kondisyon ng sanggol ay mas ipinapayo ni Dr. Singson ang transverse o horizontal incision. Ito ay dahil umano sa mga sumusunod na dahilan.

“Though we discourage vertical incision kasi mas prone sa bacteria kung manganganak ka ulit. So as much as possible gusto natin low transverse cesarean section o ‘yung low cervical cesarean section.” “Puwede pa rin namang mag-rupture, ‘yung transverse pero mas maliit ‘yung chance kasi it’s in the lower segment of the uterus.” “Pero kung vertical ‘yung incision mo we call it the classical incision on the uterus. Ini-inform usually ‘yung patient niyan. Kasi kung magpalit siya ng OB kailangan alam niya na kina-classical incision siya.” “Kasi kailangang i-perform ng mas maaga ‘yung kaniyang cesarean section sa susunod na panganganak para hindi pumutok o mag-rupture ‘yung uterus. Mas prone sa rupture ‘yun e kaya we really avoid that kind of incision.”

10. Risk ng panganganak ng cesarean.

Kailangan mo ring maging handa sa risk ng panganganak ng cesarean. Ito ay ang mga sumusunod.

  • Bleeding o pagdurugo sa iyong sugat.
  • Blood clots.
  • Breathing problems sa iyong sanggol.
  • Infection.
  • Injury sa iyong sanggol habang ginagawa ang operasyon.
  • Longer recovery time kumpara sa vaginal birth.
  • Injury sa ibang organs sa katawan habang isinasagawa ang surgery.
  • Adhesion, hernia at iba pang komplikasyon ng abdominal surgery.

Ang mga nabanggit ay maaari namang hindi maranasan kung maayos na naisagawa ang surgery at maayos ang pangangalaga sa sugat na dulot nito.

11. Inirerekumendang hindi ka kumain ng solid foods 2 oras bago ang iyong cesarean operation.

panganganak ng cesarean

Photo by Jonathan Borba from Pexels

Ayon sa University of Iowa Hospitals and Clinics, ipinapayong hindi kumain ng solid foods ang buntis dalawang oras bago siya ma-cesarean. Ganoon rin ang pag-inom ng kahit anong fluid. Ito ay para maiwasan umano ang tendency ng siya ay masuka o magkaroon ng lung complication.

12. Hindi rin basta-basta puwede kumain matapos ang cesarean surgery.

Matapos ng surgery, ay hindi rin basta puwedeng kumain ang babaeng nanganak ng cesarean. Ito ay para maiwasan na siya ay ma-constipate o mapuwersa ang sugat sa tiyan niya.

Pero ito ay nasa rekumendasyon ng doktor niya. Bagama’t madalas, ipinapayong kumain ng light meal ang babaeng na-cesarean 8 oras matapos ang kaniyang surgery.

Para kay Dr. Singson, ay may pinapayo siyang gawin ng patients niya matapos ma-cesarean,

“I apply enhanced recovery after surgery. After delivery, pinapabili ko na ng chewing gum ‘yung relative. Pina-chewing gum ko na si patient. “Kasi kapag nag-chechew siya ng gum walang pumapasok na pagkain sa tiyan niya pero nagkakaroon ng reflex ‘yun nagagalaw ‘yung bituka sa tiyan niya.” “So mas mabilis siyang makaka-pass ng gas. Tapos maaga akong magpakain. Huwag lang yung mga gassy food and usually in 48 hours uuwi na si Mommy.”

13. Kailan maaring umuwi matapos ma-cesarean.

Ayon pa kay Dr. Singson, kung parehong maayos ang kondisyon ng inang na-cesarean at kaniyang sanggol ay maari naman na siyang makauwi agad matapos ang 48 oras. Pagpapaliwanag niya,

“As soon as the baby gets the newborn screening pinapauwi ko na si mommy at baby. Hindi na kailangang hintayin pang makapaglakad si mommy. Kasi during surgery naglalagay tayo ng catheter sa pantog ni mommy. Para hindi ito matamaan during surgery for 24 hours ‘yun. Kaya naman ‘pag tinanggal ‘yun obligado talagang tumayo si mommy para makapagbanyo siya. So, the following day uuwi na siya.”

 

Source:

Healthline, Mayo Clinic, WebMD, WHO, UIHC

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!