Epekto ng CS delivery sa mga baby, malaki umano ang kinalaman sa pagkakaroon ng less healthy immune system kumpara sa mga ipinanganak sa pamamagitan ng vaginal delivery.
Ito ang natuklasan ng isang bagong pag-aaral na isinagawa ng Wellcome Sanger Institute, UCL, at ng University of Birmingham na tinawag nilang Baby Biome Study.
Epekto ng CS delivery sa baby
Kung noong una ay inaakala natin na ang cesarean section delivery o CS ay sa kalusugan lang ni Mommy may epekto, natuklasan ng isang pag-aaral na pati si baby ay naapektuhan din ng uri ng delivery na ito. At ang epekto ng CS delivery kay baby, ay malaki ang kinalaman sa kaniyang pagiging healthy hanggang sa kaniyang paglaki.
Ito ang nakakatuwang nalaman ng isang pag-aaral matapos suriin ang 1,679 samples ng gut bacteria mula sa halos 600 na sanggol at 175 na mommy.
Ayon sa pag-aaral, ang mga baby na ipinanganak sa pamamagitan ng vaginal delivery ay mas healthy umano kumpara sa mga ipinanganak sa pamamagitan ng cesarean section delivery. Ito ay dahil sa exposure ni baby sa mga bacteria ng siya ay lumabas sa pwerta ng kaniyang Mommy. Ang mga bacteria na ito ay tinatawag na microbiome na mahalaga ang ginagampanang papel para mapanatiling strong at healthy ang ating mga tiyan.
Ito rin ang bacteria na nagiging proteksyon ng isang tao mula sa allergy, obesity, inflammatory bowel disease, Parkinson’s disease, pati na sa depression at autism.
Hindi ito nakukuha ng mga ipinanganak ng cesarean section delivery. Sa halip ay natuklasan ng pag-aaral na mas maraming bad bacteria ang nakukuha nila mula sa ospital na pinag-anakan na nagdudulot naman ng bloodstream infections. Dagdag pa ang higher risk nila na magkaroon ng type 1 diabetes, allergy at asthma.
Reaksyon ng mga eksperto
Ngunit magkaganoon man, paalala ng mga eksperto hindi dapat maging dahilan ang findings na ito para hindi na dumaan sa cesarean section delivery ang mga babae. Lalo pa’t itinuturing ito na life-saving procedure at right choice para sa ibang baby at mommy. Ito ay ayon kay Dr. Alison Wright, isang consultant obstetrician at vice president ng The Royal College of Obstetricians and Gynaecologists.
Ganito rin ang paniniwala ng obstetrics professor na si Andrew Shennan mula sa King’s College sa London. Bagamat, itinuturing na groundbreaking umano ang findings na ito ay kailangan parin nito ng dagdag na evaluation at pag-aaral.
Para naman sa principal investigator ng pag-aaral na si Professor Peter Brocklehurst ng University of Birmingham ay hindi dapat gamitin ang resulta ng pag-aaral para suportahan ang ideya ng vaginal seeding o swabbing. Ito ay ang pagkuha ng fluid mula sa vagina ng babae para ipunas sa mukha at bibig ng baby para makakuha ng healthy microbiome ang mga baby na ipinanganak sa pamamagitan ng cesarean section delivery. Dahil ang healthy bacteria daw na ito ay nakukuha ng baby habang siya ay pababa sa birth canal ng kaniyang Mommy. At hindi sa labas ng vagina na maaring maging delikado dahil sa group B strep bacteria na maaring taglayin nito.
“We didn’t see any evidence that those are the bacteria that colonize a baby’s guts. The bacteria that colonize a baby’s guts are the bacteria from the mother’s gut.”
“The practice of vaginal seeding is quite a controversial one. There’s no professional group that supports that practice because it could potentially be harmful but here we are suggesting that we can find no biological evidence that it would be effective, anyway.”
Ito ang pahayag ni Prof. Brocklehurst sa isang interview.
Sa kabuuan ay gusto lang umanong ipakita ng mga researchers ang kahalagahan ng normal vaginal delivery na itinuturing nilang “thermostatic moment” na kumokondisyon sa immune system ng isang tao hanggang sa pagtanda at paglaki.
Ito ay ayon kay Dr. Niger Field, isang clinical associate professor sa University College London at senior author ng ginawang pag-aaral.
Kaya naman mga Mommy gawin ang lahat ng inyong makakaya para makapanganak ng normal. Dahil hindi lang ito makakaapekto sa kalusugan mo kung hindi pati narin sa malusog na pangangatawan ng iyong sanggol hanggang siya ay lumaki.
Source: CNN Edition, BBC News
Photo: Pexels
Basahin: How to Avoid Giving Birth via Cesarean Section – Sensible Tips for Expectant Moms
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!