Panghihipo sa babae na nakatabi sa jeep ang ibinintang at naging dahilan para maging bugbog-sarado ang isang matandang lalaki. Pero paliwanag ng matandang lalaki na out-of-balance lang siya at hindi niya hinipuan ang biktima.
Panghihipo sa babae na nakatabi sa jeep
Viral ngayon sa social media ang video na kuha sa loob ng isang modernized jeep na bumabyahe sa Brgy. Bambang, Taguig City. Sa loob ng jeep na ito naganap ang panghihipo sa babae na pasahero na nauwi naman sa pagkabugbog ng matandang nanghipo umano.
Sa simula ng video ay makikita ang isang matandang lalaki na sumakay ng jeep na hirap sa pagbabalanse ng kaniyang katawan. Lalo pa’t umandar na ang jeep ng hindi pa ito nakakaupo.
Makikitang humahawak ito sa mga bakal na hawakan upang hindi matumba habang papunta sa isang bakanteng upuan. Bago pa makaupo ay makikitang halos matumba ang matandang lalaki sa kaharap niyang babae. Nang papaupo na siya ay biglang tumayo ang babae sa kaniyang tabi at lumipat ng upuan. Sumunod ay makikita na nakatingin ang matandang lalaki sa babae pati narin ang iba pang pasahero ng jeep dahil kung ano-ano na daw ang sinasabi nito. Ayon sa babae siya daw ay nabastos at hinipuan ng matandang lalaki. Itinanggi ito ng matandang lalaki na nauwi sa mainit na sagutan sa pagitan nilang dalawa.
Mas uminit ang tagpo ng biglang hampasin ng babae ang matandang lalaki bago ito bumaba ng sasakyan. Ginantihan naman ito ng tadyak ng matandang lalaki na hindi umabot sa pasaherong babae. Maya-maya ay nag-akyatan ang dalawang lalaki sa jeep na kasama ng babae at pinagtulungang bugbugin ang matandang lalaki.
Paliwanag ng matandang lalaki at ng biktima
Ang nabugbog na matandang lalaki ay kinilalang si Alexander Butal na 53-anyos na. Ayon kay Butal, na out-of-balance lang siya at hindi totoo ang bintang sa kaniya na panghihipo sa babae.
“Na-outbalance na ako. Napahawak ako sa hawakan na bakal. Mahina katawan ko eh. ‘Yung kaliwang kamay ko, tsaka ‘yung kanang kamay ko po, mahina na.”
Ito ang pahayag ni Butal sa isang panayam na kung saan sinabi niya na siya ay pagod mula sa maghapong pamamasada ng jeep ng maganap ang insidente.
Pero pilit ng babaeng biktima ay hinipuan siya ni Butal at siya ay na-traumatized sa nangyari.
“Pagkasubsob niya ng pangalawang beses, parang nagulat na ako, kasi pangalawang beses na eh, tapos umusod ako. Tapos pag-usod niya, nung paupo na siya, nahaplos niya ako sa ganito (tagiliran) kaya napatayo ako. Napatayo ako tapos lumipat po ako ng upuan.”
“Sabi ko sa kanya ‘Bakit mo ako binabastos?’ Ginanon ko siya, sabi niya sa akin, ‘Binabastos? Hindi kita binabastos.’ Sabi ko ‘Anong ginawa mo sakin? Bakit, anong tawag mo don? Parang hahalikan mo ako.’ Tapos sabi niya ‘Hindi kita binabastos. Driver din ako,’ ganon ganon, tapos sinasabi niya pa tanga tanga daw ako.”
Ito ang pahayag at paliwanang ng babaeng pasahero sa isang panayam.
Pinagharap ang dalawa sa barangay para mapag-usapan ang nangyari na kapwa pumayag na aregluhin nalang at hindi na palakihin pa ang gulo. Pero hindi matanggap ng matandang lalaki ang sakit sa ginawang pambugbog sa kaniya ng dahil sa bintang lang. Kaya naman nais niya sanang managot ang gumawa nito sa kaniya lalo pa’t wala naman siyang ginagawang masama.
“Gusto ko managot sila sa ginawa niya eh. Masakit talaga. Wala naman akong ginagawang masa tapos pinagbintangan akong binastos niya.”
Ito ang dagdag na pahayag ni Buntal.
Mga kasong maaring isampa sa naganap na insidente
Samantala, ayon kay Atty. Gaby Concepcion, resident lawyer ng programang Unang Hirit ay maaring makasuhan ng physical injuries ang mga nambugbog sa matandang lalaki. Dahil hindi daw dapat ilagay ng tao sa kamay ang batas. Sa halip ay isumbong ang anumang krimen na naganap o nagaganap sa mga pulis na siyang gagawa ng nararapat na hakbang.
Para naman sa matandang lalaki na nanghipo umano ay maarin itong maharap sa reklamong unjust vexation sa ilalim ng Article 287 ng Revised Penal Code.
“Ang unjust vexation ay sinasabing catch all provision dahil kasali dito ang kahit anong gawain. Kahit physical o emotional harm na nagreresulta ng inis o pagka-irita sa isang tao. Unfortunately, ang isang krimen na tulad ng unjust vexation ay punishable lamang ng up to 200 pesos at kulong na matagal na ang isang buwan.”
Ito ang paliwanag ni Atty. Concepcion.
Dagdag pa niya hindi maituturing na kaso ng acts of lasciviousness ang ginawang panghihipo umano sa pasaherong babae.
“Hindi natin masasabing act of lasciviousness dahil unang-unang hindi nga masyadong nahalata. Pangalawa, masasabi siguro ng korte tulad sa isang kaso na umabot sa korte suprema na sa ganyan ka-public na sitwasyon malamang hindi ito lascivious in nature.”
Ito ang dagdag na paliwanag ni Atty. Concepcion.
Safe Spaces Act o Bawal Bastos Bill
Ngunit wala naman daw dpat ipag-alala dahil may bagong batas sa bansa ang tumutukoy sa mg ganitong insidente dagdag ni Atty.Concepcion.
“Mayroon rin tayong bagong batas ngayon na napirmhan nito lamang April o May 2019 na tinatawag na Safe Spaces Act. Dati noong ito ay panukalang batas lamang, ito ay tinatawag na “Bawal Bastos Bill.” Ito ay naipasa para siguraduhin ang sense of personal space at public safety ng isang tao. At ang pagtugon sa gender based harassment sa pampublikong lugar tulad ng mga kalye, mga privately owned places na bukas sa publiko at katulad nga nito na public utility vehicle.”
“Hindi lamang ito para sa kababaihan na naging biktima ng pambabastos sa kalye. Whether ito ay pambbastos na catcalling o unwanted na pangungulit, stalking, flashing o panghihipo o iba pang kabastusan. Pero ito ay gender based at ang biltima ay maaring babae, lalake o miyembro ng LGBTQA++.”
Ito ang paliwanag ni Atty. Concepcion tungkol sa bagong batas.
Ang Safe Spaces Act o Republic Act No 11313 ay napirmahan na ni Pres. Rodrigo Duterte noong April 17 ngayong taon.
Basa sa batas ay pagmumultahin at pananagutin na ang sinumang nanipol, nanghipo o at nagsagawa ng sexual harassment o advances sa mga pampublikong lugar, workplaces at eskwelahan.
Sa ilalim ng batas ay maaring magmulta ng mula P1,000-P30,000 ang sinumang lumabag sa batas. Dagdag pa dito ang mula anim na araw hanggang 6 na buwang pagkakabilanggo na nakadepende sa bigat ng offense o paglabag na isinagawa.
Source: GMA News, Unang Hirit Livestream YouTube, Official Gazette of the Philippines
Basahin: Catcalling sa Metro Manila, ipinagbabawal na ng batas