Hindi na bago sa atin ang mga pamahiin. Marahil mga Lola at Lolo pa natin ang mga nag-pauso nito noon. Ngunit, isang tanong ang naglalaro sa isip ng karamihan: totoo nga ba ito o sadyang kathang-isip lamang?
Marami na akong narinig na mga pamahiin. Simula noong buntis pa lamang ako hanggang sa manganak. Pero sa totoo lang, ni isa dito ay wala akong pinaniniwalaan. Hayaan nyo akong banggitin ang mga madalas kong marinig (at marahil kayo rin) na iba’t-ibang pamahiin sa pagbubutis o panganganak.
1. Binat – Pinaniniwalaan na ito raw ang nangyayari matapos manganak. Dala ng stress at mabibigat na trabaho habang ikaw ay nagpapagaling pa.
2. Suob – Ito ang pinapagawa ng mga matatanda tuwing ikaw ay may sakit. Pag langhap ng usok mula sa pinaglagaan ng mga herbal na halaman o dahon.
3. Langgas – Pagligo ng pinagpakuluang tubig ng mga halamang gamot o herbal.
Maniwala kayo sa hindi, wala akong pinaniniwalaan dito. Ilang beses akong pinag-sabihan ng aking Lola ng mga dapat gawin habang buntis, pero binaliwala ko lang ang lahat ng ito. Hanggang sa… ako mismo ang makaranas nito.
Pagkatapos kong manganak (via CS), nabago na ng tuluyan ang mundo naming mag anak. Ako ang nag aalaga ng aming anak simula umaga hanggang mag-damag. Ka-agapay ko man ang aking asawa dito, mas maraming oras padin kaming mag-ina ang magkasama dahil nag ta-trabaho ang asawa ko. Kaya naman kahit pa bukal sa loob at masaya nating inaalagaan ang mga anak natin, hindi maalis na makaramdam tayo ng pagod at stress kahit pa nga kapapanganak ko palang at dapat akong nagpapahinga at nagpapagaling.
Bigla akong napa-isip, baka nga ito na yung tinatawag na binat?
Habang ako’y may sakit, Lola ko ang nag-alaga sa akin. Alam naman siguro ng nakakarami satin na karamihan sa matatanda ay may kanya-kanyang paniniwala pagdating sa mga pamahiin. Hindi na naiiba ang Lola ko pag dating dyan. Dahil sa kanya, naranas kong lahat ang mga pamahiin na nabanggit.
Di man ako naniniwala nung una, kakaibang ginhawa ang binigay sa aking ng pag su-suob, gayon din ang pag la-langgas. Sobrang nakaka-presko ng pakiramdam.
Matapos ko ngang gawin ang mga ito, nagbilang lang ako ng oras, at tuloy-tuloy na ang aking paggaling.
Nabago nga ng pangyayaring ito ang aking paniniwala. Hindi man sigurado na ito ang rason ng mga nangyari sa akin, naniniwala naman ako na nakatulong kahit papaano ang mga ito para sa aking pag galing. Wala namang masama na maniwala.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!