Tayong mga Pilipino ay sadyang mahilig sa pagdiriwang. Ngayon nga, pati buwanang araw ng pagkapanganak ni baby ay pinapahalagahan pa dahil nais nating gawing espesyal ang bawat araw ng kanilang malusog at maayos na paglaki.
Lalo pa kapag dumating na ang unang kaarawan. Ayon sa tradisyon, ang una, ika-pito at ika-sampung kaarawan ang pinakamahalagang milestone sa isang bata, kaya’t ito ang pinaghahandaan ng bonggang-bongga nina Mommy at Daddy. Pero para sa ibang magulang, taon-taon ay talaga namang may malaking handaan at party, dahil nais nilang makasama ang lahat ng pamilya at kaibigan sa napakahalagang araw na ito sa buhay ng kanilang anak.
Pero, hindi ba’t napaka-stressful naman kung taon taon ay maghahanda ka ng engrande ng walang katuwang sa pagpaplano? Paano nga ba magagawang stress-free ang paghahanda para sa birthday party ng anak?
Sa panahon ngayon, may mga propesyunal nang makukuha para asikasuhin ang bawat detalye ng isang pagdiriwang. Sila ang mga eksperto na nakakaalam na ng lahat ng kailangan mo at mga pagkukuhanan ng mga kung anu-anong gamit para sa isang party—mula sa venue o lugar, caterer, party host, cake, lobo at dekorasyon hanggang sa mga food carts, magician at marami pang iba.
Nangalap ako ng mga pinakamagagaling na Party Events Planner sa kalakhang Maynila, at iba pang mga subok na Party Suppliers. Rekomendado ito ng marami at ito ang mga subok nang maaasahan pagdating sa paghahatid ng serbisyong kailangan ng mga magulang para hindi sumakit ang ulo sa paghahanda, at ma-enjoy ninyo ng mabuti ang party na inyong hangad para sa pamilya at sa anak.
Jelly Bellies
Higit na sa dalawang dekada ang pagpapasaya at pagpaplano ng malalaking pagdiriwang ng party planner na ito. Kahit pa maliit na party lang ang gusto, kaya pa din nilang gawing bongga at kakaiba. Madetalye at talaga namang napaka-creative ng grupong ito.
Maaaring kunin ang Party Package, na talagang wala ka nang aalalahanin—sila na lahat ang magaasikaso mula imbitasyon, caterer, cake, napakagagandang balloon creations, entertainment.
Mayroon pang mga mini-stations katulad ng nail art at mini-salon, at food carts tulad ng cotton candy, corn dog, at marami pang ibang pakulo. Talagang pambata at mag-eenjoy ang buong pamilya. “The works” ika nga. Iaayon nila sa budget na ibibigay mo. Sadyang eksperto sila sa mga pambatang selebrasyon.
Maaaring tingnan ang gallery ng kanilang mga naging party sa Jelly Bellies website.
The Party Project
Ang The Party Project naman ay kilala sa mga magagarbong dekorasyon na parang kaharian o wonderland. Kakaiba din ang kanilang mga ideya, at mala-Martha Stewart and disenyo. Gumamit na rin sila ng LED cakes at cake mapping o cake na may ginagamit na projector para sa disenyo na sadyang napakaganda. Ang grupo ng mga taga-plano nila ay uupo at bubuo ng konsepto kasama ang kliyente, para gawing memorable ang inyong party. Sila na rin ang bahalang kumuha ng mga supplier ng lahat ng kailangan.
Maaaring tingnan ang gallery ng kanilang mga naging party sa The Party Project Facebook page.
Party Magic
Ipinagmamalaki ng Party Magic ang talaga namang parang magic na pagpaplano at disenyo ng kanilang mga party. Gumagawa sila ng mga props at naghahanap ng mga kasangkapan tulad ng silya at lamesa na kakaiba at babagay sa tema ng party. May mga kakaibang gimik din tulad ng baking party. Marami nang mga kaarawan ng artista at mga anak ng artista ang kanilang naplano.
Maaaring tingnan ang gallery ng kanilang mga naging party sa Party Magic website.
Kaye Lara – K.L.
si Kaye ay isang Event Stylist, Production Designer, at Interior Decorator. Para sa mas personal at ika nga’y intimate na pagdiriwang, ang istilo ni Kaye ay kakaiba at moderno. Simple o magara, siguradong ma-detalye at napakaganda.
Maaaring tingnan ang gallery ng kaniyang mga naging party sa kaniyang Instagram at Tumblr.
Daughter of Design ni Beng Picart Villanueva
Magaling si Beng Villanueva sa mga kasal at kaarawan. Dahil mayron siya rin ay isang florist, magaling siyang gumamit ng mga bulaklak sa disenyo. Kaya’t napakaganda ng mga disenyo niya para sa mga pambabaeng kaarawan, binyag at kasal. Pero ang isang paborito ko ay ang disneyo niya ng Coachella at mga disenyong hardin.
Maaaring tingnan ang gallery ng kanilang mga naging party sa kanilang Facebook page.
With a Flourish Phiippines
Ang mga disenyo ng grupong ito ay talaga naman ding kakaiba. Ito ay nirekumenda ng ilang kaibigan at nakakabilib ang kanilang team effort at disenyo, lalo na ang ginawa nilang Tiffany & Co. party para sa unang kaarawan ng isang kliyente. Nakakatuwa at talagang magarbo. May “artistic flair”, sabi nga ng creative team nila. Ipinagmamalaki din nila ang kanilang sweets buffet.
Maaaring tingnan ang gallery ng kanilang mga naging party sa kanilang Facebook page.
Berlyn Yap Events Management
Ayon kay Bernalyn Salvador-Yap, hanggang lima lamang na pagdiriwang o event ang tinatanggap niyang kliyente sa isang buwan para mapagtuunan niya ng personal na pansin ang bawat isa. Kasal at mga kaarawan din ang specialty niya.
Maaaring tingnan ang gallery ng kanilang mga naging party sa gallery na ito.
Ailen Lim Events Planner
Layunin ng grupo ni Ailen Lim na siguraduhing maisakakatuparan lahat ng pinangarap mong detalye para sa iyong party. Kahanga-hanga naman ang mga Holywood-inspired theme nila pati ang Star Wars na talaga namang detalyado at para kang nasa set ng pelikula. Kilala din sila sa pagpa-plano ng reception sa kasal, birthday party ng bata at matanda, at company parties.
Maaaring tingnan ang gallery ng kanilang mga naging party sa Ailen Lim events.
READ: Would you spend ₱400,000 for your baby’s first birthday?