Ang pagpapasalamat ay nakakapagpasaya sa tinutulungan at tumutulong. Isang karaniwang kaalaman sa positive psychology na ang saloobin ng pasasalamat ay importante para sa masayang buhay. Lahat tayo ay nakasalalay sa mabuting kalooban at gawain ng iba. Ang pagpapahayag ng pasasalamat kapag natanggap natin ang isang kabaitan ay nagpapatunay nito. Kaya para sa masayang pagsasama, mahalaga na gawing ugali ang pasasalamat sa asawa.
Ayon sa bagong pagaaral
Sila James McNulty at Alexander Dugas ay mga psychologists sa Florida State University. Sila ay nagsagawa ng bagong pagaaral sa 120 mga bagong kasal na kanilang sinuri sa loob ng tatlong taon. Ang mga lumahok ay pinapasagot ng survey na susukat sa kanilang kasiyahan sa pagsasama at kung gaano sila nagpapasalamat sa kanilang asawa. Layunin ng nasabing pagaaral na alamin ang mga ugnayan ng pasasalamat at kasiyahan sa relasyon.
Nang nasuri na ang mga paunang survey, masasabi na agad kung ang lumahok ay may mataas o mababang pagpapahayag ng pasasalamat. Dahil dito, nahati ang mga magasawa sa tatlong uri: parehong mataas ang pagpapahayag ng pasasalamat, parehong mababa ang pagpapahayag ng pasasalamat, at may isang mataas at isang mababang pagpapahayag ng pasasalamat.
Sa kurso ng pagsusuri, makikita na bumababa ang pagpapahayag ng pasasalamat. Ayon sa mga mananaliksik, ito ang senyales ng pagtatapos ng honeymoon phase. Gayunpaman, hindi gaanong nagbago ang antas ng pagpapahayag ng pasasalamat ng mga lumahok. Nalaman na ang mga nagsasama na magkaiba ang antas ay hindi nagbago, nangangahulugan na ang pagkakaroon ng asawang may mababang pagpapahayag ng pasasalamat ay hindi hihila sa asawang may mataas na antas.
Ugnayan ng pasasalamat sa asawa at pagiging masaya
Sa simula, pare-pareho ang naging sagot ng mga lumahok na magiging masaya sila sa pagsasama ano pa man ang antas ng pasasalamat. Ngunit, ano ang kinalabasan matapos ang tatlong taon?
Ang mga nagsasamang parehong mataas ang antas ay mas masaya kumpara sa ibang uri ng mga lumahok. Kahit pa bumaba nang kaunti ang kanilang kasiyahan, nanatili itong above average.
Nugnit, para sa parehong mababa o may isang mababa at isang mataas, iba ang kinalabasan. Nagsimula ang pagiging magasawa na average ang kasiyahan. Mabilis itong naging below average sa loob ng tatlong taon. Ibig sabihin, kahit may isa lamang sa mag-asawa na hindi nagbibigay ng pasasalamat, maaari nitong mahila pababa ang kasiyahan.
Mga natutunan sa pagsusuri:
Maaari parin baguhin ang ugali
Ang ibang tao ay bata pa lamang, naging ugali na ang magpasalamat. Ngunit ang iba ay lumaki nang walang magandang modelo. Mayroong mga hindi natutunan ang halaga ng pagbibigay ng pasasalamat sa nagagawa ng ibang tao.
Kung mapansin na hindi madalas magbigay ng pasasalamat, bigyang pansin kung paano nito napapababa ang sarili pati ang mga tao sa iyong paligid. Gawing ugali ang pagbibigay ng pasasalamat sa asawa at nang makita ang mga positibong tugon na matatanggap.
Maaari lamang baguhin ang sarili
Tandaan, kahit pa gaano kataas ang antas ng pasasalamat ng isang tao, hindi parin nito naaapektuhan ang antas ng asawa. Bukod pa rito, ang pagpilit na magbago ang isang tao ay kadalasang salungat ang nagiging epekto. Ito ay dahil lalo silang nabibigyan ng rason upang hindi maging mapag-pasalamat.
Maaaring intindihin ang rason kung bakit ganito ang isang tao. Maaaring ito ay dahil sa pinagkaiba ng kultura o kaya naman sa kinalakihan na paraan ng pagpapahayag ng pasasalamat. Ipaliwanag ang halaga nito para sa pagsasama at kung gaano mo ikakasaya ang pagtugon sa mga nagagawa para sa kanya.
Maaaring may iba pang rason
Ang pagkakaroon ng depresyon ay isang rason kung bakit maaaring hindi makitaan ng pasasalamat mula sa asawa. Maaaring nararamdaman nila na sila ay miserable at walang makitang rason para magpasalamat.
Sa ganitong pagkakataon, ang kailangan nila ay suporta. Maaaring kailanganin nila ng pagpapayo mula sa psychologists. Pwede rin silang tulungan sa paghihikayat na magbahagi ng nararamdaman, siguraduhin lamang na hindi sila huhusgahan.
Higit sa lahat, umaasa tayo sa ating asawa upang matugunan ang ating mga pangangailangan. Dahil natatanggap natin ang maraming benepisyo mula sa ating asawa, ang pasasalamat ay napakahalaga para sa pagpapanatili ng kaligayahan sa relasyon.
Source: PsychologyToday
Basahin: 7 payo sa mag-asawa para mas tumagal na pagsasama