Muling nagpapa-alala ang DOH na pabakuhan ang mga batang 5 taong gulang pababa kontra polio. Ang programang patak polio ng DOH ay sinisiguradong ligtas at sapat para sa mabigyan ang mga bata. Ganun pa man, nasa kalahati pa lamang ng target na mabakunahan ang tumatanggap nito.
Patak polio
Ang mga health center ay bukas para sa mga nais tumanggap ng bakuna kontra polio. Mayroon itong ligtas at sapat na mga bakuna mula sa pagtutulungan ng DOH at WHO. Subalit, mababa kumpara sa target na mabakunahan ang dami ng mga nagpapa-bakuna.
Ayon sa DOH, 95% ang kailangang mabigyan ng bakuna para masabi na protektado ang isang lugar mula polio. Subalit, ayon kay DOH Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, 54% pa lamang ang tumatanggap nito. Ang datos ay mula sa unang round ng Synchronized Polio Vaccination na isinagawa sa Maynila nuong ika-19 hanggang ika-31 ng Agusto.
Nang sinuri ng DOH kung bakit ganito lamang kababa ang mga nagpabakuna sa kabila ng polio outbreak, iba-iba ang natanggap na dahilan. 41% sa mga ito ay nagsabi na wala ang mga magulang, caregivers o mga bata sa mga araw ng pamimigay ng bakuna. Ang ilan naman ay hindi alam na mayroong programang nagaganap. Mayroon ding mga walang binilin ang magulang sa caregivers kaya hindi sila makagawa ng desisyon. Ang iba ay nagsabi na may sakit ang bata sa mga panahon ng pagmimigay ng bakuna. Habang ang ilan ay nagsabing nabakunahan na ang bata ng mga pribadong duktor. Subalit, mayroon din na ang naging rason ay dahil hindi sila nagtitiwala sa health workers ng baranggay o sa bakuna.
Panganib ng polio
“Walang gamot sa polio. Maiiwasan lamang ito sa pamamagitan ng pagtanggap ng bakuna na ligtas at epektibo,” paalala ni Assistant Secretary Vergeire.
Ang mga sintomas ng polio ay kadalasang lumalabas mula 3 hanggang 21 araw matapos dapuan ng poliovirus. Nagdedepende ang mga sintomas nito sa lala ng sakit.
Ang mga may mild na kaso ng polio ay makakaranas ng:
- Lagnat
- Pagkahina
- Pananakit ng ulo
- Pagkahilo at pagsusuka
- Paninigas ng mga muscles
Kapag lumala na ang sakit, maaaring maranasan ang mga sumusunod:
- Pananakit ng mga muscles
- Paninigas ng leeg at likod
- Hirap sa paglunok at paghinga
- Meningitis
- Panghabang buhay na pagkaparalisa
- Kamatayan
Ang pagbabakuna ang pinaka-mabisang paraan para maiwasan ang polio. Sa paraan din na ito, maiiwasan ang iba pang sakit na maaaring makuha ng bata.
Basahin din: Epekto ng sakit na polio: Kwento ng isang polio survivor
Source: DOH, Better Health