Narito ang mga tips para sa magandang pagsasama ng mag-asawa mula sa isang dating relationship coach.
Ang pag-aasawa o marriage tulad ng sabi ng matatanda ay isang 2-way street. Kinakailangan ang pantay na pagbibigayan sa pagitan ng mag-asawang lalaki at babae para maging maayos ang takbo nito at hindi magkabuhol-buhol ang kanilang pagsasama sa problema.
Ngunit, ang mga pagsubok ay hindi maiiwasan. Ito ay normal lang sa bawat pagsasama at isang paraan para mas patatagin at patamisin pa ang pagmamahalan ng dalawang taong nag-iibigan.
Bagama’t minsan ay may hindi pagkakaintindihan at darating sa puntong makakaramdam na ng pagod ang isa sa mag-asawa na maaring maging malaking banta sa pagsasama o hiwalayan.
Ngunit, paano nga ba maiiwasang humantong sa nakakalungkot na pangyayaring ito ang relasyon ninyong mag-asawa?
Narito ang pitong payo mula sa isang dating coach na si Bela Gandhi na dapat daw i-apply ng mag-asawa para mas mapatibay at tumagal ang pagsasama,
7 tips para sa magandang pagsasama ng mag-asawa
1. Listen more, talk less.
Isang tip para sa magandang pagsasama ng mag-asawa ay ang pagbibigay ng mas maraming oras sa pakikinig kesa sa pagsasalita. Sa ganitong paraan ay mas malalaman mo ang nararamdaman ng iyong asawa at matutukoy mo kung ano ba ang dapat gawin para masolusyonan ang kung ano mang problemang kinakaharap ninyo.
Kapag nagsasalita ang iyong asawa ay pigilan ang iyong sarili na sumagot o i-hijack ang conversation sa kung ano ang nasa isip o nararamdaman mo. Hayaan mo muna siyang matapos bago ka magsalita.
Dahil kapag pinapakita mo sa iyong partner na siya ay iyong pinapakinggan ay pinaparamdam mo rin sa kaniya kung paano mo pinapahalagahan ang nararamdaman at iniiisip niya. Sa ganitong paraan ay mas gumagaan ang nararamdaman niya at mas madali niyong masosolve ang kahit anong problema kapag kalmado na ang isa’t-isa.
2. Ask the right questions.
Kahit gaano na natin katagal kasama ang ating asawa ay hindi parin natin sila lubusang kilala. Lalo pa kung hindi sila open o vocal sa kanilang nararamdaman. Minsan ay mapapatanong ka kung bakit ito bigla nagalit o bakit bigla lumungkot ang mukha nito habang kausap ka.
Kaya para malaman mo kung ano ang gusto ng iyong asawa o ang nararamdaman niya na importante para makaiwas sa problema ang inyong pagsasama, ay ang tanungin siya.
Maari mo siyang tanungin ano ba ang pwede mong gawin para mas maparamdam mo ang pagmamahal mo sa kaniya. O kung ano ba ng mga hindi mo dapat gawin na makakasakit o ikakagalit niya.
Sa ganitong paraan ay hindi ka na manghuhula sa kung ano ang dapat at hindi mo dapat gawin sa inyong relasyon. Nagiging magandang paraan rin ito para mas maging open at close kayo sa isa’t-isa.
3. Acknowledge the good.
Karamihan sa atin ay ang maling ginagawa lang ng ating asawa ang nakikita. Habang dumadaan ang panahon ay nadadagdagan ito at naiipon at mula doon ay mapapaisip ka kung isa nga bang pagkakamali ang pagpili mo sa iyong asawa.
Ika nga ng lumang kasabihan ay nobody is perfect—tulad mo at ng iyong asawa at ng lahat ng tao sa mundo. May mga pagkakataon talagang may mga mali siyang gagawin pero hindi ba’t minahal mo siya dahil sa magaganda ring katangian niya?
Kaya imbis na bilangin ang pangit o mali sa iyong asawa ay tingnan ang mga mabubuti niyang ginawa sayo at sa inyong pagsasama. Sabihin mo ito sa kaniya at magpasalamat araw-araw o oras-oras sa lahat ng mabubuti niyang ginagawa para sayo.
Sa ganitong paraan ay maiiwasan mo ang pakiramdam ng pagsisisi imbis ay magpapasalamat ka sa bawat oras na kasama siya at siya ay iyong asawa. Maipaparamdam mo rin sa kaniya kung gaano mo siya naappreciate na magiging inspirasyon rin sa kaniya para mas maging mabuting asawa pa sa iyo.
4. Have date nights with an agenda.
Kailangan ninyo rin mag-spend ng quality time ng iyong asawa na kayong dalawa lang. Imbis na manood ng movies, gumawa kayo ng ibang bagay na may makikita kayong results.
Puwedeng pumunta kayo sa dance lessons ng magkasama, pumunta sa art exhibits o hindi kaya naman ay mag-usap lang kayo ng tungkol sa pangarap ninyo, mga gusto niyong puntahan o kaya naman ay alalahanin ninyo yung mga panahong nagsisimula pa lamang kayo.
Sa pamamagitan nito ay mare-refresh sa inyong memories kung bakit mo minahal ang iyong asawa. Mas maappreciate mo ito ngayon kasi nalampasan ninyo lahat ng pagsubok at sa kabila ng lahat ay magkasama parin kayo. Mas magiging masaya ka at maipaparamdam mo rin sa iyong asawa ang hindi paring nagbabagong pagmamahal mo kahit sa mga sandaling oras lang na ito.
5. Realize that love is a verb not a noun.
Ang simpleng pagsasabi ng salitang “I love you” ay maaring magpahiwatig ng iyong pagmamahal.
Ngunit dapat mo ring isaisip na ito ay dapat mo ring iparamdam sa kanila sa pamamagitan ng actions tulad ng pagyakap o paghalik sa iyong asawa.
Maari mo ring maipakita ang pagmamahal sa pamamagitan ng pagtimpla ng kape para sa iyong asawa sa umaga. Ang pagtetext sa kaniya o pagtawag para kumustahin siya habang malayo kayo sa isa’t-isa. Ika nga action speaks louder than words. At ang iyong pagmamahal ay hindi lang dapat sa salita kung hindi pati narin sa gawa.
6. Be on your partner’s team.
Aminin na natin, marami sa atin ang may mga nakikitang mali sa ating asawa na gusto nating baguhin sa kanila. Ngunit tulad nga ng sinabi sa payo #3 dapat ay iwasan tingan ang mga mali niya at i-aappreciate ang mga tamang ginawa niya. Ngunit hindi mo ito puwedeng ituro sa ibang tao.
Minsan may mga araw na uuwi ang iyong asawa na magrereklamo tungkol sa bastos na katrabaho. Madalas ay sisihin pa natin ang ating partner at sasabihing “baka naman may ginawa ka o kasi naman ganoon ka talaga!” Ito ay mali.
Dapat ay makinig ka muna sa iyong asawa at laging iparamdam sa kaniya na ikaw ay nasa panig niya. Dahil kayo ay isang team. Ang mga pagkakamali niya ay maari ninyo rin namang pag-usapan sa paraan na maipaparamdam mo parin na ikaw ay laging kampi at panig sa kaniya.
7. Resolve conflict quickly.
Kung ikaw ay may tampo o may hindi nagustuhan sa iyong asawa ay kausapin siya agad tungkol dito. Kung may nakasakit sayo o nakikita mong may iniinda o gumugulo sa isip ng asawa mo ay kausapin agad siya para malaman at ma-solusyon agad ito.
Huwag niyong hayaan tumagal at lumipas ang problema. Dahil ito ay maaring maipon na mas magpapalalim ng negative feelings na maaring makasama sa inyong pagsasama.
Laging isipin na lahat ng bagay ay napaguusapan at lahat ng problema ay nasosolusyonan lalo na kung kayo ay magkasama at nagtutulungan.
Gamit ang pitong payo sa mag asawa na ito ay siguradong mas magiging masaya at tatagal ang pagsasama ninyong mag-asawa.
Source: Today
Basahin: 5 ways para magtagal ang pagsasama ng mag-asawa
6 paraan para i-save ang relationship na papunta na sa hiwalayan