Pagdating sa mga nagbubuntis, madalas silang pinapaalalahanan ng mga doktor. Kailangang maingat sa mga kinakain, maingat sa iniinom na gamot, at maingat sa mga gawain upang masigurado nilang walang magiging problema ang kanilang panganganak. Ngunit ayon sa isang pag-aaral, posible raw na pati ang pag-aalaga ng ngipin upang makaiwas sa periodontitis ay kinakailangang gawin ng mga ina.
Ito ay dahil ang periodontitis, o impeksyon sa gilagid ay posibleng magdulot ng premature birth. Ano kaya ang kinalamin nito sa pagbubuntis, at dapat bang mag-alala ang mga ina tungkol dito?
Periodontitis, posibleng sanhi ng premature birth
Ayon sa isinagawang pag-aaral ng team ni Dr Vladimíra Radochová mula sa Czech Republic, mas mataas raw ang posibilidad ng premature birth sa mga inang mayroong gum disease.
Pinag-aralan nila ang 77 mga inang kakapanganak pa lamang, at inalam nila ang kalusugan ng kanilang mga ngipin. Dito, napag-alaman nila na marami raw plaque at mayroong gum disease ang mga inang nanganak na premature.
Hindi pa rin nila alam kung ano ang mismong dahilan kung bakit ito nangyayari sa mga inang may gum disease. Sa tingin nila, posible raw na magpunta sa bloodstream ang bacteria na nagmumula sa infected na gums. Kapag nakaabot ito sa placenta, ay posibleng maging sanhi ng infection at maging dahilan ng pagkakaroon ng premature na panganganak.
Kaya’t inuudyok ng mga researcher na huwag kalimutan ng mga nagbubuntis na alagaan ang kanilang mga ngipin.
Paano makakaiwas sa impeksyon sa gilagid?
Mahalaga ang pag-aalaga sa kalusugan ng ating mga ngipin. Ngunit kadalasan ay napapabayaan natin ang ating ngipin at ito ang nagiging sanhi ng mga sakit tulad na lang ng periodontitis.
Upang maiwasan ang mga ganitong sakit, mahalagang alamin natin ang mga hakbang upang alagaan ang kalusugan ng ating mga ngipin. Heto ang ilang mga hakbang na puwedeng gawin upang mapanatiling malusog ang mga ngipin.
- Magsipilyo ng 2 beses sa isang araw
- Umiwas sa pagkain ng mga matatamis na pagkain, dahil nakakasira ito ng ngipin
- Ugaliing gumamit ng dental floss upang malinis ang pagitan ng mga ngipin
- Gumamit ng toothpaste na mayroong flouride upang maging matibay ang mga ngipin
- Magpunta sa dentista upang ma-check ang kalusugan ng iyong mga ngipin
Source: The Star
Basahin: 7 Everyday habits that can ruin your child’s teeth
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!