Ipapatupad na ang Universal Health Care (UHC) Act na ipinagtibay ni Pangulong Duterte nuong ika-20 ng Pebrero taong 2019. Pinirmahan ni Health Secretary Francisco T. Duque III ang IRR nito ika-10 ng Oktubre taong 2019. Subalit, kasabay nito ay ang pagtaas ng Philhealth contribution ng mga miyembro. Alamin ang mga nilalaman ng batas na ito.
Universal Health Care Act
Ang UHC, na kinikilala rin bilang Kalusugan Pangkalahatan, ay naglalayon na matulungan ang lahat ng mamamayan. Nais nitong masigurado na ang mga mangangailangan ng tulong pinansiyal pagdating sa kalusugan ay matutulungan. Dahil dito, lahat ng mga Pilipino ay awtomatiko nang kikilalanin na miyembro ng Philhealth. Lahat ngayon ay maaari nang ma-confine sa hospital nang walang inaalalang Balance Billing.
Subalit, hindi lahat ng maco-confine ay sasagutin ng Philhealth. Maaari lamang sagutin ng Philhealth ang mga naka-confine sa ward o kaya naman ay basic rooms. Kapag sa mga private rooms o executive rooms, hindi na sagot ng organisasyon ang buong gastusin.
Pinapayagan naman ang mga naka-private rooms kapag ang kanilang sakit ay malala. Kabilang sa mga ito ang mga may kanser, kailangang ilagay sa ICU, o mga may nakakahawang sakit.
Pagtaas ng Philhealth contribution
Kasabay ng paglawak ng nasasakupan ng Philhealth, ang kontribusyon ng mga miyembro ay magtataas din. Ayon kay Duque, kasama talaga ang pagtaas ng premium contribution sa paglaki ng benepisyo. Ang pagtaas ng kontribusyon ay makikita na nasa .25%.
“Ito ang pinakamababang increase [ng Philhealth contribution], pero pinakaramdam ang benepisyo,” dagdag ni Duque.
Nagbigay naman si Philheath President Ricardo Morales na hindi mawawaldas ang pera nito. Ayon sa kanya, gagawin nila ang lahat upang manatiling ligtas ang pera. Kasabay nito ay nanigurado ang mga mambabatas na mapopondohan ng taunang pambansang budget ang UHC.
Ang Philhealth ang pinaka-malaking social protection institution sa bansa. At kung malaki ang mahahatid na benepisyo para sa kakaunting pagtaas ng premium, ito ay makakabuti sa lahat.
Basahin din: Universal Health Care Law, katuwang ng mga magulang sa tuwing magkakasakit ang anak
Source: ABS-CBN News