Philippine Milk Code, pinapaalala ng DOH na sundin sa gitna ng COVID-19 outbreak. Pag-dodonate ng formula milk hindi dapat i-prioritize.
Mga inang nanlilimos ng gatas sa gitna ng COVID-19 outbreak
Dahil sa ipinatutupad na lockdown, maraming Pilipino ang tigil trabaho. Marami ang umaapela ng tulong at donasyon upang makakain ang kanilang pamilya. Ngunit maliban sa pagkain, ang ibang Pilipinong ina humihiling na mabigyan rin ng gatas bilang donasyon ang kanilang dumedede pang anak. Sapagkat dahil sa lockdown, walang trabaho ang kanilang asawa. At wala na silang pambili ng gatas na kailangan ng kanilang mga sanggol.
Upang masolusyonan ang problema nilang ito, ilang ina ang nanlilimos ng gatas para sa kanilang anak. Ang iba ay ginagawa ito sa social media, habang ang ilan naman ay nagbakasali na mamalimos sa kalsada.
Ang tagpong ito ay na-feature sa isa sa mga artikulo ng ABS-CBN news. Ayon pa sa naturang artikulo, ang larawan ay kuha sa isang bahagi ng Mindanao Avenue Extension sa Quezon City. Ito ay ang isang lugar na kung saan nagtitipon ang mga Pilipinong pamilya na nagbabakasaling may maaawa at magbibigay ng tulong sa kanila.
Pag-dodonate ng formula milk
Bagamat may mga LGUs, private groups at indibidwal ang nagbibigay ng formula milk bilang donasyon sa mga apektadong pamilya ng lockdown, nagpaalala ang Save the Children Philippines na ito ay ipinagbabawal. Dahil ito ay lumalabag sa Executive Order 51 ng Philippine Milk Code.
Ang Philippine Milk Code ay ang batas na nagbabawal sa pagpropromote ng formula milk bilang pamalit sa breastmilk. Bagamat hindi ipinagbabawal ang pagbebenta ng formula milk, layunin ng batas na ito na i-encourage ang bawat ina na pasusuin ang kanilang anak.
“Children suffer the worst impact of the COVID-19 pandemic due to rising levels of poverty, ill-health, and malnutrition. We call on local governments to support parents and guardians by encouraging mothers to breastfeed, and provide access to affordable and healthy food.”
Ito ang pahayag ni Atty. Alberto Muyot, Chief Executive Officer ng Save the Children Philippines. Ang Save the Children Philippines ay isang organisasyon na naglalayon na mabigyan ng malusog at maliwanag na kinabukasan ang mga batang Pilipino.
Pahayag ng DOH
Ayon naman kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa gitna ng COVID-19 pandemic dapat bigyan ng tulong ng mga LGUs ang mga pamilyang may mga sanggol na kailangan pang dumede ng gatas. Ito man ay sa pamamagitan ng formula milk o breast milk. Ngunit dapat paring sundin ang Philippine Milk Code at maging priority ang pagbibigay ng breastmilk sa mga nangangailangang sanggol. Ang formula milk ay ibibigay lang sa mga natatanging pamilya at sa mga sanggol na may edad na anim na buwan na pataas kung kinakailangan.
“Dahil po isang public health emergency ang COVID-19, kinakailangan nating matiyak na alam ng ating mga local government na maaari silang mag-procure ng supply para sa non-breastfeeding families.”
Ito ang pahayag ni Vergeire. Dagdag pa niya, pagdating sa breastmilk donations ay wala namang magiging problema. Dahil may 16 human milk banks na inooperate ang DOH sa NCR. At maaring mag-procure ng breastmilk ang mga LGUs mula rito na siguradong malinis at ligtas para sa mga sanggol.
“Kung ang nanay hindi makapagpasuso ng anak, ang gatas mula sa milk bank ay ang pinakamainam na ibigay sa ating sanggol.”
“Dahil mahigpit ang screening, garantisadong pong malinis, angkop at ligtas para sa mga sanggol ang pasteurized donor milk.”
Ito ang pahayag ni Vergiere.
Malaki ang naitutulong ng breastmilk upang ma-proteksyonan ang mga sanggol sa COVID-19 pandemic
Dagdag na pahayag naman ng Save the Children Philippines, hindi kayang pantayan ng mga formula milk ang mga nutrients na makukuha ng mga sanggol mula sa gatas ng ina. Lalo na ngayon na kailangan nila ng mas malakas na immune system bilang proteksyon sa COVID-19 pandemic.
“Breastmilk is the best source of nutrition for babies and there is no milk formula that can provide the same optimum health and nutrition benefits to infants and young children.”
Ito ang pahayag ni Dr. Amado Parawan, Health and Nutrition Advisor ng Save the Children Philippines.
Kaya naman hinihikayat nila ang mga ina na magpasuso ng kanilang mga anak. Kahit na ang mga nag-positibo sa sakit na COVID-19, dahil base naman sa mga ginawang pag-aaral ay hindi nacocontaminate ng virus ang human breastmilk.
Ganito rin ang pahayag ng WHO tungkol sa breastfeeding. Ayon sa ahensya, ito ay tumutulong na mabawasan ang infant mortality rate sa mundo. Sa pamamagitan ng pagpapabilis ng recovery ng mga sanggol laban sa mga sakit tulad ng diarrhea o pneumonia. Kaya naman dapat isulong ito lalo na ngayon sa gitna ng nararanasang pandemya.
“Breastfeeding contributes to the health and well-being of mothers. It helps to space children, reduces the risk of ovarian cancer and breast cancer, increases family and national resources. It is a secure way of feeding and is safe for the environment.”
Ito ang dagdag pang pahayag ng ahensya.
Source:
ABS-CBN News, Relief Web International, PCW
Basahin:
Antibodies sa breastmilk, maaaring gamiting panlaban sa COVID-19