Bata pa lang ako ay mataba na ako, obese na nga ako eh. Naalala ko, biglang lobo ko noong tumungtong ako sa Grade 4, ‘yon din ang panahon na una akong niregla. Hanggang sa nagtuloy-tuloy na. May mga pagkakataon na nagiging tampulan ako ng tukso at katatawanan dahil sa pagiging plus size ko, kaya naman marami rin ang nagduda noong tumanda na ako kung kaya kong mabuntis.
Kung ano-anong bansag ang tinatawag nila sa akin. Hanggang sa nagdalaga ako, hindi na talaga ako pumayat. Akala ko nga wala nang magkakagusto sa akin, hanggang sa nakilala ko ang nobyo ko na naging asawa ko rin kalaunan. Minahal at tinanggap niya ako sa kung ano at sino ako.
Naalala ko pa, payat at sexy mga naging ex-girlfriends niya pero ako pa rin ang nagwagi. Pagkatapos ng mahigit 7 taon naming magkasintahan, nagpakasal kami taong 2014.
Mahirap daw mabuntis dahil sa ako ay plus size
Maraming nagsasabi sa akin noon na hindi daw ako mabuntis, wala daw akong pag-asang magkaanak dahil ako ay plus size. Na nababalutan ng taba ang matres ko at kahit anong gawin ko, wala daw akong kapasidad para magdalang-tao. Masakit, sobrang sakit.
Gusto ko siyempre bumuo ng pamilya. Gusto ko maranasan maging isang ina. At dumating din ako sa punto na natatakot ako na iwanan ako ng asawa ko ‘pag hindi ko siya nabigyan ng anak. Pero, maligaya ang puso ko kasi hindi naman nangyari ang kinakatakutan ko.
Maraming beses ako nakaranas ng false pregnancy, at aaminin ko na masakit, sobrang sakit. Masakit umasa na nauuwi lang sa wala. Nakakaranas ako noon ng mga sintomas ng pagbubuntis, gaya ng pagkahilo at pagsusuka kaya akala ko meron na pero wala pala.
Nawawalan na ako ng pag-asa, dala na rin siguro ng mga naririnig kong sinasabi ng ibang tao sa akin. Hanggang sa dumating sa punto na grabe ang pagdudugo ko. Sa isang araw kung minsan, nakakapagsuot ako ng siyam na diaper at tatlong maternity pads at may lumabas pa ngang buo-buong dugo sa akin.
Kaya nagpa-check-up ako at nalaman na masyadong makapal ang lining sa matres ko kaya ako dinudugo ng ganoon. At sinabi nga ng doctor na kailangan kong ma-raspa dahil sa kalagayan ko.
Blessing sa aming buhay
Hanggang sa taong 2017, nalaman ko na sa wakas, nagdadalang-tao na ako!
Umalis ang asawa ko nun para magtrabaho sa ibang bansa, ilang araw pa lang siya nakakaalis nang malaman ko na buntis ako. ‘Yon ang pinakamagandang regalo na natanggap naming mag-asawa.
Hindi ko makalimutan ang araw na iyon na sa sobrang saya ko ay napatakbo ako sa labas para pumunta sa tindahan na malapit sa amin na pagmamay-ari ng aming kaibigan para ipakita yung pregnancy kit ko! Positive!
Bigla nalang kaming napatalon na magkahawak kamay tapos bigla naming naisip na bawal palang tumalon at baka mapaano si baby!
May mga hindi pa nga naniniwala na buntis ako. Kaya dahil sa mga naranasan kong false pregnancy, inulit ko ang test. Apat na beses akong nag test at lahat positive bago ako nagpa-ultrasound. Nakakataba ng puso na marami ang sumusuporta sa pagbubuntis ko.
Marami ang nakaalalay sa akin, kaya kahit wala ang asawa ko sa tabi ko noong mga panahon na yon, naging maayos ang aking kalagayan.
Nagpapasalamat ako sa kanilang lahat. Lubos ang aking pag-iingat dahil ayaw kong bawiin sa amin ang regalong iyon.
Hanggang sa isinilang ang malusog at maganda naming munting prinsesa via CS delivery taong 2017, at ngayon nga ay malapit na siyang mag 5 taon. Natakot pa ako noon kasi hindi siya umiyak kaagad. Napapanood ko sa TV na dapat umiiyak ang sanggol pagkalabas niya pero hindi ang anak ko.
Lalo akong natakot noon naririnig ko ang doktor na napapasigaw na ,”Bakit hindi umiiyak yan? Paiyakin na yan!” Kinakabahan na ako at nagdadasal na maging okay ang anak ko.
At tuluyan nang bumuhos ang luha ko noong marinig ko na ang munti niyang pag-iyak at dinala na siya sa NICU (newborn intensive care unit). Nakahinga ako ng maluwag. At nang masilayan ko sa unang pagkakataon ang aking anak, walang pasidlan ang aking kaligayahan!
BASAHIN:
REAL STORIES: “24 weeks akong buntis until I found out na may malaking ovarian cyst ako.”
#MomTips: “Paano ko nalamang ayaw na sa formula milk ng anak ko”
Mom confession: “From XS naging XXL ang size ko matapos manganak”
Fulfillment bilang ina
Magkaiba kami ng relihiyon ng aking asawa. bilang katoliko ang aking asawa, pinabinyagan niya ang aming anak. At nakakalungkot isipin na isang kamag-anak ng aking biyenan ang paulit-ulit na nagtatanong kung totoong anak ko, kung totoong nabuntis ako o totoong nanganak ako.
At oo, masakit. Masakit isipin na may mga taong ganoon ang pag-uugali. Lahat ng pang-iinsulto na natanggap ko dahil sa aking katawan ay napalitan ng kaligayahan sa pagdating ng aming anak sa aming buhay.
Napakasarap maging ina! Mahirap at maraming responsibilidad subalit walang katumbas na yaman sa mundo ang kaligayahan ko na naging isang ganap na ina ako.
At ngayon nga, habang isinusulat ko ito, ako ay malapit nang mag limang buwan na nagdadalang-tao sa pangalawa naming anak.
Sobrang saya ng aking puso. Sa October ay makikita na namin ang aming bunso. Plano ko na rin magpa-ligate kasi 37 taong gulang na at mahirap na rin sa kalagayan ko ang manganak uli.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!