Alam n’yo bang ang Pochero recipe ay isa sa mga Filipino dish na maaring gawin sa inyong mga tahanan? Tara at lutuin natin ang pinasimpleng Pork Pochero.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sangkap sa pagluluto ng Pochero
- Paraan ng pagluluto ng Pocher sa pinadaling recipe na ito
Malinamnam na Pochero, easy recipe para kay mommy at daddy
Pochero o Puchero ang isa sa mga putahe na hindi pangkaraniwang makikita natin sa mga bahay-bahay. Bukod kasi sa napakaraming sangkap nito, medyo matrabaho ito kung lulutuin. Kaya naman, hindi ito madalas makita sa mga hapag-kainan.
Sinasabing ang Pochero o Puchero ay naman nating putahe o recipe sa mga Kastila. Ang tomato-based na sabaw nito ang siyang nagpapatunay ng pinagmulan nito. Ang Pochero ay hango sa sa salitang Latino na nangangahulugang “to stew”. May mga iba’t ibang version ang pagluluto nito. Mayroon sa Argentina, Mexico, Peru, Brazil, at Spain. Ang sa Pilipinas, ginagamitan ng natural na asim ng kamatis, kung kaya’t mas nagiging natural ang lasa nito.
Pochero o Puchero ay isang recipe na sinasabing nagmula sa mga Kastila. Larawan mula sa iStock
Ang kamatis ang pangunahing sangkap ng ituturo ko sa inyong Pork Pochero. Bukod sa pangkaraniwan na ito sa mga putaheng Pilipino, nagtataglay rin ito ng iba’t ibang nutrients na kailangan ng ating katawan. Sagana ito sa lycopene, na siyang lumalaban sa mga cancer cells. Mayroon din itong binibigay na vitamin C, potassium, folate, at vitamin K.
Sa iba’t ibang panig na rin ng Pilipinas, ang Pochero ay nagkaroon ng iba’t ibang version, tulad na lamang sa Bicol at Iloilo, ang Pochero nila ay maihahalintulad sa Nilaga ng mga Katagalugan. Mayroon ding Pochero na gawa sa karne ng baka, baboy, manok, at maging ng isda.
Sa pagluluto ng Pork Pochero, hindi nangangailangan ng mga kumplikadong sangkap. Kalimitan, ang mga sangkap nito ay nabibili sa mga pamilihan o grocery sa inyong lugar. Maaari ring gumamit ng mga alternatibong sangkap kung hindi available ang mga nakalistang sangkap. Tara at lutuin na natin ang pinasimpleng Pork Pochero.
Mga sangkap sa pagluluto ng Pork Pochero:
Gumamit ng pigi ng baboy para sa ating Pochero recipe. | Larawan mula sa iStock
- 2 kutsarang mantika
- 6 na butil ng bawang
- 1 malaking sibuyas na pula
- 8 pirasong kamatis na hinog
- 1 kilong karne ng baboy (pigue)
- 1 malaking carrot
- 5 piraso ng saging na saba
- 1 bungkos ng pechay tagalog
- 8 pirasong baguio beans
- ½ kutsaritang asukal
- 2 kutsarang patis
- ¼ kutsaritang paminta
- 6 na tasang tubig
Paraan ng pagluluto ng Pork Pochero:
- Tadatarin (minced) ang bawang, sibuyas na pula, at kamatis. Hiwain ang carrot at saging na saba ng pa-slant, isang pulgada ang kapal. Hugasang mabuti ang pechay at hiwain sa gitna. Putulin ang mga baguio beans ng isang pulgada ang haba.
- Sa isang kaserola, ilagay ang mantika. Igisa ang bawang, sibuyas, at kamatis. Igisa sa loob ng limang minuto.
- Ilagay na ang karne ng baboy, at timplahan ng patis. Iluto sa loob ng limang minuto at sunod na ilagay ang tubig. Pakuluin ng 45 minuto hanggang lumambot.
- Kapag malambot na, timplahan ng asukal at paminta. Ilagay ang baguio beans, carrots, at pechay. Ilutong muli sa loob ng limang minuto. Tikman at timplahan ng patis kung nakukulangan sa alat.
- Sa isang maliit na kawali na may kaunting mantika iprito ang mga nahiwang saging na saba. Ilagay ang mga napritong saba sa nalutong Pork Pochero bago ihain.
Larawan mula sa iStock
Tips para sa Pochero recipe:
- Sa pagluluto ng Pochero, maaring gumamit ng karne ng baka o manok. Dumedepende ito sa gusto ng mga paglulutuan.
- Maaari ring gumamit ng tomato sauce, tomato paste, o canned tomatoes bilang pamalit sa sariwang kamatis.
- Imbes na pechay tagalog, maaaring gumamit ng repolyo o pechay baguio.
- Pwede ring maglagay ng mais, garbanzos (chick peas), o white beans.
- Sa ibang lugar, naglalagay sila ng chorizo (chinese sausage) para sa dagdag na linamnam.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!