Mga posisyon ng baby sa loob ng tiyan: Alamin kung ano ang ibig sabihin nito

undefined

Iba man ang posisyon ng sanggol sa loob ng tiyan ng kaniyang ina tulad ng mga breech baby, may mga paraan naman para maikot o maipwesto sila sa tamang posisyon bago maipanganak.

Nasa ikatlong trimester ka na ng pagbubuntis? Alamin kung ano ang kasalukuyang posisyon ng baby sa iyong tiyan.

Kapag dumating na ikatlong trimester ng pagbubuntis, isa sa mga madalas tingnan ng mga doktor ang posisyon ni baby sa loob ng tiyan ng kaniyang ina. Maaaring marinig mo ang mga salitang anterior, posterior o breech.

Nakakaapekto kasi ang puwesto ni baby sa proseso ng iyong panganganak – kung maaari kang magkaroon ng normal delivery o sasailalim sa cesarean delivery.

posisyon ng baby sa tiyan

Kapag malapit nang manganak ang isang buntis, ang sanggol sa loob ng kaniyang sinapupunan ay umiikot at nag-iiba ng puwesto. Kadalasan, ang mga baby na ipinapanganak ay nauuna ang ulo sa kanilang paglabas. Ngunit may mga pagkakataon din na iba ang posisyon ng bata kapag isinisilang.

Para mas maunawaan ang iba’t ibang posisyon ng baby sa tiyan, narito ang kanilang mga ibig sabihin at ang mga puwedeng gawin. Para hindi mahirapan sa pagsisilang sa baby mo.

Mga posisyon ng baby sa tiyan

1. Anterior Position

posisyon ng baby sa tiyan

Image from Pinterest

Ang anterior position ay ang pinakamaganda ang pinakaligtas na position sa panganganak.

Ito ang posisyon ng baby sa tiyan kung saan ang ulo nito ay nakaturo sa puwerta ng kaniyang ina o nakaturo pababa, habang ang kaniyang baba ay nakaipit sa kaniyang dibdib at ang kaniyang mukha ay nakaharap sa likod ng kaniyang ina.

Tinatawag din itong occiput-anterior (OA) na ang ibig sabihin ay ang likod ng ulo ng baby o “occiput“ ay nasa harapan o “anterior” ng pelvis o balakang ng kaniyang ina.

Karamihan ng mga sanggol ay umiikot sa ganitong posisyon sa ika-33 hanggang 36-week ng pagbubuntis. Kilala rin ito sa tawag na cephalic presentation. Ito ang pinakamabuting posisyon para sa vaginal delivery.

2. Posterior Position

Mga posisyon ng baby sa loob ng tiyan: Alamin kung ano ang ibig sabihin nito

Tulad ng anterior position, ang posterior position ay ang posisyon ng baby sa tiyan kung saan ang ulo niya ay nakaturo pababa sa puwerta. Ang pagkakaiba lang ay ang mukha nito ay nakaharap sa tiyan ng kaniyang ina imbis na sa likuran. Tinatawag din itong occiput posterior.

Sa unang stage ng labor, 10 to 30 porsiyentong mga sanggol ay nasa ganitong posisyon. Karamihan sa mga ito ay umiikot at pumupuwesto sa tamang posisyon o anterior position bago maipanganak.

Samantala, may mga baby naman na hindi umiikot na nagiging dahilan ng matagal at mas masakit na paglalabor. Nahihirapan ang ulo ni baby na makalabas sa maliit na opening ng cervix at sa pagkakasiksik nito sa likurang parte ng balakang ng kaniyang ina.

Ang isang sanggol ay maaaring maging ganito ang posisyon kung ang kaniyang ina ay laging nakaupo o nakahiga tulad ng mga buntis na pinapayuhang  mag-bed rest.

3. Breech baby position

posisyon ng baby sa tiyan

Image from Pinterest

Ang breech baby position o “suhi” ay ang posisyon ng baby sa tiyan kung saan ang kaniyang puwet o paa ang nakaturo pababa sa pwerta ng kaniyang ina.

Hindi gaya ng mga naunang posisyon, ang breech baby position ay may tatlong variations. Ito ay ang mga sumusunod:

Complete breech –  ito ang posisyon kung saan tila nakaupo ang baby na naka-ekis ang mga binti (o naka-dekuwatro) sa kaniyang harapan at ang kaniyang puwet ay nakaturo pababa sa puwerta.

Footling o incomplete breech – posisyon kung saan ang isa o parehong paa ay nakaturo pababa, at mauunang lumabas sa puwerta, bago ang ibang bahagi ng katawan.

Frank breech – posisyon kung saan nakaturo pababa sa puwerta ang puwet ng sanggol. Habang diretso ang mga binti nito at ang kaniyang mga paa ay malapit sa kaniyang mukha.

Ito ang pinakamahirap na posisyon sa panganganak. Bagama’t karamihan ng mga breech baby na isinilang ay malusog, mataas naman ang tiyansa nilang magkaroon ng birth defects at trauma dahil sa tagal at hirap sa panganganak sa kanila.

Ayon kay Dr. Rebecca Singson, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, 2 sa 3 sanggol ang nakabreech position sa kanilang ika-20 linggo pero kusa naman silang umiikot bago dumating ang ika-36 na linggo.

“Even as much of 2/3 of babies are in breech before 20 weeks, pero by the time na dumating ka sa 36-37 weeks. mga 7% nalang remain in breech. Kasi iikot usually yan to cephalic.” aniya.

Dagdag pa niya, isa sa mga pangunahing dahilang ng breech position ay ang pelvic area ng nanay. Habang bumababa si baby papuntang birth canal, humahanap din siya ng posisyon kung saan magkakasya ang ulo niya.

Pagpapaliwanag niya,

“Usually, thats related on how adequate the pelvis of the mommy is. Kasi the head of the baby is the biggest diameter of the body, bigger than the butt, kaya hahanapin talaga ng head niya ‘yung biggest diameter. Kung adequate ‘yung pelvis, talagang bababa na yung head. So it depends din kung gaano kaluwag ‘yung abdomen ni mommy kung merong space para makaikot si baby.”

Narito ang ilan pang dahilan kung bakit nagkakaroon ng breech baby position sa loob ng tiyan:

  • Kaunti o sobrang amniotic fluid o panubigang nakapalibot sa fetus
  • Uterine fibroids (myoma) o smooth muscle tumors sa uterus
  • Kakaibang hugis ng uterus
  • May higit sa isang fetus ang nasa loob ng tiyan o may kambal o triplets na anak

Para hindi mahirapan sa panganganak at para mabago pa ang posisyon ng isang breech baby, may isang paraan na maaaring gawin ayon sa magiging rekomendasyon o payo ng iyong doktor. Ito ay ang ECV o external cephalic version technique.

Ito ay ang paraan na kung saan maglalagay ng pressure sa iyong tiyan upang umikot si baby. Hindi ito magiging komportable sa isang buntis ngunit hindi naman mapanganib.

Habang ginagawa ito ay mahigpit na babantayan ang heartbeat ng sanggol at agad na hihinto kung magkakaroon ng problema.

Kadalasan, ang ECV technique na ito ay epektibo sa pagpapaikot ng sanggol sa loob ng tiyan ngunit may mga pagkakataon ding hindi.

Kung sakali mang hindi magtagumpay ito, kinakailangan na ng isang buntis na dumaan sa cesarean delivery. Ito ay para ligtas na maipanganak ng isang buntis ang isang breech baby lalo na sa mga kaso ng footing breech.

4. Transverse lie position

posisyon ng baby sa tiyan

Image from Pinterest

Ang transverse lie position naman ay ang posisyon kung saan nakahiga ng pahalang o horizontal ang isang baby sa uterus. Bihira ang ganitong posisyon ng baby sa panganganak lalo pa at umiikot ang mga baby bago ang kanilang due date.

Kung ganito ang posisyon ng iyong baby, kailangan mong sumailalim sa isang cesarean delivery. Ito ay dahil sa panganib na puwedeng idulot nito kay baby sa iyong panganganak tulad ng umbilical cord prolapse o ang unang paglabas ng umbilical cord ng baby. Senyales ito na kailangang magsagawa ng emergency procedure para ligtas na mailabas si baby.

Paano malalaman ang posisyon ni baby sa tiyan?

Mga posisyon ng baby sa loob ng tiyan: Alamin kung ano ang ibig sabihin nito

Image from Pinterest

Sa ika-8 buwan ng iyong pagbubuntis, maari mong subukan ang baby mapping o pag-track ng kasalukuyang puwesto ni baby sa iyong tiyan, para malaman mo ang kaniyang posisyon.

Para sa prosesong ito, kakailanganin mo ng isang marker at manika.

Narito ang mga hakbang ng pagsasagawa ng belly mapping.

  1. Humiga sa kama at maglagay ng pressure o diin sa paligid ng pelvic area para maramdaman kung nasaan ang ulo ng baby. Ito ang tila maliit na bola ng bowling na iyong makakapa. Kapag natukoy na, markahan ito.
  2. Gumamit ng fetoscope o kaya naman habang inu-ultrasound, hanapin ang heartbeat ng baby at markahan kung saan ito banda sa iyong tiyan.
  3. Gumamit ng manika at ipuwesto base sa namarkahang posisyon ng ulo at puso ng baby.
  4. Hanapin ang puwet ng baby. Ito ang pabilog at matigas na parte sa iyong tiyan maliban sa ulo ng baby na namarkahan na. Markahan ang puwesto ng puwet ng baby.
  5. Sunod, pansinin kung saan banda sumisipa ang baby. Ito ang maaaring posisyon ng kaniyang mga binti o tuhod. Markahan ito.
  6. Gamit ang mga marka ay mag-drawing ng isang hugis-baby o ipwesto ang manika na nakasunod sa mga marka para makita ang kasulukuyang posisyon ng baby sa loob ng iyong tiyan.

Magbabago pa ba ang posisyon ni baby?

Ayon kay Doc Becky, kadalasan naman ay umiikot ang sanggol papunta sa anterior position bago siya ipanganak. Sa katunayan, may mga pagkakataon na nakakaikot pa ang breech baby sa tamang posisyon bago isagawa ang cesarean delivery.

“Very rarely I have seen na inadmit ‘yung patient, breech, so emergency CS siya. Binababa pa ‘yung mga cesarean sa operating room which is four floors down. By the time dumating dun, pag-CS, nakaikot na ‘yung baby, cephalic na siya.” kuwento niya.

Kung matutuklasan sa ultrasound o sa baby mapping na mali o hindi maganda ang puwesto ni baby ilang linggo bago ang iyong due date, may mga paraan para matulungan siyang makaikot.

Pwede mong subukan ang mga sumusunod:

  • Kapag uupo, ipuwesto ang iyong balakang paharap imbis na patalikod.
  • Maupo o magpalipas ng oras sa pag-upo sa birthing ball or exercise ball.
  • Sa tuwing uupo, siguruhing laging mas mataas ang iyong bewang kaysa sa iyong tuhod. Iwasan munang umupo nang nakataas ang paa.
  • Huwag maupo ng masyadong matagal. Subukan mong maglakad-lakad.
  • Sa loob ng sasakyan, maglagay ng unan sa iyong upuan para mapuwesto ang ibabang bahagi ng iyong katawan na paharap.
  • Ipuwesto ang iyong kamay at tuhod na tila nagkuskos ng sahig ng ilang minuto at ilang beses sa loob ng isang araw.

Ang mga paraan na ito ay hindi matagumpay sa lahat ng oras lalo pa kung kakaiba ang hugis ng pelvis ng babaeng nagdadalang-tao. Sa mga ganitong kaso,  kailangan na talagang dumaan sa cesarean delivery.

Habang papalapit ang iyong due date, maaari mong maramdamang tila bumababa ang posisyon ng baby sa iyong tiyan. Ang tawag dito ay lightening o ang pagpuwesto ng baby pababa sa pelvis biglang paghahanda sa kaniyang paglabas. Isa itong palatandaan na ang iyong katawan ay handa nang maglabor at magbigay silang sa iyong sanggol.

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!