Sa makabagong panahon, ang mapagmahal na pamamaraan sa pagpapalaki ng mga bata ang nakikitang epektibo. Ang pagkakaroon ng positibong relasyon at paggamit ng positibong komukinasyon sa pamilya ang nararapat, kahit na—at lalo na kung hindi nakikinig ang mga anak sa mga magulang.
Mababasa sa artikulong ito:
- 11 positibong kataga para sa mga batang ayaw makinig
- Quotes para sa mga anak na matigas ang ulo
- Tips para sa mga magulang
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga bata raw ay parang sponge. Nakukuha nila, at isinasaisip ang lahat ng kanilang nakikita sa paligid, at sa mga mas nakatatanda.
Ang mga bata, habang lumalaki ay nanunubok at titingnan talaga kung hanggang saan ang pasensiya ng magulang. Tayo namang matatanda, ay madalas nauubusan ng pasensiya, kaya’t napapasigaw nang mas madalas kaysa gusto natin, dahil nga—ayaw makinig ng bata!
Matigas ang ulo at pasaway, at kahit pa alam nila na mali o hindi dapat gawin, ay hindi pa rin sumusunod. Bagkus ay dededmahin ka pa.
Dito na papasok ang paggamit ng positibong mga kataga, para mapasunod ang mga bata nang hindi nila namamalayan. Ang mga katagang ito ang makakapagbuo ng komunikasyon ng mga magulang at mga anak, imbis na galit at mga nakakasakit na salita na pagsisisihan sa huli.
Narito ang 11 positibong kataga na maaaring gamitin sa mga bata kung ayaw makinig.
Matigas ba ang ulo ng iyong anak? Narito ang mga quotes para sa mga anak na matigas ang ulo na pwede mong sabihin sa kaniya.
1. Sabihin: “Ano ang dapat mong maalala?”
Sa halip na: “Mag-ingat ka!” o “Tigilan mo yan!”
Imbis na puro utos o instruction, gumamit ng positibong kataga na makakahikayat sa mga bata na mag-isip at magdesisyon din para sa sarili.
Nakakasawa rin ang paulit-ulit na paalala at pagtuturo kung ano ang gagawin. Kaya pinipili na lang nilang hindi pakinggan. Pero kung isi-stimulate ang talino ng mga bata, mapapaisip ito at mas malaki ang posibilidad ng pagsunod niya.
Minsan, subukan din ang mas partikular na instruction, kaysa puro “Tigilan mo ‘yan, ang daming nakakakita sa ‘yo!” Bakit hindi sabihing, “Ano ang pinag-usapan natin tungkol sa paglalaro sa park?” o kaya ay “Maaari ka bang gumalaw ng mas mabagal kapag naglalakad ka diyan?”
2. Sabihin: “Pwede bang magsalita ka nang mahinahon?”
Sa halip na: “Tumahimik ka naman!” or “Huwag kang sumigaw!”
Isa ito sa mga maaaring quotes para sa mga anak na matigas ang ulo. Ang ibang bata ay natural na malakas magsalita. Kaya’t kung hirap silang magsalita ng mahinahon.
Tulungan silang maintindihan kung saan at kailan sila pwedeng magsalita nang malakas at kailan dapat hinaan ang boses. Ipaintindi ang gamit ng “outdoor voice” at “indoor voice”.
Ang kombinasyon ng malambing na haplos, eye contact at bulong ang epektibong paraan para maipaabot sa mga bata ang mensahe.
Kaya’t kung gusto silang patahimikin o maging mahinahon, huwag sumigaw. Maging mabuting halimbawa sa mga bata; gumamit din ng mahinahon na pananalita kapag nakikipag-usap.
3. Sabihin: “Ano ang natutuhan mo sa pagkakamaling ito?”
Sa halip na: “Dapat alam mo kung ano ang tama at dapat ginawa mo.” o “Nakakahiya ka!”
Walang maitutulong ang pagsumbat at pagbabalik ng mga pagkakamaling nangyari na noon pa. Bakit hindi subukang hikayatin siyang gawin ang tama at maayos. Kausapin ang bata at bigyan ng direkta at malinaw na inaasahang gawin.
Halimbawa, imbis na sigawan ang bata ng “Nakakahiya ang ginawa mo!” bakit hindi sabihing, “Ano ang natutunan mo sa ginagawa mong ito?” o kaya ay “Ano ang pwede mong gawin sa susunod para hindi na ito maulit?”
4. Sabihin: “Pakigawa nga ito __________”
Sa halip na: “Itigil mo ‘yan!” or “Huwag mo gawin ‘yan!”
Anumang negatibong paraan ng pakikipag-usap at hindi tinatanggap nang maayos ng sinuman. Ang pagsigaw ng “Ayoko nito!” o “Huwag mo ko bigyang niyan!” sa isang waitstaff sa restawran ay hindi makakakuha ng positibong resulta. Ganoon din sa mga bata. Isa ito sa mga epektibong quotes para sa mga anak na matigas ang ulo at ayaw sumunod sa iyo.
Gumamit ng maayos at positibong pananalita. Walang imposible kung gagawing natural ang maayos na pakikipag-usap kahit man lang 90% ng oras.
Mas madaling ipagawa ang gusto mong ipagawa sa bata, kaysa gawin ang AYAW mong ipagawa sa kaniya. Ang mga instructions ay dapat tulad ng, “Maupo ka muna doon sa tabi ng kapatid mo, anak” imbis na “Huwag ka dyan umupo!” Walang tamang oras o dahilan para sumigaw sa bata.
5. Sabihin: “Late na tayo, kailangan nang kumilos nang mas mabilis.”
Sa halip na: “Huli na tayo, ano ba ang bagal mo!” o “Halika na! Ngayon na!”
Bagamat importanteng turuan ang mga bata ng kahalagahan ng oras, importanteng turuan din sila na magkaroon ng “down time” o panahon na hindi nagmamadali. Magtakda ng oras kung kailan pwedeng hindi nagmamadali, at ma-enjoy ang oras nila.
Pero turuan din sila kung kailan dapat nagmamadali, tulad ng oras ng paghahanda sa umaga para pumasok, o kapag may hinahabol na schedule.
Ipaliwanag sa kanila kung bakit dapat magmadali, gamit ang maayos na pananalita, lalo na kung hindi nakikinig. “Naghihintay si Lolo at Lola, kaya kailangan na tayong magmadali. Pwede na ba tayong umalis?”
6. Sabihin: “Idagdag natin ito sa birthday list mo, okay?”
Sa halip na: “Hindi! Wala tayong pera para bumili niyan! o “Di mo yan kailangan! Tumigil ka sa pagpapabili!”
Minsan, kahit may budget naman para bilhin ang gustong laruan ng anak, pero pinipili nating huwag bilhin. Pero hindi din naman nagdadalawang isip na bumili ng gusto natin, kahit mamahalin.
Wala namang masama kung hindi pagbigyan ang hilig ng anak. Pero may tamang paraan, nang hindi kailangang banggitin palagi ang budget o pera, o kawalan nito.
Kaya’t imbis na sabihing “Wala akong pambili ng Barbie mo” pwedeng sabihing “Maganda nga itong bagong Barbie. Gusto mo ilagay natin sa birthday list mo para makuha mo sa birthday mo?”
7. Sabihin: “Itigil mo muna ang pag-iyak. Sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mo.”
Sa halip na: “Huwag ka ngang iyak ng iyak!”
Lahat ng galaw at salita natin ay natututunan ng mga bata. Responsibilidad natin na maging mabuting modelo sa kanila. Kapag naghahabilin, huminga ng malalim at maging kalmado, para ito ang tularan nila.
Kung nagpapanic ka din at mainit na ang ulo, ito ang nakukuhang energy at halimbawa ng mga bata.
8. Sabihin: “Mahalagang bigyan ng respeto ang mga kaibigan mo, at mga tao sa paligid mo.”
Sa halip na: “Magpakabait ka nga!” o “Huwag ka ngang sutil!”
Ang pagtuturo ng moral values sa bata ay mahalaga. Bahagi ito palagi ng pagiging magulang. Iwasan ang masyadong pagiging strikto. Ang positibo, at “soft-but-firm” na pamamaraan ang dapat makagawian.
Huwag gumamit ng mga general statement. Maging partikular at direkta sa mga sinasabi at gustong ipagawa sa bata. Sabihin ang inaasahan at ulitin ito ng mahinahon pa din.
9. Sabihin: “Kailangan kita para ______”
Sa halip na: “Tumigil ka!” o “Bakit na naman? Ano na naman ginawa mo?”
Kapag pasigaw ang pananalita, hindi ito pinakikinggan ng mga bata. Hindi dahil matigas ang ulo nila, kundi dahil hindi epektibo ang negatibong pakikipag-usap sa kanila.
Mas naeengganyo silang sumunod kapag maayos at kaaya-aya ang pakikipag-usap sa kanila. Ulit, mas makikinig sila kung direkta sa punto at partikular ang mga salitang ginagamit.
Kaya’t kung gustong pasunurin, sabihing “Pwede ka bang maupo sa tabi ni Kevin sa hapag-kainan?” sa halip na “Huwag ka nga diyan umupo!”
10. Sabihin: “Hindi masamang umiyak. Magiging okay din ang lahat. Huwag ka mag-alala. Andito ako para sa iyo.”
Sa halip na: “Huwag ka ngang parang baby. Iyak ka ng iyak.” o “Nakit ka ba umiiyak?”
Nakikinig sila kapag walang pressure at hindi minamanduhan o tinatakot. Huwag silang pilitin na pigilin na ilabas ang nararamdaman nila.
Hindi ito natural. Kailangan din nilang ilabas ang nararamdaman nila, para makapag-concentrate sa dapat na gawin. Hikayatin silang ilabas ang nararamdaman nila.
Lahat tayo, lalo na ang mga bata, ay dapat na matutong ilabas ang mga nararamdaman lungkot man ito o saya. Ito ang pundasyon ng pagpapatibay ng self-esteem.
Huwag silang pigilan na na ilabas at kilalanin ang kanilang emosyon. Hindi madaling tumigil umiyak, kapag sinabing “Tumigil kang umiyak” kahit gaano pa kalakas ito sabihin.
11. Sabihin: “Mahal na mahal kita, kahit ano pa man ang mangyari.”
Sa halip na: “Di na kita mahal kapag di ka sumunod.” o “Walang magmamahal sa iyo kapag matigas ulo mo!”
Ang “unconditional love” ay pundasyon ng positive parenting. Ang ibig sabihin, ang pagmamahal sa anak ay hindi naka-depende sa kung sumusunod siya sa ‘yo o hindi.
Mahalagang maipaalam sa anak na mahal sila dahil ito ang isa sa mga makakatulong na mabuo ang tiwala nila sa sarili. Higit sa lahat, ito ang magpapatibay ng bond ng magulang sa anak. Sa halip na takutin na hindi na siya mamahalin, ipaliwanag kung ano ang maling ginagawa at ituro ang nararapat na tamang asal.
Ang positive parenting ay hindi nangangahulugan na magiging malambot na at hindi na tuturuan ang bata ng tama. Ang kailangan lang ay maging tiyak at gumamit ng pananalitang hindi nakakalito at sakto sa gustong ituro, Kalmado at mapagmahal, kahit pa mahirap silang pasunurin.
Isinalin sa Filipino mula sa orihinal na Ingles ni Anna Santos Villar