Walang katumbas ang mga benepisyong dulot ng gatas ng ina sa kaniyang sanggol. Ngunit paano kung hindi ito sapat para sa pangangailangan ni baby? Ito ba ang panahon upang gumamit na ng milk formula? Mga mommy, huwag munang sumuko kung hindi sapat ang inyong gatas. Maghanda ng de kalidad na breast pump at simulan na ang power pumping upang dumami ang gatas para kay baby!
Paggamit ng breast pump
Ang mga nagpapasusong ina ay hinihikayat na regular na bigyan ng gatas ang kanilang anak tuwing isang oras. Ito ay upang masiguradong malakas ang kanilang mga dibdib at patuloy na maglabas ng maraming gatas. Ngunit dahil hindi lahat ng sanggol ay kailangang sumuso oras-oras at hindi lahat ng ina ay maraming gatas, ang paggamit ng breast pump ay inirerekomenda. Ang mga breast pumps ay may mga mekanismong ginagaya ang pagsuso ng sanggol na karaniwang nagpaparami ng gatas ng ina.
Ano nga ba ang power pumping?
Kahit na may tulong na ng breast pump, may mga inang hindi pa rin mapakali dahil kailangan nilang matugunan ang sapat na dami ng gatas para sa kanilang anak. Tila ba hindi nakatutulong ang breast pumps sa pagpaparami ng gatas tuwing magpapasuso sila. Dito magagamit ang power pumping.
Ang power pumping o cluster pumping ay isang subok na paraang ginagawa ng mga nagpapasusong ina upang dumami ang kanilang masustansyang gatas. Samakatuwid, ang power pumping ay tulad ng regular na breast pumping ngunit ito ay mas madalas.
Paano gumagana ang power pumping?
Ang layunin ng power pumping ay ang paulit-ulit na pag-pump ng suso upang dumami ang gatas. Ang patuloy na pagkaubos ng gatas ay nagbibigay ng senyales sa katawan upang mas mabilis na maglabas ng mas maraming gatas.
Ang power pumping ay paulit-ulit na ginagawa sa loob ng isang oras sa isang araw. Ang mga nagpapasusong nanay ay kailangang mag-pump ng 20 minutong walang humpay, magpahinga ng 10 minuto, muling mag-pump ng 10 minuto, muling magpahinga ng 10 minuto, at mag-pump ng 10 minuto bago matapos.
Pinakamainam na dulot ng power pumping
Upang maging epektibo ang power pumping, dapat itong gawin isang beses sa isang araw hanggang maging sapat na ang dami ng gatas sa pangangailangan ng sanggol. Mahalagang tandaan na ang regular na breast pumping ay dapat ipagpatuloy upang makita nang mainam ang resulta nito.
Mas epektibo ang power pumping kung sinasabayan ito ng maraming pahinga at masustansyang pagkain. Kaya ang pagpapahinga pagkatapos kumain ng masarap at masustansyang pagkain ay ang tamang oras para sa power pumping. Gayunman, maaari rin itong gawin ng mga ina kahit anong oras hangga’t siya ay nakapagpahinga. Ayon sa pananaliksik, ang pagkapagod at pagkabalisa ay madalas na nakakahadlang sa pagkakaroon ng gatas.
Mabilis na makikita o mararanasan ang epekto sa loob lamang ng 2 araw. Ngunit sa ibang ina, maaari itong magtagal ng hanggang 1 linggo. Kapag napansin mong hindi ka na nagkakaroon ng gatas, ituloy pa rin ang “dry pumping,” dahil kahit na walang lumalabas na gatas ay pasisiglahin pa rin nito ang suso na magbibigay senyales sa katawan upang agarang maglabas ng gatas. Kaya huwag susuko, mga mommy! Ituloy lang ang power pumping upang dumami ang iyong gatas.
Mga power pumping tips
- Ang double power pumping ay mabilis na umuubos sa iyong gatas at nagpaparami ng prolactin sa iyong katawan higit pa sa single pumping. Mabilis na makikita ang resulta kapag nag-double pumping.
- Ihanda ang breast pump sa lugar na lagi mong madadaanan tulad ng kusina o sala.
- Sundin ang itinakdang oras at siguraduhing makikita lagi ang oras, o kaya ay mag-alarm. Kung ikaw ay nai-stress kahihintay sa iyong alarm, maaari kang manood ng paborito mong palabas sa telebisyon at tuwing patalastas ay maaari kang mag-pump. Maaari ka ring magpatugtog. Mag-pump sa sunod na dalawang kanta at magpahinga sa sunod na dalawang kanta.
- Tingnan ang mga oras na inilaan sa power pumping bilang pagkakataon upang magpahinga, at hindi isa na namang trabahong kailangang gampanan.
- Ang power pumping ay hindi nangangahulugang papalitan mo na ang iyong normal pumping routine; sa halip, ito ay ginagawa upang makadagdag sa dami ng iyong gatas kasabay ng iyong nakagawiang routine.
Nasubukan mo na ba ang power pumping? Paano nito nabago ang nakagawiang pamamaraan ng iyong pagpapasuso? Ibahagi mo naman sa amin ang iyong karanasan!
Kailangan ng tulong? Huwag mangamba!
Kung nagdududa, magpatingin sa isang lactation consultant, na makakapagpayo sa iyo tungkol sa pangangailangan at sitwasyon ninyo ng iyong sanggol.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ Alonzo-Cruz
BASAHIN: Gawing bonding ang breastfeeding: Praktikal na payo para hindi nakaka-stress ang pagpapasuso