Ilang mga classic na pelikulang pambata noon, maaari nang mapanuod ngayon sa Youtube channel ng ABS-CBN Star Cinema. Marahil ay nais mong muling mapanuod ang mga movies na bumuo sa iyong pagkabata tulad na lamang Princess Sarah at Cedie.
Mababasa sa artikulong ito:
- Pelikulang pambata noon mapapanuod na sa YouTube
- Princess Sarah movie, Cedie, at Ang TV the Movie: The Adarna Adventure
O hindi kaya naman isa ka na sa mommies at daddies na nagnanais ma-share sa inyong mga anak ang mga pambatang pelikula na talaga namang kinagiliwan ninyo noon.
Huwag kayong mag-alala, dahil isang pindot na lang sa internet ay maaari mo na itong panuoring muli. Narito ang ilang mga pelikulang pambata na pwedeng-pwedeng panoorin kasama ang buong pamilya, hatid ng ABS-CBN Star Cinema.
Sarah ang Munting Prinsesa
Isa ito sa ilang mga pelikula na talaga namang makapagbibigay ng magandang aral sa mga bata. Maaari nang matagpuan ang full movie ng Sarah ang munting prinsesa sa Youtube.
Unang sumikat ang palabas na Princess Sarah dito sa Philippines noong Hunyo 7 taong 1995. Ito ay pinangunahan ng direktor na si Romy Suzara sa panulat ni Shaira Mella Salvador.
Matatandaang si Camille Prats at Angelica Panganiban ang mga pangunahing tauhan sa istorya na bata pa lamang ay nagpamalas na ng galing sa larangan ng pag-arte.
Princess sarah Movie
Bukod sa kanila, mapapanuod din sa pelikulang ito sina Mat Ranillo III, Jean Garcia, Rio Locsin at marami pang iba.
Sa palabas na ito, si Princess Sarah (Camille Prats) ay ang nag-iisang anak ng mayamang kapitan na si Capt. Crewe (Mat Ranillo III). Ang mag-ama niya ay nagmula sa bansang India.
Samantala, ipinadala naman ng kaniyang ama si Sarah sa England upang mag-aral. Dahil sa angking galing at kabaitan, agad siyang sumikat at nagkaroon ng kaibigan. Isa na doon si Becky (Angelica Panganiban) na isang katulong.
Nang mawala ang kaniyang ama, siya ay pinaginitan ni Miss Minchin (Jean Garcia). Nanatiling mabuti ang bata sa kabila ng mga hindi magandang nangyare sa kaniya.
Subalit, mayroon bang darating upang iligtas siya mula sa kaniyang paghihirap na dinadanas? Halina’t panuorin ang Princess Sarah movie sa youtube ng ABS-CBN Star Cinema.
BASAHIN:
100 Movies na maaaring panoorin ng iyong anak sa YouTube Kids
Bible movies for kids na kapupulutan nila ng aral
Helpful tips for your kid’s first time at the movies
Cedie the movie
Isa ka ba sa matagal nang naghahanap ng malinaw at full movie na Cedie? Huwag mag-alala dahil madali mo na itong matatagpuan sa Youtube.
Unang ipinalabas ang pelikulang ito sa Pilipinas noong Mayo 8, taong 1996. Pinangunahan ito ng sikat na direktor na si Romy Suzara na siya ring direktor ng Sarah ang Munting Prinsesa.
Ang pangunahing aktor sa palabas na ito ay si Tom Taus Jr. na gumanap bilang Cedie Errol. Kasama rin niya sa palabas na ito sina Ronaldo Valdez bilang the Earl of Dorincourt, Jaclyn Jose bilang Annie Errol, at marami pang iba.
Ang istorya ng pelikulang ito ay patungkol sa isang American boy na nagngangalang Cedie Errol (Tom). Napag-alaman dito na siya ay ang nag-iisang tagapagmana ng ari-arian ng kaniyang pamilya.
Ang kaniyang ina na si Annie Errol (Jaclyn) ay hindi mayaman at hindi nanggaling sa isang kilalang pamilya.
Samantala, apo naman siya ng kilalang the Earl of Dorincourt (Rolando), at nais siyang turuan kung paano maging isang aristocrat o miyembro ng maharlikang pamilya.
Hindi natinag ang magandang pag-uugali ni Cedie. Bagkus, siya ang nagturo sa kaniyang lolo kung paano maging maunawain at mahabagin sa mga tao.
Ang TV the Movie: The Adarna Adventure
Ang pelikulang Ang TV the Movie: The Adarna Adventure ay unang beses na natunghayan ng mga taon noong Oktubre 2, taong 1996.
Pinangunahan ito ng isa sa mga sikat na direktor sa larangan ng pampepelikula na si direk Johnny Manahan, sa panulat ni Johhn Lazatin.
Ang palabas na ito ay pinangunahan ng ilang mga kilalang artista. Gaya na lamang nila Nida Blanca bilang Lola Binyang, Tirso Cruz III, Dindo Arroyo, Gio Alvarez, at Jolina Magdangal.
Kasama rin dito sina Paolo Contis, Camille Prats, Patrick Garcia, Cj Ramos, Angelica Panganiban at marami pang iba.
Sa unang bahagi ng palabas ay makikita ang grupo ng kabataan na gabi-gabing magkakasama upang umistambay sa isang lumang bahay.
Lagi nila itong ginagawa upang makinig sa mga kwento mula kay Lola Binyang, at magsisimula ito oras na siya ay maupo sa kaniyang upuang tumba-tumba.
Isang gabi ay ikinuwento sa kanila ang istorya patungkol sa kaharian ng Berbanya, kung saan ang hari ay dumaranas ng malalang karamdaman.
Ang nagiisang lunas lamang sa malubhang sakit ng hari ay ang mahiwagang Ibong Adarna. Samantala, ang tatlong anak ng hari ang naaatasan upang hanapin ang ibong Adarna. Dito ay kinakailangan nilang pumunta sa kagubatan.
Sa parteng ito, ang mga kabataan mula sa kasalukuyan ay himalang napunta sa Kaharian ng Berbanya upang sumama sa pambihirang karanasan.
Ang kanilang pangunahing layon ay ang mailigtas ang hari at ang buong kaharian ng Berbanya.
Kaya Mommy at Daddy ipanuod na ang mga pelikulang ito sa inyong anak na may magandang aral.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!