Privacy ng isang tao, ano nga ba ang maaring maging kaparusahan kapag pinanghimasukan at hindi inirespeto.
Biyehan na nag-video ng panganganak ng manugang
Nauwi sa demandahan ang ginawang pangvivideo ng isang biyenan sa panganganak ng kaniyang manugang.
Kwento ng manugang na biktima na pinangalanang Beth, araw ng Halloween noon ng siya ay mag-labor sa kaniyang panganay na anak, apat na taon na ang nakararaan.
Tandang-tanda ni Beth kung paano hindi naging madali ang paglelabour niya na tumagal ng apat na araw. Dagdag pa ang presenya ng mother-in-law niya na noon ay pinagbantaan siyang pwepwersahin na ang kaniyang tiyan para mailabas na ang anak niya.
Kaya naman laking tuwa at pasalamat ni Beth ng sa wakas ay naipanganak niya na ang kaniyang panganay na anak na isang babae. Ngunit biglang napawi ito ng ma-realize niya na mula sa paglelabour hanggang sa pagtahi sa kaniyang pwerta ay nag-vivideo ang mother-in-law niya.
Nakiusap si Beth dito na burahin ang video na pinangako naman umano na gagawin ng kaniyang mother-in-law. Pero hindi niya pala ito ginawa at sa halip ay pinanuod pa ang video sa mga iba’t-ibang mga tao. Karamihan dito ay mga lalaki na walang kaugnayan sa kanilang pamilya at hindi nila kakilala. Ang nakakagulat pa ay mayroon din pala itong recorded video ng ipanganak niya ang kaniyang baby #2.
Dahil sa hindi madaan sa maayos na pakiusap at sa kahihiyang naidulot nito ay napagdesisusyan niyang idemanda ang kaniyang mother-in-law. Ang kaso ay ang paglabag nito at hindi pagrespeto sa privacy ng isang tao.
Paglabag ng privacy ng isang tao
Dito sa Pilipinas ang sinumang mapatunayang kumuha ng litrato o video ng anumang aktibidad na nagpapakita ng maseselang bahagi ng katawan ng isang tao na lingid sa kaalaman o kagustuhan nito ay lumalabag sa Republic Act No. 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.
Ipinagbabawal din sa nasabing batas ang pagrereproduce o pagpapakalat ng nakunang video o litrato. Pati na ang pagbibili o kaya naman ay ang pagbrobroadcast nito para makita ng iba pang tao.
Dahil ang mga naturang aksyon ay malinaw na paglabag sa privacy ng isang tao na pangunahing pinoprotektahan ng batas.
Ang sinumang mapatunayang lumabag sa batas na ito ay maaring makulong ng hindi bababa sa tatlong taon na aabot hanggang sa pitong taon. Mapagmumulta rin siya ng hindi bababa sa P100,000.00 hanggang sa P500,000.00. Kung ang gumawa naman ng paglabag ay isang organisasyon o kumpanya tulad ng TV station o print media ay maaring tanggalan sila ng lisensya o prangkisa. Maliban sa criminal case ay maari namang maharap sa kasong administratibo ang sinumang pampublikong empleyado o propesyonal na lalabag sa batas na ito.
Kaya naman bago kumuha ng video o litrato ng sinumang tao kahit pa malapit sayo, ay mabuti munang hingin ang kaniyang pahintulot. Siguraduhin ding mananatili itong pribado bilang respeto sa batas at sa privacy ng isang tao.
Source: The LawPhil Project, KidSpot
Photo: Freepik
Basahin: 10 Social media safety, security, & privacy tips for parents