Isang mommy ang nagkwento sa social media ng kaniyang karanasan sa kaniyang kuya at sa asawa nito. Gusto raw kasi ng mag-asawa na paaralin niya ang kaniyang pamangkin sa private school dahil sa private school din nag-aaral ang anak niya.
Dahil sa private school nag-aaral ang anak, dapat din daw na doon pag-aralin ang pamangkin!
“My Kuya and SIL want me to pay for my niece’s private school tuition if I don’t transfer my daughter to a public school.”
Ito ang pambungad na salaysay ng isang mommy sa social media na nagbahagi ng kaniyang hinaing sa sariling kapatid at asawa nito.
Kwento ni mommy, nakatira sila ng anak niyang 7-years-old sa bahay ng parents niya. Habang ang asawa naman niya ay nasa abroad at nagtratrabaho. Sa ngayon ay hindi pa sila makabukod dahil nag-iipon pa sila ng pambili ng sariling bahay.
Nakatira man sa magulang ay tinitiyak ni mommy na hindi sila nagiging pabigat sa mga ito. Katunayan ay nag-aambag siya sa monthly household expenses. 8,000 pesos para sa kuryente at 5,000 naman para sa grocery.
Kamakailan lamang daw ay lumipat din sa bahay ng kanilang magulang ang kaniyang kuya at ang pamilya nito matapos na mawalan ng trabaho. Dating sous chef daw ang kuya niya at store clerk naman ang sister-in-law, at may 8-year-old na anak ang mga ito.
Isang araw ay kinausap daw si mommy ng kapatid tungkol sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Saad ng kuya, hindi raw magandang tingnan na sa magkaibang schools nag-aaral ang magpinsan. Sa private school kasi nag-aaral ang anak ni mommy habang ang anak ng kuya niya ay sa public school.
Kwento ni mommy, “Sabi ko sa kuya ko, okay lang naman siguro. Kasi honestly, wala naman akong nakikitang masama and okay naman yung relationship ng magpinsan.”
Sa kabila nito ay iginiit pa rin ng sister-in-law niya na nasasabi lamang daw niyang okay ang ganitong set-up dahil ang anak niya ang nasa private school. Mas makabubuti raw kung ililipat na niya sa public school ang anak.
“I said NO! Kasi desisyon naming mag-asawa na kung saan naming pag-aaralin ang anak namin. Don’t get me wrong, I have nothing against public school…” kwento pa ni mommy.
Matapos ipaliwanag sa kapatid ang pagtanggi ay ipinilit pa rin nito na kung hindi niya i-pullout sa private school ang anak niya ay bayaran na lang din niya ang tuition ng pamangkin para makapag-aral din ito sa private school.
“Na-shock ako. Hindi barya ang tuition fee at sure akong hindi papayag asawa ko lalo pa’t nag-iipon kami for the house.”
Dahil sa patuloy na pagtanggi ni mommy, nagkasagutan sila ng kaniyang kapatid ay sister-in-law. Sa puntong ito ay dumating daw ang ina ng magkapatid at parehong pinakinggan ang paliwanag ng isa’t isa.
Pero laking gulat ni mommy na mas sumang-ayon pa sa kaniyang kuya at sister-in-law ang kanilang ina. Giit nito, unfair nga naman daw na magkaiba ang school ng magpinsan.
“Sabi ko, kung ipipilit nila ang gusto nila ay aalis na lang kami ng anak ko at makikituloy muna sa in-laws ko. Ayaw pumayag ni papa kasi wala nang magbabayad ng kuryente at mag-aambag sa groceries. So, ayun, they dropped the subject.”
Pero pagkatapos daw nito ay naramdaman na ni mommy na nag-iba ang pakikitungo ng pamilya sa kaniya at sa kaniyang anak.
Kaya nagdesisyon na si mommy na umalis at sumang-ayon naman ang kaniyang mister na doon na muna sila sa parents nito.
Bago umalis ay kinausap pa ni mommy ang mga magulang. Nagpaalam siya sa mga ito na aalis na lang sila dahil nag-iba na ng pakikitungo sa kanila ng kuya niya at asawa nito. Ipinaalam niya rin sa mga ito na magbibigay pa rin naman daw siya ng kahit 5,000 pesos kada buwan. Humirit pa raw ang mga magulang na gawin sana itong 8,000 per month dahil wala pang trabaho ang kaniyang kuya. Pero pinanindigan daw ni mommy na 5,000 lamang. Dahil kukunin niya lang sa kaniyang online business ang ibibigay sa mga magulang.
Ikaw mommy o daddy, sang-ayon ka ba sa naging desisyon ni mommy? Maaaring ibahagi sa amin ang iyong reaksyon sa comment section!