Ang pagkakaroon ng problema ng mag-asawa ay normal lamang. Isa itong paraan para masubok at mas mapatibay pa ang pagsasamahan na magsisilbing pundasyon para sa mas matagal na pagsasama.
Bagamat may iilang pagsasama ang nasisira, mayroon rin namang nalalagpasan ang mga pagsubok at problema sa kanilang relasyon. Dahil ito sa pagbibigay pansin sa mga palatandaan ng mga nagbabadyang problema sa kanilang pagsasama na inaagapan at pinaguusapan para hindi na mas lumala o humantong sa hiwalayan.
Ayon nga kay Dr. Teri Orbuch, isang professor sa University of Michigan Institute for Social Research at author ng “5 Simple Steps to Take Your Marriage From Good To Great”, karamihan nga daw sa mga mag-asawang naghiwalay ay blindsided o hindi aware na may problema na pala ang kanilang pagsasama. Dahil ito sa pagiging busy sa iba pang bagay na hindi na nagbibigyan ng oras ang kanilang relasyon.
Kaya naman para sa mas matagal at matibay na pagsasama. Narito ang mga palatandaan o signs na maaring may namumuo ng problema ng mag asawa na dapat ng pagusapan at ayusin para hindi masira ang pinaka-iingatang pagsasama.
Mga warning signs ng namumuong problema ng mag-asawa
1. Hindi na kayo nagpapakita ng mga little gestures na nagpaparamdam o nagsasabing mahal ninyo ang isa’t isa.
Isa sa pangunahing palatandaan ng namumuong problema ng mag-asawa ay ang pagkawala ng sweetness o ang pagpapakita ng gestures. Upang maparamdam sa inyong significant other ang pagmamahal mo sa kaniya.
Gaya ng mga cute texts o pangangamusta ng iyong partner na noon ay kaniyang ginagawa kapag hindi kayo magkasama. Ang goodbye kiss bago pumasok sa trabaho o ang simpleng pagchecheck sa kaniya kung kumain na ba siya.
Dahil ayon kay Dr.Orbuch, ang mga little gestures na ito ay kasing kahuluguhan rin ng salitang I love you. Kaya naman ang unti-unting pagkawala ng mga ito ay isang senyales na rin ng unti-unting pagkawala ng lambing at love sa inyong pagsasama.
At kung ang pagpaparamdam sa inyong partner ng pagmamahal mo sa kanila ay least priority mo na. Kailangan mo ng magdahan-dahan at mag-isip para muling ibalik ang sigla ng inyong pagsasama para hindi lumala pa ang problema.
2. Hindi na kayo nagshe-share sa isa’t-isa ng mga personal experience ninyo tulad nalang ng mga achievements mo sa trabaho.
Ayon parin kay Dr.Orbuch, ang pagshashare ng mga little achievements mo sa ibang tao bago sa partner mo. Gaya ng promotion sa trabaho ay isang senyales na kulang ang nararamdaman mong suporta sa relationship ninyo.
Dahil isang paraan nga raw ng special bonding ng mag-asawa ay ang paguusap ng nangyari sa kanilang buong araw o ang pagbabahagi ng mga personal at confidential na impormasyon sa kanilang buhay na alam nilang mahalaga sa partner nila.
3. Kung ang dating “tayo” ay “ako” na lang.
Ang paggamit ng salitang tayo o “we” sa isang relasyon ay indikasyon na gusto mo o nakikita mo na magkasama kayo ng iyong asawa sa pagharap sa buhay. Ito ay palatandaan rin ng pagkakaroon ninyo ng teamwork sa pagharap sa mga problemang dadaan sa inyong pagsasama.
Ngunit kung pagbabago ng lingo na dating “tayo” ay bigla naging “ako” nalang, ito ay senyales rin ng problema ng mag-asawa at pagbabago sa nararamdamang pagmamahal ng partner mo sayo o ikaw para sa kaniya, dagdag iyan ni Dr.Orbuch.
4. Hindi ninyo na kinokonsulta ang opinyon ng isa’t-isa bago gumawa ng isang malaking desisyon.
Ang mag-asawa ay nagsama bilang magkatuwang sa buhay. Kaya naman bago gumawa ng kung ano mang desisyon na makakaapekto sa isa’t-isa kinakailangan ng konsultasyon o pagpapaalam sa iyong partner sa mga aksyon o choices na iyong gagawin.
Ngunit, kung ang isa sa inyo ay gumagawa ng malaking hakbang sa inyong buhay ng hindi ipinapaalam ito ay maaring dahil hindi na nila nakikita na sila ay magtatagal pa kasama mo sa mga darating na panahon ng inyong buhay. Ito ay isang nagbabadyang matinding problema ng mag-asawa na mahirap masolusyunan kapag nagtagal.
5. Gumagawa ng plano mag-isa.
Ayon kay Dr. Jane Greer, isang New York-based marriage at relationship theraphist at author ng “What About Me? Stop Selfishness From Ruining Your Relationship”, ang mga couples na may healthy relationship ay hindi ginagawa ang lahat ng bagay ng magkasama.
Ngunit kung ang iyong partner ay pupunta ng mag-isa sa party na hindi ipinaalam sa iyo. Maaaring may nangyayari na banta sa pagsasama ninyo na kailangan ninyo ng upuan at pag-usapan upang hindi lumala ang problema ng mag-asawa. Bagamat ito ay maaring senyales rin na hindi siya komportable na kasama ka na masamang palatandaan rin sa isang relasyon.
6. Kung ang mga dating pang-aasar o maliliit na bagay ay nagiging nakakainis na para sayo.
Walang perpektong tao ganun din sa relasyon. May mga maliliit na bagay talaga sa asawa mo na kaiinisan mo pero dahil mahal mo siya pagpapasensyahan mo at minsan pa nga ay tatawanan mo lang.
Pero kung dumating na yung oras na tila ba lahat nalang ng ginagawa niya ay nakakainis na para sayo, isang palantadaan na iyan na nawawalan ka na rin ng pasensya sa relasyon niyo, dagdag na pahayag ni Dr.Greer.
7. Biglaang pagbibigay ng regalo o atensyon.
Bagamat ito ay positibong gawi kung titingnan sa isang relasyon, ang biglaan pagbibigay rin ng atensyon o mga regalo ay maaring nangangahulugan na guilty sa isang bagay ang iyong asawa at gumagawa ng paraan para makabawi sayo, ayon kay Dr. Greer.
Ito rin ay maaring dahil lang gusto niyang makabawi sa mga oras na busy siya at wala sa tabi mo ngunit kung ang senyales na ito ay sinabayan pa ng iba pang naunang sensyales, ito nga ay nangangahulugan ng may problema na ang inyong pagsasama na kailangan niyo ng bigyang pansin at ayusin.
8. Madalas na pinapasama ang loob mo o lagi kang pagmukhaing kang mali.
Sa isang relasyon napaka-importante ng pagkakaroon ng respeto sa isa’t-isa. Kaya kung dumating ang oras na tila ba lagi ka na lang nasasabihan ng iyong asawa ng mga salitang nakakapagpasama ng loob mo. O hindi kaya naman ay punahin na laging mali ang ginagawa mo. Isang paraan lang ito upang ikaw na mismo ang sumuko at putulin ang inyong relasyon.
Ang mga ganitong pagkakataon madalas ay hindi na maayos lalo pa kung sumuko na ang isa sa inyo. Pero laging iisipin na lahat tayo ay karapat-dapat irespeto at pahalagan. Kaya huwag manghinayang umalis sa isang relasyon na hindi na nakakabuti para sayo.
9. Naging iissue na sa partner mo ang pera o nagiging masikreto na siya pagdating sa usaping ito.
Isa sa mga dahilan na madalas na pinagaawayan ng mag-asawa ay ang pera. Dahil ito sa sobrang paggastos o hindi kaya naman ay ang kawalan ng tiwala sa kung sino mang humahawak ng pera sa inyo.
Bagamat hindi naman kailangang ipaalam lahat sa ‘yo ng iyong partner ang kaniyang pinagagastusan. Ang paglilihim niya ay isang warning sign na rin na maaaring may namumuong problema na sa inyong pagsasama.
Ganoon din kung bigla na lang siyang naghigpit o nagtatanong kung saan napupunta ang mga perang ibinibigay niya. Isang indikasyon kasi ito na nawawalan na siya ng tiwala sa inyong pagsasama.
10. Nakakalimutan mo na ang sarili mo para lang masunod ang gusto ng partner mo.
Ayon kay Dr.Lilian Glass, author ng “He Says, She Says: Closing the Communications Gap Between the Sexes”, dapat daw ay maging balanse lang ang pagbibigayan niyong magpartner sa isang relasyon at higit sa lahat ay mahalin mo rin ang sarili mo bago mahalin ang partner mo.
Hindi dapat sa lahat ng oras ay sumunod ka sa gusto ng partner mo kahit labag na ito sa kalooban mo. Ngunit dapat sa lahat ng oras ay open kayo sa isa’t-isa at nagbibigayan ng pantay ng karapatan at pagmamahal sa inyong relasyon.
11. May pagbabago sa kanilang body language.
Ayon pa rin kay Dr.Glass, bagamat ang mga pagbabago sa mannerisms ng iyong partner ay maaring dahil rin sa pagod sa buong linggong pagtratrabaho. Maaaring indikasyon na rin ito na hindi na siya komportable sa pagsasama niyo.
Ang mga simpleng gawi gaya ng hindi pagtingin sa iyo o pagbibigay ng eye contact habang kinakausap mo ay isang palatandaan na may problema ang inyong pagsasama. Ito ay dapat ninyo bigyan ng oras na mapagusapan. Dahil ito ay senyales na ng pag-aalinlangan o pagkakaroon ng insecurity na makakasama sa inyong relasyon.
Ang mga ito ay palantandaan lamang na may namumuong problema ng mag-asawa. Kung mayroong agam-agam, mabuting pagusapan ninyo ito upang masolusyonan na agad. At hindi mapunta sa isang sitwasyon na kung saan masasayang nalang ang lahat ng inyong pinagka-ingatan at pinagsamahan.