Gaano katotoo na ang pinya ay isang prutas na pampalambot ng cervix o nagpapabilis ng panganganak ng isang babaeng nagdadalang-tao? Narito ang sagot ng isang pag-aaral.
Pineapple juice pampalambot ng cervix
Kung ikaw ay mag-sesearch sa internet, makikita mong ang isa sa sinasabing pagkain o prutas na pampalambot ng cervix ay ang pinya. Ito ay dahil umano sa bromelain enzymes na taglay nito na nagpapalambot ng cervix at nagdudulot ng contractions sa tiyan ng isang buntis.
Pero ayon sa siyensya ay wala pang clinical evidence na makakapagpatunay nito. Bagamat may isang 2016 study ang nakapagsabi na ang pineapple juice ay maaring magdulot ng contractions kapag inapply directly sa uterine tissue ng isang babae. At hindi sa pamamagitan ng pagkain nito.
Ganito rin ang natuklasan ng isang pag-aaral na ginawa noong 2015 sa mga buntis na daga sa Nigeria. Paliwanag ng mga researchers, ang pineapple juice umano ay nagdulot ng contractions sa uterus tulad ng nagagawa ng hormone na oxytocin. Ngunit ang epekto na ito ay nangyayari lang kapag deretsong inilagay ang pineapple juice sa uterus. At nawawala kapag ang juice o extract ng pinya ay ipinasok na sa katawan ng tao sa pamamagitan ng bibig.
Kaya naman mula sa naging resulta ng dalawang pag-aaral, masasabing ang pineapple juice o extract ay hindi epektibong pampalambot ng cervix. Ngunit ito naman ay healthy paring kainin ng isang buntis. Huwag lang sosobrahan dahil ito ay maaring magdulot ng heartburn.
Iba pang pagkain at prutas na pampalambot ng cervix
Maliban sa pinya ay may iba pang pagkain at prutas na pampalambot ng cervix umano. Tulad nalang ng papaya, talong, maanghang na pagkain, at dates.
Ang papaya ay pinaniniwalaang nagpapabilis ng panganganak, dahil sa taglay nitong enzyme na papain. Ngunit tulad ng sa pinya ay hindi pa napapatunayang nakakatulong ito sa pagpapalambot ng cervix o sa pagpapabilis ng pag-lelabour ng isang buntis.
Ganoon rin ang eggplant o talong na sinasabing nakakapag-induce ng labour sa isang buntis. Sa katunayan ay may isang restaurant sa Georgia ang may special dish na gawa rito. At ito ay dinadayo at sinusubukan ng mga buntis na nalalapit na ang due date. Pero ayon sa siyensya ito ay hindi pa napag-aaralan. Samakatuwid ito ay hindi pa napapatunayang effective na pagkain para mabilis manganak.
Samantala, may isang pag-aaral naman sa Jordan ang nakatuklas na ang mga babaeng kumakain ng 6 na dates sa araw-araw, isang buwan bago ang kanilang due date ay nag-lelabour ng mas mabilis. At mas dilated kapag sila ay inadmit na for delivery. Pero ayon rin sa mga researcher ng ginawang pag-aaral ay kailangan pa ng dagdag na pag-aaral upang mas mapatunayan ang kanilang natuklasan.
Ang mga maanghang na pagkain ay pinaniniwalaan ring nakakapagpabilis ng paglelabour. Ito ay dahil nakakapagdulot daw ito ng cramping at uterine contractions sa mga babaeng dilated na. Bagamat wala pang scientific evidence ang nagpapatunay nito.
Pahayag ng mga eksperto
Pahayag ng mga eksperto, bagamat maraming kuwento mula sa mga nanganak na mommies ang nagsasabing nakatulong ang kanilang kinain o ininom sa kanilang mabilis na panganganak ay wala pa namang patunay na totoo ang mga ito.
“There is no empirical evidence that different foods can induce labor. However, there are lots of anecdotal stories of patients that went into labor after having a particular food or drink.”
Ito ang pahayag ni Dr. Adam Huggins, associate professor ng Clinical Obstetrics at Gynecology sa Vanderbilt University Medical Center sa Nashville, Tennessee.
Dagdag pa niya, wala namang masama kung susubukan ito ng mga mommies-to-be. Bagamat paalala niya ay hindi niya sinisiguro na effective ang mga ito.
“Patients in general are welcome to try them, but we can’t say for sure it will be successful.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Dr. Huggins.
Paliwanag naman ni Dr. Neetu Sodhi, isang OB/GYN sa Providence Tarzana Medical Center, California, karamihan sa mga pagkaing ito ay pinaniniwalaang nagpapalambot ng cervix ng mga babae. Ngunit ang katotohanan, ay pinapasama lang nito ang timpla ng tiyan. At nagdudulot ng pananakit o uterine cramping at contractions.
“Sometimes with GI upset, you’ll get activation of uterine cramping and/or contractions. But those don’t lead to labor unless your body was already ready for labor.”
Ito ang pahayag ni Dr. Sodhi.
Dagdag na paalala sa mga buntis
Dagdag niya pang paalala, hindi dapat basta gumamit ng anumang labor inducing techniques ang isang buntis kung wala pa siya sa ika-39th week ng kaniyang pagdadalang-tao. At kung nakakaranas siya ng high-risk pregnancy o nanganak sa pamamagitan ng C-section delivery sa nakaraan niyang pagbubuntis.
Kung kakain rin ng kahit anumang pagkain para mabilis manganak o mapalambot ang kaniyang cervix, mabuting kumonsulta muna sa doktor. Ito ay upang makasigurado na safe ito sa kaniya at sa sanggol na kaniyang dinadala.
Source:
Basahin:
Safe at tamang paghiga ng buntis upang makaiwas sa stillbirth