Para sa napakaraming ina, napakasayang karanasan ang panganganak. Kahit mahirap, at minsan masakit ito, wala nang hihigit pa sa sayang nadarama ng isang ina kapag nahawakan na niya ang kaniyang sanggol. Ngunit para ilang ina, ang kanilang panganganak ay sanhi ng takot at kalungkutan. Ito ay dahil para sa mga may PTSD sa buntis,
PTSD sa buntis, naranasan ng isang ina
Ayon sa 35-anyos na si Kirsty Tuthill, nagkaroon daw siya ng PTSD matapos manganak dahil sa kapabayaan ng mga midwife o kumadrona sa ospital.
Sabi ni Kirsty na sa simula pa lang ng kaniyang labor, ay nahihirapan na siya. Nang pumunta siya sa ospital ay hindi rin siya natulungan, dahil pinauwi din siya agad. Sa tindi raw ng sakit ay nahihilo na siya at nagsusuka.
Dahil hindi na niya matiis ang sakit, nagpumilit siyang bumalik sa ospital, at inilagay siya sa isang kwarto kasama ang ibang inang nasa labor din. Hindi siya man lang nabigyan ng gamot para sa iniinda niyang sakit. Bukod dito, naririnig daw niyang pinag-uusapan siya ng ibang mga ina, at pinagtatawanan siya dahil sa sakit na nararamdaman.
Dagdag pa ni Kirsty na pinilit niyang pumunta sa banyo ng mag-isa dahil wala raw kumadrona na tumutulong sa kaniya. Nagulat na lamang siya nang magsimula na ang kaniyang labor habang nasa banyo siya. Habang nangyayari ito ay tinulungan na siya sa wakas ng mga midwife, at binalik sa kama.
Nanganak din ng maayos si Kirsty, ngunit sobrang na-trauma siya dahil sa kapabayaang nangyari.
Ano ang naging epekto nito kay Kirsty?
Matapos ang insidente, nahirapan raw maging malapit si Kirsty sa anak niya. Nahirapan daw siyang makipag-bonding sa bagong panganak na sanggol dahil paulit-ulit niyang naaalala ang sakit na kaniyang naranasan.
Kapag naaalala niya ang masalimuot na pangyayari ay nahihirapan daw siyang huminga, at bumabalik ulit ang lahat ng kaniyang naranasan nang siya ay manganak.
Nagkaroon din siya ng matinding anxiety o nerbyos na epekto ng PTSD. Ngunit paglaon ay nakarekober din siya, at naging maayos na ang kaniyang buhay kasama ng kaniyang anak.
Ngunit nang malaman niya na buntis ulit siya, walang tigil daw ang pag-iyak niya. Takot na takot siyang maranasan ang nangyari sa una niyang anak, at kinailangan pa raw niyang maghanap ng counseling at therapy upang makayanan niyang mabuntis at manganak ulit.
Noon lang daw niya naisip na hindi pa pala nawala sa isip niya ang masasamang alaala. Pero sa kabutihang palad ay alam na niya ang kaniyang dapat gawin, at mukhang magiging maayos na ngayon ang kaniyang panganganak.
Hindi dapat binabalewala ang PTSD
Ang mental health concerns tulad ng anxiety, depression, at PTSD ay kadalasang hindi nabibigyan ng tamang pansin. Siguro dahil nasa kultura na nating mga Pilipino ang magtiis o kaya ay mahirap intindihin ang mga ganitong uri ng karamdaman.
Pero mahalagang maging sensitibo tayo sa mga ganitong bagay at alamin natin na nangyayari ang mga ganitong bagay, at may malaking epekto ito sa buhay ng mga taong may ganitong uri ng karamdaman.
Napakaimportante nito lalo na sa mga nagbubuntis, dahil maaapektuhan ng PTSD o kung ano pang kondisyon ang kanilang pagiging ina. Posibleng magdulot ito ng postpartum depression, at mawalan sila ng kakayanang alagaan ang kanilang anak dahil dito.
May mga kaso rin ng pagmamaltrato sa bata na epekto ng hindi na diagnose na postpartum depression.
Ang PTSD rin ay nagiging sanhi ng matinding nerbyos, at posibleng maging sanhi ng breakdown ng isang ina. Minsan ay nakakaramdam na lang sila ng matinding takot o kalungkutan kapag naaalala ang isang malungkot na pangyayari.
Mahalagang magpakonsulta sa doktor o kaya sa therapist kapag sa tingin mo ikaw ay nakakaranas ng mental health problems. Kapag naaapektuhan na nito ang iyong pang araw-araw na buhay, ang iyong relasyon sa iyong pamilya, at kung paano mo alagaan ang iyong anak.
Hindi kahinaan ang pagkakaroon ng mental health problem. Magiging mas malakas ka pa nga kung napagtagumpayan mo ito, at pinilit mong tulungan ang iyong sarili para sa iyong pamilya.
Source: Daily Mail
Basahin: Mom traumatized after botched C-section leaves her in ‘indescribable pain’