May iba’t ibang mga pagbabago sa katawan ang mararamdaman ng isang nagdadalangtao. Kabilang sa mga pagbabagong ito ang pagbilis ng pulso ng isang buntis.
Sa pamamagitan ng pagsukat ng pulso ng isang buntis, makapagbibigay ng nararapat na rekomendasyon ang kaniyang duktor tungkol sa kaniyang kalusugan pati na sa batang kaniyang ipinagbubuntis.
Hindi kailangang mabahala sa pagbilis ng pulso ng isang buntis. Ibig sabihin lang nito ay kailangan ng puso na magbomba ng dobleng supply ng dugo sa buong katawan ng isang nagdadalang-tao. Siguraduhin lang na regular na namo-monitor ng duktor ang pulso ng isang buntis pati na ang ibang vital signs tulad ng blood pressure, dapat ay nasa normal na bilang ang mga ito.
Pagbabago sa tibok ng puso at daloy ng dugo
Habang nagde-develop ang fetus, mas maraming dugo ang kailangan sa uterus upang magkaroon ng tamang nutrisyon ang sanggol na ipinagbubuntis. Dahil dito, maaaring tumaas mula 30 hanggang 50 percent supply ng dugo na kakailanganin ng isang buntis, ayon sa Merck Manual.
Ang babaeng hindi buntis ay may normal na heart rate na mula 60 hanggang 100 beats per minute. Tumataas ito mula 10 hanggang 20 points kapag nabuntis ang isang babae, ayon sa “Circulation” na isang review na na-publish noong September 2014.
Nakasaad din dito na pagdating sa ikatlong trimester, umaakyat ang heart rate sa 20 hanggang 25 percent mula sa normal na heart rate ng isang hindi buntis.
Mag-ehersisyo kung buntis
Noon, matinding ipinagbabawal ang pag-eehersisyo dahil may takot na maaaring makasama ito sa mga nagdadalang-tao. Ngayon, iminumungkahi na ito ng ilang eksperto, ngunit may kaukulang pag-iingat.
Mas tumataas ang heart rate habang nag-eehersisyo. Ibig sabihin nito, mas malaki rin ang posibilidad na magbomba pa ang puso ng mas maraming dugo sa buong katawan.
Iminumungkahi ng American College of Obstetricians and Gynecologists na gawin lamang ang tamang intensity ng ehersisyo, kung saan ang isang buntis ay kaya pang magsalita habang ginagawa ang mga ito.
Iba pang makaaapekto sa pulso ng isang buntis
Bukod sa physical activities, marami pang ibang bagay ang nakaaapekto sa pagbilis ng pulso ng isang buntis. Kabilang dito ang sobrang init ng panahon, ang stress at pagkabahala, pati ang dami ng tubig na iniinom ng isang buntis.
Sa pagkakataong tumaas nang sobra ang heart rate ng isang buntis, bigyan agad ng gamot na prescribed ng doktor ang buntis upang mapangalagaan siya at ang dinadala niya.
Mga Paalala
Laging kumonsulta sa doktor, lalo na kung may abnormal na pagbabago sa pulso ng buntis o di kaya’y nakararanas siya ng pagkahilo o panghihina.
Bago mag-ehersisyo, tanungin muna ang doktor kung safe ito. Laging sundin ang limitasyong ibibigay ng doktor sa mga gawaing puwede lang gawin ng isang buntis.
Source: Livestrong, Pagbubuntis
Napili mo na ba kung saang ospital ka manganganak? Alamin dito ang mga maternity packages ng mga iba’t ibang ospital sa Metro Manila.