Marami sa mga Pilipinong magulang ang hindi na nagagawang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral simula nang pasukin ang mundo ng parenthood. Pero alam mo bang may opportunity sa PUP Open University para sa parents? Alamin dito ang detalye!
Pwede pa ring mag-aral kahit magulang ka na!
“Sayang nag-asawa agad.”
“Hindi muna grumaduate, nag-anak agad.”
“Mas maganda sana ang buhay niya kung nakapagtapos siya ng pag-aaral.”
Ito ang karaniwang naririnig nating mga magulang na hindi nakapagtapos ng kolehiyo dahil sa pag-aasawa. Karamihan sa atin ay nakararanas ng panghuhusga mula sa kapwa at pangmamaliit na rin dahil hindi tayo nakapagtapos at mas pinili nating unahin ang ating mga anak.
Pero hindi alam ng marami, na marami pa rin sa mga magulang na hindi nakapagtapos ang gusto pa ring ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Kung may panahon lang sana. Kung kaya lang sanang pagsabayin ang pagiging isang ina o isang ama at ang pag-aaral.
Dahil sino ba naman ang hindi gustong magkaroon ng mas malawak na career opportunities? Bilang magulang, kung makatatapos tayo ng kolehiyo, mas mataas ang posibilidad na mas mabigyan natin ng mas maayos na buhay ang ating mga anak. Sa pamamagitan ng mas maraming oportunidad na maaari nating makuha kapag tayo ay nagkaroon na ng degree.
Hindi ka sayang mommy and daddy, at hindi pa huli ang lahat para makapagtapos ng pag-aaral. Dahil sa PUP Open University welcome ang parent na tulad mo!
Sabi nga ng netizen na si Yeng Bernardo Catamio-Sedano,
“I am a single mom and working student before when I graduated year 2013 under PUP-Open University. It opens the door for a bigger opportunity. Now I am a Bank Officer THANK YOU SO MUCH PUP-OU for making my dreams into reality.”
PUP Open University nagbukas ng oportunidad para sa parents!
Ayon sa National University sa US, mayroon umanong 2018 study sa “Journal of Higher Education” kung saan ay napag-alaman na halos 10 oras na lamang ang natitira sa mga student parent sa kanilang araw pagkatapos ng school, trabaho, at pag-aalaga ng kanilang mga anak. Kompara ito sa 21 hours na mayroon ang mga estudyante na wala pang anak. Sa maikling oras na ito, pinagkakasya ng mga magulang ang pagkain, pagtulog at pag-aaral. Kaya mahirap talaga na pagkasyahin ang isang buong araw sa dami ng mga dapat gawin.
Kaya malaking struggle talaga ang pag-aaral kung ikaw ay parent na. Pero sa pamamagitan ng “study at home” program ng PUP Open University, maaari nang magkaroon ng tiyansa ang mga tulad mo na makapag-aral kasabay ng pag-aasikaso sa pamilya.
Nag-o-offer ang Polytechnic University of the Philippines Open University System (PUP OUS) ng oportunidad sa mga magulang na ipagpatuloy ang kanilang college education habang nag-aaral sa kani-kanilang tahanan.
Narito ang mga 4 na taong kursong ino-offer ng PUP Open University:
- Bachelor of Public Administration (BPA)
- Bachelor of Public Administration Major in Fiscal Administration (BPAFM)
- BA in Broadcasting (BABR)
- Bachelor of Science in Business Administration major in Marketing Management (BSBAMM)
- BSBA major in Human Resource Management (BSBAHRM)
- Bachelor of Science in Entrepreneurship (BSENTREP)
- BS in Office Administration (BSOA)
- Bachelor of Science in Tourism Management (BSTM)
Paano makapapasok sa PUP OUS?
Ang mga interesadong mag-aral sa PUP OUS ay maaaring mag-apply sa pamamagitan ng pag-take ng College Admission Evaluation (CAEPUPOUS) o kaya naman ay College Entrance Examination Test (PUPCETOUS).
Ang mga eligible na kumuha ng CAEPUPOUS ay ang mga college undergraduate, mga estudyanteng may dalawa hanggang tatlong diploma courses, mga galing sa technical schools, at TESDA graduates at undergraduates.
Samantala, ang eligible naman sa PUPCETOUS ay mga Grade 12 student na inaasahang magtatapos sa katapusan ng academic year 2023-2024; at mga graduate ng K-12 pilot schools na hindi pa nakakapag-enroll sa ano mang technical, diploma, o degree programs matapos ang graduation. Dapat ding may GWA na hindi bababa sa 82%.
Gayundin ang mga passer ng PEPT/ALS o NFEA&E Program at mga high school graduate ng old curriculum.
Nagsimula na ang enrollment sa PUP Open University noon pang Pebrero 14 at magtatapos naman ito hanggang sa April 30, 2024.
Kaya naman mommy o daddy, pwede nang mag-enroll kung nais mong mag-aral ulit!
Para sa mga interesado sa oportunidad na ito, maaaring bisitahin ang link na ito para sa mas detalyadong paraan ng pag-apply sa PUP Open University.
Bukod sa parents, target beneficiary din ng open university system ang mga indibidwal na nakatira sa remote o rural areas. Pati na rin ang mga adult learner na nais tapusin ang kanilang undergraduate studies.