Sa panganganak hindi lamang ang baby ang lumalabas mula sa sinapupunan ng ina, kasama rin diyan ang umbilical cord. Tumutukoy ang umbilical cord sa nagdurugtong sa sanggol at sa kanyang ina noong nasa sinapupunan pa lamang ito. Kapag tinanggal rito na magkakaroon ng pusod ang baby.
Ito ay nakakabit sa placenta o inunan at dinaraanan ng oxygen at mga nutrina na kailangan ng sanggol habang siya ay nasa loob pa ng tiyan ng kaniyang ina.
Talaan ng Nilalaman
Halaga ng umblical cord para sa isang baby nasa loob ng sinapupunan
Gaano nga ba kahalaga ang umbilical cord habang nasa loob ng sinapupunan ni mommy si baby? Sa umbilical cord kasi dumadaan ang mga dumi na lumalabas mula sa katawan ng iyong little one.
Samakatuwid, ang umbilical cord ang nagbibigay buhay sa isang fetus bago ito tuluyang maipanganak at lumabas sa mundo na kalalakihan niya.
Ilang araw nga ba bago matanggal ang umbilical cord sa pusod ng baby?
Para sa first time mom, malamang curious ka kung ilang araw bago matanggal ang pusod ng baby. Pagkapanganak, kaagad na pinuputol sa ospital ang umbilical cord ng isang sanggol. Ginagawa ito dahil may kakayahan nang huminga, dumede, at maglabas ng dumi ang babies mula sa kaniyang katawan nang mag-isa.
Matapos maalis ang umbilical cord, asahang mag-iiwan ito ng stump o maliit na parte mula dito sa labas ng tiyan ng sanggol. Ang naiwang parteng ito ay hihiwalay at malalagla din nang kusa kinalaunan.
Samantala, ang butas naman na kinalagyan nito sa tiyan ng baby ay kusang magsasara at matutuyo na tinatawag na belly button o pusod ng baby.
Mula sa pagkapanganak hanggang sa hindi pa ito tuluyang natutuyo, kinakailangan ng maayos at dobleng pag-iingat sa pag-aalaga sa pusod ng baby.
Paalala kasi ng experts, ito ay isang bukas pa na sugat. Nakakonekta ang pusod sa tissue na nasa loob ng tiyan ng sanggol, kung hindi maalagaan nang mabuti, ang pusod niya ay maaaring makasakit at mauwi pa sa impeksyon.
Ano ang normal na pusod ng baby
Mas madalas na tanong ng first time moms, kung ano ang normal na itsura ng pusod ni baby. Sa una raw, i-expect mo na ang stump sa pusod ng baby ay kulay dilaw na nagkukulay brown o gray rin habang natutuyo ito. Kapag naman lubusang tuyo na ay magkukulay itim na ito bago tuluyang matanggal na nang mag-isa.
Kung nais mo ring malaman kung hanggang kailan ang pagpapagaling sa pusod, ang sabi naman naman ng experts ito ay isa hanggang tatlong linggo bago matuyo.
Kung naoobserbahan mo naman na lumagpas na ang tatlong linggo at hindi pa rin ito natutuyo, kinakailangan nang lumapit sa inyong doktor. Maaari kasing senyales na ito na may impeksyon na ang pusod ay kailangan na ng paunang lunas at agarang solusyon.
Bakit mabaho ang pusod ng baby?
Sa panahon na bago pa ang pusod ng baby, normal lamang na parang tila may amoy pa o mabaho. May mapapansin ka ring parang may clear at sticky fluid na lumalabas mula sa pusod nito. Hindi ito dapat ipag-aalala dahil normal pa rin ito at parte ng healing process ng pusod ng iyong baby.
Sintomas ng impeksyon sa pusod ng baby dapat bantayan
Dahil nga sugat ito, katulad ng ibang sugat, maaari itong mauwi sa impeksyon. Kaya nga doble ingat na bantayan ito kung nakararanas na ba ng impeksyon. Narito ang mga sumusunod na sintomas na maaaring makita kung may impeksyon na nga ba ang pusod ni baby:
- Nakikita nang may lumalabas na nana sa pusod isang sanggol
- Mayroon na ring parte na nagdurugo ito.
- Pamamaga o pamumula ng pusod ng isang sanggol
- Labis na labis na mabahong amoy mula sa pusod ng isang sanggol
- Pagkakaroon ng isa sa mga senyales na sinasabayan din ng lagnat
Kapag napansin ang mga sensyales na ito sa pusod ng iyong bagong panganak na sanggol. Dalhin agad ito sa doktor upang magamot at mabigyan ng kaukulang medical na atensyon na kailangan.
Sapagkat ang mga senyales na ito ay maaaring sintomas na ng impeksyon o kumplikasyon sa pusod ng iyong bagong silang na anak na kung tawagin ay omphalitis.
Ang omphalitis ay ang medikal na tawag sa pamamaga o impeksyon sa pusod ng bagong silang na sanggol. Ito ay hindi pangkaraniwan subalit nakakamatay kapag napabayaan.
Ano ang gamot sa pusod ng baby at paano ito malilinisan nang mabuti
Katulad ng pag-aalaga sa sanggol, mahalaga rin na bigyan ng dobleng atensyon ang pusod. Isa ito sa crucial na parte ng kanyang katawan para mapanatiling ligtas siya. Ano nga ba ang gamot para mabilis na gumaling ang pusod ng baby at malinis ito nang mabuti?
1. Panatilihing tuyo ang pusod ng iyong sanggol
Kung ito ay mababasa, dahan-dahan itong punasan o dampian ng malambot na tela o lampin. Maaari ring gumamit ng Q-tips o cotton buds para punasan ito ng dahan-dahan. Noon, ipinapayo ng mga doktor na linisin ito sa pamamagitan ng 70% rubbing alcohol. Subalit ayon sa mga bagong pag-aaral ay pinapatay umano ng rubbing alcohol ang mga bacteria na nakakatulong sa mas mabilis na pagtuyo at paghihiwalay ng stamp sa pusod ng baby.
Tandaan na isang magandang senyales ng paggaling ng pusod ni baby ang pagiging tuyo, kaya panatilihing ganito parati ang kalagayan nito.
2. Sa pagsusuot ng diapers, itupi ang taas ng diapers para maiwasan ang pagkakakiskis ng diapers mula sa stump
Diaper ang bagay na palaging magkakaroon ng interaction sa pusod ng baby. Maaaring magdulot ito ng sakit at pamamaga sa pusod ng baby. Ang paraan ding ito ay makakaiwas upang malagyan ng dumi o ihi mula sa diapers ni ang pusod ni baby.
Sa ngayon ay may mga diapers na nabibili para sa mga newborn na may space o area ng nakatupi para sa pusod ng isang sanggol. Kaya kailangan na pumili at maghanap ng best diaper para sa baby para rin maiwasan ang kung anumang impeksyon.
3. Gumamit ng malinis na damit na ipapasuot kay baby
Maaaring gumamit ng tela o bigkis sa pusod ng baby ngunit kailangan ito ay hindi makapal upang mapasukan pa rin ng hangin na makakatulong sa mabilis at natural na pagpapatuyo nito. Siguraduhin lamang na malinis parati ang ipapasuot sa iyong baby upang hindi malagyan ng dumi ang pusod ng baby.
Imbis na paliguan, maaaring punasan lang ng basang bimpo ang bagong panganak na baby upang hindi mabasa ang pusod nito.
Tamang paraan ng paglilinis o pagpupunas sa bagong silang na sanggol para maiwasang mabasa ang pusod nito o maging mabaho ang pusod ni baby
Dahil nga sugat ito, kailangang panatilihing laging malinis ang pusod ng baby. Narito naman ang listahan kung paanong dapat nililisan nang tama ang pusod niya:
- Ilatag ang tuyo at malinis na tuwalya sa sahig sa mainit na parte ng iyong bahay.
- Pahigain si baby sa tuwalyang malinis.
- Magbasa ng washcloth o bimpo at pigaan ito para walang tumutulong tubig mula rito.
- Punasan nang dahan-dahan ang katawan ng baby at iwasang punasan ang pusod nito.
- Pagtapos punasan ang leeg at kili-kili kung saan madalas na naiipon ang gatas na denede ng baby.
- Punasan ang katawan ng baby ng tuyong tuwalya upang tuluyang matuyo.
- Bihisan nang malinis na damit ang baby na hindi masikip at hindi rin maluwag sa kaniya para maiwasang mairita ang pusod nito.
Umbilical Hernia at Umbilical Granuloma
Matapos ang paggaling, dito naman mapapansin ang itsura ng pusod ng baby. Dito makikita na may mga pusod na nakalabas at meron namang nakapaloob.
Samantala ang pagkakaroon naman ng “innie” o “outie” na uri ng pusod ay walang medikal na kahulugan. Ngunit minsan ang pagkakaroon ng “outie” o tila palabas na pusod ng bagong silang na sanggol ay maaaring sensyales ng umbilical hernia. Ito ay dahil sa pressure ng stomach muscles na nagtutulak sa intestines at taba mula sa tiyan ng baby.
Umbilical hernia
Ang umbilical hernia ay hindi masakit at naaayos rin ng kusa habang lumalaki si baby. Nangyayari ito sa tuwing ang parte ng intestine ay bumabakat sa opening ng abdominal muscles malapit sa pusod ng baby.
Common at typical naman ang umbilical hernias kaya hindi rin madalas na kailangan bigyang pag-aalala. Mas madalas ito sa mga sanggol, pero mas madalas naman itong nangyayari sa matatanda.
Umbilical granuloma
Ang umbilical granuloma naman ay ang tila maliit na kulay pulang bukol sa pusod ng baby. Makikita ito ilang linggo matapos matanggal ang stump mula rito. Lilitaw ito matapos matuyo ang umbilcial cord. Kadalasan din na minor problem lamang ito at hindi naman nakakasanhi ng sakit.
Paano lumubog ang pusod ni baby?
Hindi naman ito seryosong problema ngunit ang doktor na ang makakapagsabi kung paano ito gagamutin para mawala. Sila ang eksaktong makakapagsabi kung ano ang nararapat gawin kung paano dapat lumubog ang pusod ni baby.
Ang tamang pag-aalaga sa pusod ng bagong silang na sanggol ay hindi dapat binabalewala. Sapagkat ito ay napakasensitibo na maaaring maging banta sa buhay ng isang bagong silang na sanggol kapag napabayaan.
Kung makakita ng hindi pangkaraniwan o may agam-agam sa itsura ng pusod ng baby. Mabuting pumunta agad sa doktor para makasigurado.
Sapagkat ang katawan ng bagong silang na sanggol ay mahina pa. Kaya naman kailangan ng mahigpit na pag-iingat at pag-aalaga upang masiguradong maibibigay ang sapat na pangangailangan nila.
Karagdagang ulat mula kay Angerica Villanueva
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.