Likas nang maraming pamahiin ang mga Pilipino. Mula sa mga maliliit na bagay tulad ng pagsabi ng “tabi-tabi po,” pati na sa pagsunod ng mga ilang pamahiin sa buntis, ay madalas sinusunod nating mga Pilipino. Isa na rito ang kung tawagin ay “oro plata mata” upang makaiwas sa malas na bahay.
Kadalasan ay hindi naman ito sineseryoso ng mga tao, ngunit ayon sa isang mag-asawa, ito raw ang nagdala ng matinding kamalasan sa kanilang pamilya.
Malas na bahay, nagdala raw ng panganib sa isang pamilya
Ayon sa mag-asawang si Lolo Celestino at Lola Nati, noong unang itinayo ang kanilang tahanan ay nagbigay ito sa kanila ng kaligayahan.
Matapos lang raw ang anim na buwan ay nakapagpatayo na sila ng kanilang sariling bahay, at mabuti raw ang buhay ng kanilang pamilya. Ayon sa kanila, hindi naman raw nila kabisado ang mga pamahiin pagdating sa pagtatayo ng bahay. Pamilyar lang daw sila sa “oro plata mata” na pamahiin. Dahil dito, ipinaubaya na nila ang paggawa ng bahay sa mga construction worker.
Marami raw silang biyayang natanggap matapos maitayo ang kanilang tahanan. Mayroon raw silang tatlong jeepney, isang farm ng mga baboy, at nakapagpundar rin ng isang lote ng lupa.
Tila nabiyayaan nga ang mag-asawa ng swerte sa kanilang buhay. Ngunit di nila inakalang bigla na lang babaliktad ang buhay na kanilang kinagisnan.
Nagsunod-sunod bigla ang kamalasan
Noong 2003 raw ay nagulat ang mag-asawa nang mamatay ang isa sa kanilang mga anak. Nasaksak raw ito, at kakauwi lang mula sa Saudi. Dahil dito, napilitang magbenta ng ilang jeepney at baboy ang mag-asawa para sa gastusin sa abogado.
Sa kabutihang palad ay mayroon pa rin namang mapagkakakitaang mango farm ang mag-asawa, at sapat na ang kanilang kinikita mula dito.
Pero 2 linggo matapos mamatay ang kanilang anak, nagkaroon naman ng dengue ang isa nilang apo. Sa pagkakataong ito, kinailangan nilang gastusin sa ospital ang kinikita nila mula sa kanilang farm. Sa kabutihang palad ay nabuhay naman ang kanilang apo.
Ngunit hindi pa rito nagtatapos ang kamalasan ng mag-asawa. 2 taon matapos ang mga insidente ay nagkaroon ng cervical cancer ang isa pa nilang anak. At matapos ang 2 taon ay pumanaw siya. Bukod dito, nasira ng bagyo ang kanilang inaasahan na farm.
Nakabawi rin naman silang mag-asawa, at nagdesisyon na gawing taniman ng palay ang kanilang dating mango farm.
Pero tila napaglaruan sila ng tadhana dahil ngayong taon lang ay namatay naman sa cancer ang kanilang nag-iisang nabubuhay na anak.
Malas raw ang kanilang bahay
Ayon sa isang pari, ang bahay raw nila ang nagdala ng malas sa kanilang pamilya, dahil sa pagkakagawa nito. Nakatutok raw kasi ang hagdanan sa pinto, kaya’t minalas silang mag-asawa.
Bukod dito, kahit raw sinunod nila ang “oro plata mata” nagkaroon naman ng 13 na hakbang ang hagdanan sa bahay. Ang 13 ay isa ring malas na numero, ayon sa pamahiin.
Dahil sa mga nangyaring ito, nagdesisyon ang mag-asawa na ipaayos na ang bahay at nagpakonsulta pa sa isang feng shui expert. Sana raw ay tumigil na ang kamalasan sa kanilang buhay, pero hindi rin nila maiwan ang kanilang tahanan dahil punong-puno raw ito ng masasayang alaala.
Mayroon nga bang malas na bahay?
Nakakalungkot ang kwento ng mag-asawang Lolo Celestino at Lola Nati. Ang isa siguro sa mga pinakakinakatakutan ng mga magulang ay ilibing ang sarili nilang mga anak, na nagawa ng mag-asawa ng tatlong beses.
Pero hindi rin naman natin masasabi kung malas nga ba o hindi ang kanilang tahanan. Wala namang tunay na basehan ang “malas” ayon sa siyensya, at hindi nga naman ito kapani-paniwala para sa ibang mga tao.
Kung tutuusin, wala rin namang masama kung sumunod sa mga pamahiin, lalo na kung sa tingin mo ay magbibigay ito ng peace of minda para sa iyo. Basta’t hindi ito nakakasama, o kaya ay hindi ka mapapagastos ng malaki, ay okay lang naman magpakonsulta sa mga feng shui expert at iba pa, upang maging kampante ka sa ipapatayo mong tahanan.
Ngunit kailangan rin nating tandaan na tayo rin ang gumagawa ng ating tadhana. At ang mahalaga ay gawin natin ang tama at mabuti, at huwag masyadong matakot sa kamalasan.
Source: GMA Network
Basahin: 8 gamit na pampaswerte sa bahay ngayong Year of the Pig 2019