Ilang mga positive patients ng COVID-19 sa QC ang pinauwi sa kanilang mga bahay dahil sa kakulangan ng pasilidad.
Positive patients ng COVID-19 sa QC pinauwi dahil kulang sa pasilidad
Nitong Linggo lamang inanunsyo ng Mayor ng Quezon City na si Joy Belmonte na tatlong positive patients ng COVID-19 ang pinauwi sa kanilang mga bahay dahil sa kakulangan ng mga pasilidad sa ospital.
Ang tatlong positive patients na ito ay napag-alamang kapos at kasama sa mga nakatira sa urban poor communities. Ayon kay Mayor Belmonte, ang positive patients na ito ay pinauwi at hindi naka-confine sa ospital. Nasa kani-kaniya silang bahay at nagsasagawa ng self quarantine.
“They’re all confirmed positive. They are not admitted. So, that’s a little shocking and a little disturbing, I think,” pahayag pa ni Belmonte.
Dagdag pa niya na sobrang nakakaalarma ang pagpapauwi ng mga pasyente sa kanilang mga bahay at ito ang problemang kailangan nilang mabigyang solusyon agad. Sinusunod din kasi nila ang protocol na binigay sa kanila na pauwiin agad ang mga pasyente pagkatapos nilang dumaan sa mga test at examination. Kaya kung nag-positive man sila, sa oras na makuha ang resulta ay nakauwi na rin sila sa kanilang mga bahay.
Sa pahayag ng local government ng Quezon City, ang mga ospital na nagpapauwi ng pasyente ay sumusunod lang din sa ibinigay na protocol ng Department of Health sa kanila. Sa memorandum na inilabas ng DOH, ang mga taong mayroong mild symptoms at hindi matatanda ay kailangang pauwiin din para maiwasan na ma-expose sa ospital at sa mga may malalang kalagayan.
DOH Memorandum 2020-0108:
“Persons under investigation (PUIs) and positive COVID-19 patients who exhibit mild symptoms with no co-morbidities and non-elderly are advised to be sent home for strict self-isolation and close monitoring by local health authorities.”
Ayon kay Mayor Belmonte, hindi niya alam na pinauwi pala ang mga pasyenteng ito sa kanilang mga bahay. At hindi naka-confine pagkatapos malamang sila ay nagpositibo sa COVID-19. Ang mga nagpauwi sa mga pasyenteng ito ay ang mga nag-test din sa kanila. Kaya naman nagulat sila ng malamang nasa bahay na ang mga ito. At kasama sila sa listahan ng mga nagpositibo sa COVID-19 na binigay ng Department of Health.
Hindi rin pinangalanan ang mga taong ito at ang lugar kung saan sila nakatira. Ito ay para raw maiwasan na mag-panic ang mga tao sa kanilang lugar.
Ang mga positive patients na ito ng QC ay nagpapakita ng mga mild na sintomas ng COVID-19. Kaya naman hindi sila nabigyang pansin at nai-confine agad sa ospital.
“They are showing, fortunately, just very very mild symptoms. And I think, probably, they might be asymptomatic. That’s why also there’s a little bit of lack of concern to isolate them in a facility.”
Kasalukuyan naman silang nag-iisip ng paraan kung paano ihihiwalay ang mga taong ito. Katulad ng pag-convert ng mga dating hotel na ngayon ay ginawa munang ospital. Iniisip din niya na gumawa ng isang kwarto para sa mga pasyenteng may mga matinding pinapakitang sintomas.
Ang Quezon City ang nangungunang lugar kung saan may pinakamataas na kaso ng nagpositibo sa COVID-19 sa bansa. Ang kasalukuyang bilang ay 49 cases kasama na ang tatlong namatay sa nasabing virus.
Sa ngayon, ang bilang ng mga nagpositibong kaso ng COVID-19 sa bansa ay 380 na. Samantalang 15 ang naka-recover at 25 ang nasawi.
Source: ABS-CBN
BASAHIN: First pinoy na positibo ng COVID-19 says he always wear mask