Rectal prolapse, nangyayari sa ilang nanay matapos manganak
10% ng mga nanay na nanganak via normal delivery ang tahimik na hinaharap ang problemang ito.
Sinasabing ang buhay ng isang ina ay nasa bingit na ng kamatayan kapag siya ay nanganganak. Matinding hirap kasi ang dinaranas ng mga ina kaya naman may ilan sa kanila ang nagkakaroon ng ilang problema sa katawan pagkatapos manganak.
Isa na rito ang pagkakaroon ng rectal prolapse pagkatapos manganak kung saan bumababa at lumalabas ang rectum o dulong bahagi ng bituka sa puwitan ng ina. Dulot ito ng pagkakaroon ng punit sa anal sphincter o tumbong dala ng hirap sa panganganak.
Rectal prolapse pagkatapos manganak
Sa datos ng Royal College of Obstetricians and Gynaecologists’ (RCOG), lumalabas na ang bilang ng mga inang nagkakaroon ng fourth degree tears o pagkapunit sa perineal muscle, anal sphincter at rectum pagkatapos manganak ay tumaas ng tatlong beses sa nakalipas na sampung taon noong 2012 at nananatili pa ring mataas ang bilang hanggang sa ngayon.
Tinatayang sampung porsiyento ng mga nanay sa buong mundo na nanganak via normal delivery ang nagkakaroon ng rectal prolapse pagkatapos manganak ayon sa Masic Foundation, isang charity foundation na tumutulong sa mga inang may obstetric anal sphincter injuries (OASI).
Karamihan sa mga inang nagkakaroon nito ay hindi na makapamuhay ng normal gaya ng dati dahil sa nararanasan nilang hiya sa tuwing hindi nila napipigilan ang kanilang pagdumi. Ang iba ay hindi na muling bumalik sa pagtatrabaho o hindi na lumalabas ng bahay dahil sa takot na madisgrasyang madumi.
Ayon sa isang propesor ng obstetrics at gynecology sa University of Sydney na si Hans Peter Dietz, mas mataas pa ang aktuwal na bilang ng mga may rectal prolapse pagkatapos manganak kumpara sa mga datos na pinag-aralan nila noon.
“These cases are becoming more common. I cannot think of another area of medicine where a practice would continue unchecked in the face of such compelling evidence that it harms patients.” sabi niya.
Ang malungkot na balita ay hindi kaagad napapansin ang pinsala sa delivery room. Nalalaman lamang ito pagkatapos ng ilang linggo mula nang manganak ang ina. Ang ilang injury ay nagiging habambuhay na at hindi na kaya pang ayusin sa pamamagitan ng operasyon.
Sa isang pag-aaral na ginawa nina Dr. Ranee Thakar at Dr. Abdul Sultan ng Croydon University Hospital noong 2006, lumabas na 87% ng mga midwives at 28% naman ng mga doktor ang hindi napapansin ang obstetric anal sphincter injuries ng mga ina.
Sa ngayon ay bumuo na ang team nina Dr. Thakar at Dr. Sultan ng 450 training courses sa Croydon University Hospital at 90 internationally upang maturuan ang mga health professionals na masuri ng maayos ang mga bagong panganak na ina at maisaayos ang obstetric anal sphincter injuries.
Naniniwala naman ang retired colorectal surgeon at isa sa mga founder ng Masic Foundation na si Professor Michael Keighly na dapat na tulungan ang bawat ina na magsalita ukol sa pagkakaroon ng rectal prolapse upang masolusyonan ito at mawala ang stigma sa pagkakaroon nito.
“The stigma is still so great — women feel diminished and ashamed — we need to change that so they can get help,” sabi niya.
Para sa mga inang may ganitong karanasan, hinihimok ni Professor Keighly na sila ay magtungo sa kanilang doktor upang matulungan sa kanilang rectal prolapse.
Maaari ding humingi ng payo mula sa Masic Foundation sa pamamagitan ng pag-search sa kanilang website na masic.org.uk at magtungo sa ‘coping’ page.
Source: Daily Mail
Images: Shutterstock
BASAHIN: VBAC o C-Section: Alin ang pipiliin ko para sa aking susunod na pagbubuntis?