Red tide sa Bataan na-detect sa tubig sa paligid ng 8 coastal towns at 1 siyudad sa probinsya.
Red tide sa Bataan warning
Ito ang laman ng latest warning na nagmula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.
Ang mga apektadong lugar ng red tide sa Bataan ay ang bayan ng Orani, Hermosa, Mariveles, Limay, Orion, Pilar, Samal, Abucay at city ng Balanga.
Mahigpit na ipinapayo ng BFAR sa publiko na iwasan munang kumain o kahit ang mag-harvest ng mga shellfish tulad ng tahong, talaba, at alamang sa mga nasabing lugar.
Dahil ayon sa kanilang ginawang pagsusuri ay nag-positibo ang tubig sa paligid ng mga nasabing lugar sa paralytic shellfish poison na delikado sa kalusugan ng taong makakain nito.
Paralytic Shellfish Poison
Ang paralytic shellfish poison o kilala rin sa tawag na “red tide” ay isang naturally occurring marine biotoxin. Ito ay pinoproduce ng ilang species ng algae na nagsisilbing namang pagkain ng mga shellfish sa tubig. Bagamat wala itong nagiging epekto sa shellfish na nakakain nito, labis naman ang peligrong dulot nito sa taong makakain ng shellfish na kontaminado ng toxin o poison na ito.
Ang biotoxin na ito kapag pumasok sa katawan ay maaring makaapekto sa nervous system ng isang tao. Pinaparalyze nito ang mga muscles sa katawan na maari ring mauwi sa pagkamatay.
Mga sintomas ng paralytic shellfish poisoning
Ilan sa early symptoms ng paralytic shellfish poisoning ay ang pamamanhid ng labi at dila. Ito ay mararamdaman ilang minuto matapos makakain ng shellfish na contaminated ng nasabing toxin.
Makalipas ng isa o dalawang oras ay makakaranas narin ng pamamanhid sa mga daliri ng kamay at paa ang biktima nito. Ito ay susundan ng kawalan ng control sa mga braso at binti na sasabayan ng hirap sa paghinga. Maari ring makaranas ng nausea o pakiramdam na parang lumulutang ang sinumang biktima ng paralytic shellfish poisoning.
Samantala, ang sinumang makakakain ng mataas na level ng toxin na ito ay maaring makaranas ng paralysis sa dibdib at tiyan. Ito ay maaring magdulot ng suffocation na maaring mauwi sa pagkamatay sa loob lamang ng 30 minuto.
Lunas at paano makakaiwas
Walang gamot na maaring inumin para lunasan ang paralytic shellfish poisoning. Ang tanging paraan lang para mailigtas ang isang taong nalason ng toxin ay sa pamamagitan ng pagbibigay dito ng life support system. Tulad ng respirator at oxygen hanggang sa mailabas ng biktima ang toxin sa katawan niya.
Kaya naman mahigpit na ipinapaalala ng mga awtoridad na iwasan ang pagkain ng mga shellfish mula sa mga lugar na idineklarang apektado ng paralytic shellfish poison o red tide. Ipinapaalala rin na hindi mapapatay ng pagluluto ang toxin mula sa mga contaminated na shellfish. Hindi rin basta-basta matutukoy kung ang isang shellfish ay kontaminado ng toxin. Tanging laboratory testing lang ang makakapagsabi kung ang shellfish ay positibo sa toxin na ito. Kaya muli iwasang kumuha o kumain ng mga shellfish mula sa mga lugar na apektado ng red tide sa Bataan. Ito ay para makaiwas sa peligrong dulot nito sa ating kalusugan at katawan.
Source: Washington State Department of Health
Photo: Freepik
Basahin: 5 misconceptions about food poisoning every parent should be aware of