Rita Gaviola o kilala rin bilang Badjao Girl, masaya sa piling ng kaniyang anak at boyfriend na si Jeric Ong.
Mga mababasa sa artikulong ito:
- Rita Gaviola: “Maraming babae nangangarap na magkaanak… bakit namin palalampasin ‘to?”
- Hirap na pinagdaanan ni Rita Gaviola noong siya ay namamalimos sa kalsada
Rita Gaviola: “Maraming babae nangangarap na magkaanak… bakit namin palalampasin ‘to?”
Larawan mula sa Instagram account ni Rita Gaviola
Biyayang maituturing ang pagkakaroon ng anak sa maraming kababaihan. May mga tao kasing tinitignan nila bilang main purpose sa buhay ang pagiging magulang. Katulad ito ng blessing na dumating sa buhay ni Rita Gaviola o si Badjao Girl.
Si Rita ay isang Badjao na mula sa probinsya ng Quezon at nakipagsapalaran sa Metro Manila. Unang nakilala ang 19 taong gulang na si Rita Gaviola dahil sa sumikat niyang larawan noong namamalimos pa lamang siya. Dahil tuloy dito, labis na kumalat ang kanyang photos sa mga social media at dito siya na-discover.
Hanggang sa mapabilang siya sa reality show na ‘Pinoy Big Brother’ at lalong umukit ng pangalan sa showbiz. Nagbago rin ang kaniyang buhay buhat noong makapasok sa showbiz.
Ngayon bukod sa biyaya na natamo at nakaluluwag na unti-unti ang kaniyang buhay, dumating naman ang unexpected blessing sa buhay ni Rita Gaviola nang mabigyan siya ng anak. Sa isang panayam niya kay Karen Davila, ibinahagi niya dito ang kuwento niya bilang isang ina.
Laking pasasalamat daw ni Rita Gaviola at kanyang partner na dumating ang anak niya sa kanilang buhay. Nagsilbi raw kasi itong way para mas maging matured si Rita.
“Naisip ko kasi blessing po ‘yan, blessing from God.” | Larawan mula sa Instagram account ni Rita Gaviola
“Blessing talaga si baby sa amin kasi simula nang dumating siya ang nabago sa’kin lalo na sa daddy niya. Kumbaga dati parang may pagka-isip bata pa ako so parang [naging] matured talaga ako ngayong dumating siya sa buhay ko. Parang siya na lang talaga iniisip ko hindi sarili ko.”
Pagbabahagi naman ng karelasyon ni Rita na si Jeric Ong, nakaramdam daw siya ng pressure noong panahong malaman nilang buntis si Rita. Nagkaroon siya ng takot noon dahil alam niyang sikat si Rita at alam nilang maba-bash sila. Tinanggap na rin daw nila ito dahil nga naniniwala silang biyaya ang bata,
“Naisip ko kasi blessing po ‘yan, blessing from God.”
Ayon pa kay Rita, hindi na raw nila palalampasin ang pangyayaring ito dahil bigay ito ng Panginoon sa kanila.
“Maraming mga babae ang nangangarap na gustong magkaanak pero hindi nabibigyan so kami na ‘to na binigyan kami ni Lord, bakit namin pa palalampasin ‘to?”
Marami rin daw ang mga masasakit na salitang natanggap niya nang malaman ng publiko na buntis siya. Isa raw sa pinakamasakit na narinig niya ay ang pagsabi sa kaniyang maaga siyang lumandi kaya inuna niyang magkaanak kaysa sa career niya.
“Bakit ganun? Hindi pa naman nila ako kilala totally bakit nila ako hinuhusgahan?”
Gusto niya raw sabihin na mayroon na siyang trabaho at mapapakain sa kaniyang anak.
Sa kabila ng blessing na natanggap, humaharap naman siya sa problema ngayon ng pagkakaroon ng sakit. Ayon kay Rita Gaviola, mayroon daw siyang cyst ngayon na iniinda niya dahil sa sakit. Hindi niya raw magawang makapagpa-check-up dahil lahat ng kinikita niya ay napupunta sa kanilang pamilya.
Hirap na pinagdaanan ni Rita noong siya ay namamalimos sa kalsada
Ibinahagi niya rin ang buhay nila noon at kung gaano ito kahirap. Ayon sa kaniya, mangingisda ang kaniyang papa at sila naman ng mama niya ay namamalimos para lang mabuhay sa araw-araw. Dati raw ay kailangan pa niyang bitbitin ang sanggol niyang kapatid habang nanghihingi ng barya sa lansangan,
“Sobrang hirap po talaga dinanas ko dati. Unang-una po, nandiyan na po ‘yong wala kaming makain, pumapasok ako sa school wala akong baon. So, kailangan ko pang um-absent para may pangbaon kami. Minsan hindi kami nakakakain sa tamang oras.
“Minsan hindi kami nakakakain ng hapunan, tanghalian.” | Larawan mula sa Instagram account ni Rita Gaviola
Pagbabalik-tanaw niya masakit din daw ang mga masasakit na salita na naririnig nila noon sa tuwing nanghihingi ng limos.
“Hindi biro na maghapon ka sa kalsada tapos wala ka pang tsinelas. Minsan hindi ka pa nakakakain kasi wala ka pang limos.”
Isa raw sa mahirap na nasasaksihan niya noon ay tuwing nakikita niya ang mga kapatid niya na namamalimos din bilang nakatatandang kapatid. Kaya nga ipinangako niya na magsusumikap daw siya upang hindi na bumalik sa ganoong buhay ang kanyang mga kapatid. Sa ngayon daw ay nagtatrabaho siya upang matustusan nang lubos ang kanilang pamilya.