Safe ba ang COVID vaccine sa buntis? Kung nagdadalang-tao, malamang ito ang number one concern mo sa ngayon. Sapagkat sa gitna ng COVID-19 pandemic, ang pagkakadiskubre ng vaccine laban dito ang pinakahihintay ng buong mundo. Para sa iyong kapakanan at kapanatagan ng loob, narito ang pahayag ng mga eksperto sa buong mundo.
Bilang ina, isa sa mga bagay na kinatatakutan natin ay ang mapahamak ang ating mga anak, kabilang na ang sanggol na nasa ating sinapupunan. Kaya naman ngayong panahon ng pandemya, labis ang pag-iingat natin upang hindi tayo mahawa ng sakit na Covid-19.
Isa sa mga pinakamabisang paraan upang maiwasan ang mga panganib na dala ng sakit na ito ay ang pagpapabakuna. Subalit kung ikaw ay nagdadalang-tao, dapat ka bang tumanggap ng Covid-19 vaccine? Ligtas ba ang bakuna para sa buntis?
Narito ang kailangan mong malaman tungkol sa pagtanggap ng Covid-19 vaccine para sa buntis.
Talaan ng Nilalaman
Paano ba umeepekto ang COVID vaccine sa katawan?
Medical photo created by freepik – www.freepik.com
Ayon sa UT Southwestern Medical Center, walang dapat ipag-alala ang mga buntis sa mga naimbentong bakuna laban sa COVID-19.
Dahil hindi tulad ng ibang mga bakuna, ito’y hindi nagtataglay ng mahinang virus na nagdudulot ng sakit. Ito’y gene-based injections na nagtataglay ng messenger material na kung tawagin ay RNA mula sa virus na napapaligiran ng lipid nanoparticles.
Ang synthetic material na ito kapag pumasok sa katawan ay nag-uudyok na mag-develop o magkaroon ito ng immune response. Samakatuwid, tinuturuan nito ang katawan na magkaroon ng immunity laban sa virus na nagdudulot ng COVID-19.
Effective ba ang COVID-19 vaccine?
Sa ngayon, tinatayang nasa mahigit 3 bilyong tao na sa buong mundo ang nabakunahan ng Covid-19 vaccine. Dito sa Pilipinas, nasa 56 milyon na ang fully vaccinated. Hindi maikakaila na nabawasan ang pagkalat ng sakit at pagkakaroon ng mga komplikasyon ng mga taong nakakakuha nito dahil sa bakuna.
“COVID-19 vaccines have proven to be safe, effective and life-saving,” ayon mismo ito sa World Heath Organization (WHO).
Sa katunayan, ang mga bakuna laban sa Covid-19 ay naaprubahan ng WHO para sa emergency use listing para maipangalap agad ang vaccine sa mas maraming tao. Para maaaprubahan ang isang bakuna, dapat ay may efficacy rate ito ng 50 porsyento pataas.
Hindi maikakailang epektibo nga ang pagpapabukuna laban sa sakit. Pero ligtas ba ito para sa mga buntis at nagpapasusong ina?
Safe ba ang COVID vaccine sa buntis?
Photo by freestocks.org from Pexels
“Wala pong masamang epekto na nakita ang pagbabakuna sa ating mga buntis with the Covid vaccine,”
‘Yan ang naging pahayag ni Dr. Sybil Bravo, president ng Philippine Infectious Disease Society in Obstetrics and Gynecology, sa pinakahuling update ng kanilang grupo sa paksang Covid-19 Vaccination of Pregnant and Breastfeeding Women.
Gayunpaman, pinaliwanag ng doktora na kailangan pa ring ipaliwanag sa mga pasyente ang risks ng pagpapabakuna. Aniya, wala pang naisasagawang testing o pag-aaral tungkol sa Covid-19 vaccine para sa buntis. Subalit kung hindi naman magpapabakuna, nariyan rin ang posibilidad na magkaroon ng matitinding sakit at impeksyon dahil sa sakit.
Dagdag pa ni Dr. Bravo, gaya ng ibang bakuna, maaring makaramdam ng ilang side effects ang buntis sa pagtanggap ng vaccine gaya ng panghihina, pananakit ng bahagi ng katawan na binakunahan, lagnat at pananakit ng ulo. Subalit wala naman sa mga side effects na ito ay nakaka-apekto sa pagbubuntis. Hindi rin ito nagdudulot ng anumang komplikasyon o abnormalities sa iyong sanggol.
Safe ba ang Covid vaccine para sa nagpapasusong ina?
Gayundin, ayon sa pahayag ng Philippine Obstetrics and Gynecological Society (POGS), ang Covid-19 vaccine ay ligtas rin para sa mga breastfeeding moms. Maari silang tumanggap nito, at hindi ito nakaka-apekto sa kanilang milk supply or quality ng kanilang gatas. Hindi kailangang iwasan o ihinto ang pagpapadede kapag nabakunahan ang isang ina.
Sa katunayan, napag-alaman na nagkakaroon ng antibodies mula sa vaccine ang breast milk ng isang ina, na talaga namang makakabuti para sa isang bagong-silang na sanggol.
Pahayag ng mga eksperto, dapat bigyan ng COVID vaccine ang mga buntis
Medical photo created by freepik – www.freepik.com
Pero giit ng maraming health expert, mas mataas ang risk kung mahahawaan ng COVID-19 ang mga buntis. Kaya dapat hindi sila pagkaitan na mabigyan ng bakuna laban sa sakit.
“On one hand, kapag hindi tayo nabakunahan, ang epekto ng mga impeksyon especially ng Covid ay napaka-severe,” dagdag ni Dr. Bravo. Ibinahagi pa niya na may mga buntis na nanganak ng maaga at nagsilang ng maliliit na sanggol dahil sa Covid-19.
Gayundin, dapat ay bigyan sila ng sapat at tamang impormasyon tungkol riito. Para sila ay makapagdesisyon sa tingin nilang makakabuti sa kanilang kondisyon at dinadalang sanggol.
“ACOG recommends that COVID-19 vaccines should not be withheld from pregnant individuals who meet criteria for vaccination based on ACIP-recommended priority groups.”
“Individuals considering a COVID-19 vaccine should have access to available information about the safety and efficacy of the vaccine, including information about data that are not available.”
Ito ang pahayag ng American College of Obstetricians and Gynecologist tungkol sa pagbibigay ng COVID-19 vaccine sa mga buntis.
Mga impormasyon tungkol sa Covid-19 vaccine sa buntis
Para naman sa Society for Maternal-Fetal Medicine o SMFM, ang pagbibigay ng COVID-19 vaccine sa buntis ay dapat base sa shared decision ng health care provider at kaniyang pasyente. Tulad ng rekomendasyon ng ACOG, ang mga buntis ay dapat mabigyan sapat ng impormasyon tungkol sa bakuna at sakit upang ito’y kanilang maunawaan.
“In general, SMFM strongly recommends that pregnant women have access to COVID-19 vaccines in all phases of future vaccine campaigns. And that she and her healthcare professional engage in shared decision-making regarding her receipt of the vaccine.
Counseling should balance available data on vaccine safety, risks to pregnant women from SARS-CoV-2 infection, and a woman’s individual risk for infection and severe disease.”
Sinagot naman ni Dr. Bravo ang ilan sa mga karaniwang tanong ng mga buntis tungkol sa Covid-19 vaccine.
Kailangan ba magpakita ng pregnancy test bago magpabakuna?
Ayon sa WHO at DOH, hindi naman kailangan ang pagsasagawa pregnancy test bago mabakunahan.
Ligtas bang tumanggap ng bakuna sa unang trimester ng pagbubuntis?
Ayon sa doktora, sa ngayon ay limitado pa ang pag-aaral tungkol sa epekto ng Covid-19 vaccine sa unang trimester ng pagbubuntis ng isang babae. Pero wala namang naiulat na masamang epekto sa mga babaeng nabigyan ng bakuna sa kanilang unang trimester.
Sa ngayon, nirerekomenda ng POGS na magpabakuna ang mga buntis na health workers at frontliners kahit sila ay nasa unang trimester ng pagbubuntis. Subalit kung hindi naman, mas maiging ibigay ito pagkatapos ng first trimester o sa ika-14 linggo ng pagbubuntis. Kailangan ring pagdesisyunan ng buntis, kaniyang doktor at kanilang pamilya kung kailan makakabuting tanggapin ang bakuna.
Anong brand ng bakuna ang nirerekomenda para sa mga buntis?
Ayon kay Dr. Bravo, lahat ng Covid-19 na ibinibigay sa bansa ay pwede sa buntis, maliban na lamang sa Sputnik.
Nirerekomenda ba na magpa-booster ang buntis at breastfeeding moms?
Kung nakatanggap ka na ng kumpletong dose ng Covid-19 vaccine, maaring ang kasunod na tanong ay “Dapat ba akong tumanggap ng booster kapag buntis?” Ang sagot rito ay OO. Nirerekomenda pa rin ng POGS na tumanggap ng Covid-19 vaccine booster ang isang babaeng nagdadalang-tao at nagpapadedeng ina. Narito ang pahayag nila.
“All persons aged 18 years and older who had a completed Covid-19 series should get a single booster dose at least 3 months from the second dose.”
Kung ikaw ay nagdadalangtao at mayroong katanungan sa pagtanggap ng Covid-19 vaccine, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong OB-Gynecologist.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.