Kakulangan ng oxygen ng sanggol, posibleng magdulot ng sakit sa puso pagtanda
Ayon sa pag-aaral, ang pagkakaroon ng gestational diabetes, pre-eclampsia, o paninigarilyo ng ina, ay posibleng maging sanhi ng sakit sa puso paglaki ng sanggol.
Ayon sa isang bagong pag-aaral, posible raw na sa sinapupunan pa lang ay nagsisimula nang magkaroon ng sintomas ng sakit sa puso ang mga sanggol. Konektado raw ito sa pagkakaroon ng mga komplikasyon ng ina na nakakaapekto sa kalusugan ng sanggol.
Bakit kaya ito nangyayari, at ano ang magagawa ng mga magulang para makaiwas dito?
Sakit sa puso, posibleng magsimula sa sinapupunan
Base sa isang pag-aaral na isinagawa ng Cambridge University, malaki raw ang epekto ng kakulangan ng oxygen, o chronic hypoxia sa kalusugan ng sanggol. Posible rin daw na makaapekto ito sa kaniyang kalusugan pagtanda, at maging at risk sa pagkakaroon ng heart disease.
Ayon sa mga researcher, nangyayari raw ito kapag mayroong komplikasyon sa pagbubuntis ang ina. Kabilang na rito ang pre-eclampsia, gestational diabetes, at ang paninigarilyo ng ina. Dahil sa mga komplikasyong ito, mas nababawasan ang oxygen na napupunta sa sanggol mula sa ina.
Madalas raw ay ang mga genes ang tinitingnan pagdating sa panganib ng heart disease. Ngunit posible rin daw na sanggol pa lamang ay mataas na ang panganib nito.
Ito ay dahil kapag kinukulang daw ng oxygen ang sanggol, hindi nabubuo ng maayos ang blood vessels ng mga sanggol, at ito ay nagiging manipis. Kapag manipis ang blood vessels, nagiging mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng hypertension, na posibleng maging sanhi ng sakit sa puso.
Paano ito maiiwasan?
Sa kasalukuyan, pinag-aaralan pa rin ng mga researcher kung paano makakaiwas sa chronic hypoxia. Sinubukan raw nila ang vitamin C, na nakakadagdag raw ng oxygen sa placenta, ngunit wala raw ito gaanong epekto sa sanggol.
Sa kabila nito, umaasa pa rin sila na makakatulong ang mga antioxidants para sa mga sanggol. Sa pamamagitan nito, maagapan na nila ang sakit sa puso bago pa ito lumala, at habang nasa sinapupunan pa lang.
Bukod dito, mabuti na alagaan ng mga ina ang kanilang kalusugan upang makaiwas sa gestational diabetes at pre-eclampsia. Kung naninigarilyo rin ang mga ina, mabuting itigil na agad ito habang nagbubuntis dahil ito ay masama sa mga sanggol.
Source: Daily Mail
Basahin: Air pollution, naaapektuhan ang mga sanggol sa loob ng sinapupunan!