Hindi rin biro ang mga sakripisyo na ginagawa ng mga magulang para sa kanilang mga anak. Lalong-lalo na pagdating sa kanilang edukasyon.
Maraming magulang nga ang nagsasabi na ang edukasyon ang tanging maipapamana nila sa kanilang mga anak.
Kaya’t para sa isang ina, hindi naging hadlang ang pagkakaroon niya ng cancer upang makita ang pag-graduate ng kaniyang pinakamamahal na anak. Hindi niya ininda ang hirap at sakit, basta lang makitang nag-martsa ang anak niya.
Sakripisyo ng magulang, hinding-hindi matatawaran
Ayon sa inang si Ethel Canales, naging mahirap ang kaniyang buhay matapos dapuan ng cancer. Na-diagnose siya na mayroong stage 4 renal cell carcinoma, o cancer sa bato.
Dati raw ay aktibo siya sa bahay, at siya ang nag-aalaga sa kaniyang mga anak. Ngayon, dahil naging baldado sa karamdaman, siya na ang inaalagan ng dalawa niyang anak na babae.
Dagdag pa niya, napilitan rin daw tumigil sa trabaho ang kaniyang mister, upang siya ay maalagaan. Lubos ang kalungkutan ni Ethel dahil hindi na niya nagagawa ang dating mga gawain. Pati raw ang pagdalo sa graduation ng anak, ay inakala niyang magiging pangarap na lamang.
Bagama’t nahihirapan, nais ni Ethel na maging bahagi ng pagtatapos ng kaniyang anak sa elementarya. Aniya, napakahusay raw ng kaniyang anak dahil kahit hindi niya nababantayan ay nagtapos ito ng may 2nd honors sa kanilang buong batch.
Nasorpresa ang kaniyang anak sa pagdalo niya
Sa tulong ng palabas na Rated K, ay nagawan nila ng paraan upang makadalo si Ethel sa pagtatapos ng anak. Akala ng anak ni Ethel na si Christiana na ang lola niya ang makakasama niya sa graduation. Kaya’t laking tuwa at gulat na lang niya nang makita na naghihintay ang kaniyang ina, na nakaupo sa wheelchair.
Dahil dito, nakita ni Ethel ang pagtatapos ng kaniyang panganay na anak.
Bagama’t simpleng bagay ito, hindi maikakailang napakaimportante nito para sa kanilang pamilya. Ito ang nagbibigay sa kanila ng pag-asa na balang araw ay gagaling rin si Ethel at makakabalik na siya sa dati niyang sigla.
Para sa mga nais mag-donate o magbigay ng tulong, maaaring gawin sa pamamagitan ng Facebook page na ito.
Source: Kami
Basahin: 19-anyos na may cancer, pumanaw na