Hindi biro ang sakripisyo ng magulang para sa kanilang mga anak. Madalas ay buong araw sila nagpapakapagod sa trabaho para lang masustentuhan ang kanilang pamilya. Halimbawa na rito ang amang si Christopher, na kahit iisa lamang ang paa, ay patuloy na naglalako ng ice cream upang kumita para sa kaniyang pamilya.
Ating alamin ang kuwento ng isang ama na kahit na pinagsakluban ng kalangitan ay tuloy-tuloy pa rin ang pagsisikap para sa kaniyang mga mahal sa buhay.
Hindi biro ang sakripisyo ng magulang na si Christopher
Noon ay simple lang ang naging buhay ni Christopher. Matagal na siyang nagbebenta ng ice cream, at sapat naman ang kaniyang kinikita para sa kaniyang mag-anak.
Ngunit nagbago ang lahat ng isang araw ay tumama sa malaking bato ang kaniyang sidecar na naglalaman ng ice cream. Tumaob ang side car, at naipit ang isang binti ni Christopher. Inakala niya na baka napilayan lang siya, ngunit nabalian pala siya ng binti.
Hinayaan lang ito ni Christopher at patuloy pa rin sa pagbebenta araw-araw. Pagtagal ay napansin niyang tila hindi gumagaling ang kaniyang tuhod, at mukhang namamaga pa ito. Binalewala lang niya ito dahil mas mahalaga sa kaniya ang makapagtrabaho para sa kaniyang pamilya. Aniya, “Siyempre kahit na malaki ‘yung tuhod ko tiniis ko kasi ang inisip ko ‘pag nawalan ako ng silbi sa pamilya ko, papano na lang mabubuhay ang mga anak ko?”
Mayroong tumulong sa naging kondisyon ni Christopher
5 taon ininda ni Christopher ang sakit, hanggang sa mayroong naawa sa kalagayan niya, at nagkusang-loob na tumulong. Ayon kay Jacqueline, nakita raw niya ang sipag at pagpupursigi ni Christopher, kaya’t naisipan niyang tumulong dito.
Dinala siya sa ospital upang magpatingin sa mga eksperto, ngunit napag-alaman na malala na pala ang kondisyon niya. Kinailangang putulin ang kaniyang binti dahil lalo lamang lalala ang kondisyon niya kapag hindi napigilan.
Dahil sa nangyari, lubos-lubos ang naranasang kalungkutan ni Christopher. Dahil hindi na siya nagtatrabaho, may mga panahon raw na kanin lang ang kanilang kinakain.
Ngunit paglaon ay naisip niya na kung kinaya niyang maglako habang namamaga at kumikirot ang tuhod niya, siguradong kayang-kaya niya na maglako kahit iisa na lang ang binti niya.
Hindi siya nawalan ng pag-asa
Ngayon, naglalako na ulit ng ice buko at pinipig si Christopher. Dala-dala ang kaniyang cooler, at sa tulong ng kaniyang saklay, patuloy ang pagpupursigi niya upang matulungan ang kaniyang mag-anak.
Suwerte na raw kung kumita siya ng 500 piso sa isang araw, pero malaking tulong na iyon para mayroon silang pagkain.
Hindi rin madali ang paglalako niya ngayon. “Ang pinakamahirap lang, sir, talaga, ‘yung maglakad. Pero sa paglalakad ko araw-araw, nasasanay din naman din ako eh,” sabi niya.
Dagdag pa niya, “May nagtatanong talaga, ‘Kuya, nagtitinda ka pa, putol naman ang paa mo.’ Eh ano naman ang gagawin ko sa bahay? Magmukmok maghapon? Kakain lang nang kakain dun, pakainin na lang ako?”
Dahil rin daw sa kaniyang karamdaman ay tinutukso ang kaniyang mga anak. Ngunit sinasabi nila sa mga nang-aaway sa kanila na marangan ang trabaho ni Cristopher, at hindi ito katulad ng iba na pag-inom lang ng alak ang inaatupag.
Ang pananampalataya ni Christopher sa Panginoon ang nagdala sa kaniya sa mga madilim na bahagi ng kaniyang buhay. May dala pa raw siyang notebook kung saan may mga Bible verses siya na ibinabahagi sa kaniyang mga kustomer.
At pagkatapos ng kaniyang pagtatrabaho ay pinamimigay raw niya ng libre ang kaniyang sobrang paninda sa mga street children. Talagang likas na kay Christopher ang pagiging mabuting tao, at ang pagtulong sa kapwa; hindi lang sa kaniyang pamilya.
Ngayon, nais ulit siyang tulungan ni Jacqueline, at nangangalap sila ng donasyon upang matulungan si Christopher. May isa pa raw orthopedic clinic na nagsabing bibigyan nila ng libreng prosthetic leg ang butihing ama.
Ipinapakita lang nito na kapag ang isang tao ay nagtanim ng kabutihan, kahit ano pa man ang mangyari sa kaniya ay aanihin rin niya ang prutas ng kaniyang pagkakawanggawa.
Source: GMA Network
Basahin: 10 videos na nagtuturo ng pagpapahalaga sa pamilya