Ang mga doktor ay pinagkakatiwalaan ng mga magulang upang siguraduhin na ligtas ang kanilang mga anak, lalong-lalo na sa mga bagong panganak na sanggol. Kaya’t hindi lubos akalain ng isang ama na ang mismong doktor pa ang magiging dahilan upang mapahamak ang buhay ng kaniyang anak.
Ito ay dahil habang kinukuhanan niya ng video ang kaniyang mga sanggol, ay nakita niyang aksidente itong mahulog ng isang doktor. Dagdag pa niya, dahil raw dito nagkaroon ng pagdurugo ng utak ang kanilang sanggol na nahulog.
Ating alamin kung ano ang mismong nangyari.
Nakuhanan sa video ang sanggol na nahulog ng doktor
Nangyari raw ang insidente sa USA, at nakuhanan ito ng video ng ama na si Derrick Rodgers. Aniya, ipinanganak ng premature ang kambal nila ng asawang si Monique, kaya’t naisipan niyang kumuha ng video habang nililinis ang mga bata.
Lakig gulat niya nang habang buhat-buhat ng doktor ang sanggol ay bigla na lang itong nahulog sa bakal na mesa sa ilalim. Dali-daling binuhat ng doktor ang sanggol, at sinubukang palabasin na walang problema.
Ngunit kitang-kita ni Derrick ang insidente sa video, kaya’t nilapitan niya ang doktor at sinabihan na nahulog nito ang anak niya. Noong una raw ay walang masabi ang doktor at sinabing muntik lang mahulog ang baby, kaya’t pinakita ni Derrick ang video sa kaniya. Matapos nito, wala raw imik ang doktor.
Matindi pala ang naging pinsala sa kanilang anak
Dahil dito, nagreklamo ang mag-asawa sa ospital, dahil lubos na nag-aalala sila sa kalusugan ng kanilang mga anak. Ngunit hindi man lang raw humingi ng tawad ang staff ng ospital, at tila ay hindi pinapakinggan ang kanilang reklamo.
Pagtagal ay nadischarge rin sa ospital ang isa sa mga kambal, ngunit nagtagal pa raw ng 12 araw ang isa nilang anak, ang sanggol na nahulog ng doktor. Napansin raw nila na madalas raw magsuka ang bata, at minsan ay bigla na lang raw nangingisay ang sanggol.
Naisipan nilang dalhin ang bata sa ibang pediatrician at dito napag-alaman na mayroon palang internal bleeding ang sanggol. Napag-alaman rin nila na natagpuan na palang may internal bleeding ang kanilang sanggol sa ospital pa lamang, ngunit hindi raw sila sinabihan tungkol dito.
Matapos ang insidente, naisipan ni Derrick na ikalat ang video sa Facebook upang ipaalam sa mga magulang ang mga posibleng mangyari sa kanilang mga anak, at siguraduhing inaalagaang mabuti ng mga doktor ang kanilang mga pasyente.
Dagdag pa ng mag-asawa, matapos mag-viral ang video ay doon lang sila kinausap ng mga nakatataas sa ospital, ngunit para sa kanila ay tila huli na ang lahat. Umaasa silang malayo sa panganib ang kanilang sanggol, at sana ay hindi magkaroon ng long-lasting na epekto ang nangyaring pagkahulog sa kaniya.
Panoorin dito ang video ng insidente:
Source: Honey
Photo: Facebook
Basahin: Sanggol, patay matapos aksidenteng maihulog sa sahig ng isang nurse