Sino nga ba ang mag-aakala na sa sariling crib o kuna mamamatay ang isang sanggol? Ngunit eto na nga ang nangyari nang ang isang sanggol namatay habang natutulog sa kaniyang kuna.
Hindi lubos akalain ng ina ng bata na dahil sa isang simpleng bagay, ay mamamatay ang kaniyang pinakamamahal na anak.
Paano nga ba ito nangyari, at paano ito maiiwasan ng mga magulang?
Sanggol namatay habang natutulog sa kaniyang kuna
Ang 5 buwang gulang na sanggol na si Cleo Ellis-Girling mula sa Cornwall, sa UK, ay isang napakamasayahing bata, sabi ng kaniyang ina na si Sadie Hammill-Girling.
Ayon sa kaniyang ina, iniwan lang daw niya ang kaniyang anak na natutulog sa crib nito. Matapos ang 30 minutos, narinig niya ang kanilang alagang aso na tahol ng tahol.
Dahil dito, dali-dali siyang umakyat sa kwarto ng bata, at natagpuan ang anak na nakabalot ng kumot. Habang natutulog ang bata ay gumulong ito, at nabalot ang sarili sa kumot. Dahil dito, nahirapang huminga ang bata at nawalan ito ng malay.
Dali-daling tumawag ng ambulansya ang ina at bagama’t napatibok ng mga paramedic ang puso ng sanggol, hindi na ito gumising pa.
Nagdesisyon ang pamilya na huwag nang ipagpatuloy ang gamutan dahil sinabi rin ng mga doktor na posibleng may matinding pinsala sa utak ang kanilang anak. Namatay si Cleo sa kamay ng kaniyang ina.
Huwag hayaang matulog ng may kumot ang mga sanggol
Madalas pinaaalalahanan ng mga doktor ang mga magulang na huwag maglagay ng kahit ano sa crib ng kanilang mga anak. Kasama na rito ang mga kumot o unan.
Ito ay dahil minsan, kapag malikot matulog ang bata, ay posible silang maipit o ma-trap ng kumot at unan, at mahirapan silang huminga.
Pinakamabuti pa rin ang isang malambot na kutson para sa higaan ni baby. Ito ay para masigurado ang kaligtasan ng mga sanggol.
Kung maaari, palagi ring bantayan ang mga sanggol para kung sakaling may mangyari sa kanila habang natutulog, ay agad-agad silang matutulungan.
Hindi rin mabuting matulog ng katabi ang iyong anak, dahil posible itong maging sanhi ng SIDS, o sudden infant death syndrome. Mas mabuting itabi na lang ang crub o kuna ng iyong anak sa inyong kama, o ilagay ito sa inyong kwarto. Sa gayong paraan, mababantayan ninyo ang inyong anak nang hindi sila inilalagay sa panganib ng SIDS.
Source: The Sun
Basahin: “Stay Close. Sleep Apart.” campaign launched to spread awareness about SIDS