Ang San Baylon Pascual Church sa Obando, Bulacan ay kilala para sa pagsayaw na ginaganap dito. Mula ika-17 hanggang ika-19 ng Mayo bawat taon, marami ang mga mag-asawang nagpupunta dito sa paniniwalang matutulungan sila magka-anak. Marami rin ang nagpupunta bilang pasasalamat sa natanggap nilang anak na pinaniniwalaang nabigay dahil sa pag sayaw sa Obando.
Testimony sa sayaw sa Obando
Taong 2015 nang ikasal si Annie* at Gary* (hindi nila tunay na mga pangalan). Dahil nasa 30s na si Annie, minabuti ng mag-asawa na subukan na agad bumuo ng pamilya.
Bilang seaman, ilang buwan lang sa isang taon namamalagi si Gary sa bansa. Sa mga pagkakataon na ‘yon, nagtatalik nang madalas ang mag-asawa, hoping na mabiyayaan ng anak.
Matapos ang isang taon, nag-desisyon ang mag-asawa na mag sayaw sa Obando. Matapos nito, nabuntis agad… ang kapatid ni Annie, na hindi rin inaasahan na makabuo agad dahil may problema ito sa kalusugan.
Sumubok ang mag-asawa na mag-fertility treatment ngunit hindi pa rin sila nakabuo. Lubos na pagkabigo ang naramdaman ng mag-asawa. Tumigil muna sila sa pagkonsulta sa mga duktor dahil na rin sa pressure na nararamdaman.
Sa pangatlong taon nila ng pagsasama, nag-indefinite leave na si Gary sa kaniyang trabaho. Si Annie naman ay nag-resign na din upang makapag-focus sa kanilang kagustuhan na magka-anak.
“Gusto ko ng mag-ampon,” pag-amin ni Annie. “Pero ramdam ko na ayaw ng asawa ko.”
For the last two years, sinusubukan nilang magka-anak pero wala pa rin nangyayari. May taning na ang pagbabakasyon ni Gary. Kailangan na niyang sumakay ulit ng barko. Nag-desisyon ang mag-asawa na ipagpaliban ang kanilang pagsusubok na magkabuo.
Bago sumakay ng barko, dumayo ang mag-asawa at nag sayaw sa Obando nito lamang Mayo.
“Kung kailan kami nag-desisyon na sumakay muna siya ng barko at pagbalik na lang niya kami mag-try, biglang blessed naman kami ni God ng baby!”
Ito ang masayang ibinalita ni Annie. Anim na linggo na siyang nagdadalangtao. Paniniwala niya na dahil ito sa ginawa nilang panata sa Obando.
“Blessing talaga galing do’n,” pahayag niya. “Kasi imposible naman na sa tagal namin nagta-try, nito lang nabuo.”
Kuwento sa likod ng sayaw sa Obando
Isa lamang ang kuwento ni Annie sa mga testimonya ng sayaw sa Obando. Ngunit may mga ilan na kahit naging deboto na ay hindi pa rin ipinagpala na mabiyayaan ng anak.
Saan nga ba nagsimula ang tradisyon ng sayaw sa Obando?
Hindi malinaw ang pinagmulan ng tradisyon ng sayaw sa Obando. Gano’n pa man, may iba’t ibang kuwento kung paano ito nagsimula.
Kilala ang Obando bilang “Bayan ng tatlong santo.” Ang dalawa, San Pascual Baylon at Santa Clara, ay nagpapakita ng impluwensya ng mga Pransiskano. Ito ay bago pa man matatag ang simbahan noong 1753.
Ang ikatlong santo, ang Our Lady of Salambao, ay dahil sa imahe ng Birheng Maria na nadiskubre sa may Manila Bay noong 1763. Nakatago ang imahe sa simbahan ng Obando.
Ayon sa mga naisulat, ang tatlong araw ng pagsasayaw ay base sa mga pista ng tatlong santo.
Mayroon ding mga nagsasabing nagmula ito sa mga tradisyon bago ang Kristiyanismo. Nagmula raw ito sa pagdiriwang ng pagkamayambong na tinatawag na kasilonawan.
Dito, ang mga babaylan ay sumasayaw bilang handog sa mga diyos ng kalikasan. Pinaniniwalaan na ginamit ito ng mga Espanyol at pinalit ang mga santo sa mga diyos ng kalikasan. Si Santa Clara ngayon ang tumatayong tumutulong sa pagkakaroon ng anak.
Ang tatlong santo at kaugnayan sa pista
Ang koneksyon ng buhay ni San Pascual Baylon at Santa Clara sa kanilang ginaganap na tungkulin sa pista ay mahirap makita.
Sa buong mundo, ika-17 ng Mayo talaga ang araw ng pista ni San Pascual Baylon. Ngunit, maaaring napili siya dahil ang Baylon ay nagmula sa salitang espanyol na “baile” na ang ibig sabihin ay “sayaw.”
Samantala, ang pista ni Santa Clara ay pinagdiriwang sa buwan ng Agosto. Ganon pa man, ilang siglo nang ika-18 ng Mayo ito ipinagdiriwang sa Obando. Malamang ito ay upang masabayan ang tradisyon ng pagsasayaw ng mga babaylan sa araw na iyon.
Si Santa Clara ay kinikilala sa kaugnayan nito sa pagkamayambong sa buong Pilipinas. Kadalasan ay konektado siya sa mga itlog kahit pa ang santo ay nabuhay bilang isang madre.
Ika-19 ng Mayo ang pista ng Our Lady of Salambao. Siya ang lokal na patron na may pinakakilalang lugar sa altar ng simbahan.
Ayon sa lokal na alamat, noong 1763, tatlong mangingisda mula sa Malabon ang nangingisda sa Manila Bay gamit ang malaking lambat na tinatawag na salambao. Dito nila nakuha sa kanilang lambat ang imahe ng Birheng Maria. Nang subukan na dalhin ito sa kanilang bayan, bumigat ang kanilang bangka na hindi na makagalaw.
Ngunit, nang kanilang tinutok ang bangka papuntang Obando, naging mabilis ang takbo nito. Dito nila naisip na mas gusto ng imahe malugar sa Obando.
Ngayon ay pinapakita ang imahe nang may mga lambat sa kanyang paligid. Ika-19 ng Hunyo ang araw ng pagkakadiskubre dito ngunit ginawang Mayo ang araw ng pista upang mabuo ang tatlong araw na pagdiriwang.
Digmaan at pagsasayaw
Ang orihinal na imahe ng Birheng Maria at iba pang imahe sa simbahan ay nasunog sa pagbomba ng mga Hapon sa simbahan noong 1945. Kapalit nito, gumawa ng mga bago at mas malaking imahe.
Ilang taon matapos ang digmaan, ipinagbawal ng mga kinauukulan ng simbahan ang sayaw sa Obando. Ito ay dahil sa ugnayan nito sa hindi Kristiyanong ritwal. Ngunit, nuong 1972, sa pagtutulungan ni Fr. Rome Fernandez at ng lokal na komisyon ng kultura, tinanggal ang pagbabawal dito. Dito muling nabuhay ang ritwal ng masiglang pagsasayaw sa mga kalsada.
Ang orihinal na sayaw sa Obando ay sa tugtog ng “Santa Clarang Pinung-pino” na nagsasama ng tugtuging Filipino at mula Europa. Ang mga lumalahok ay nagsusuot ng baro’t saya, ang pambansang pananamit ng mga kababaihan na gawa sa katutubong tela. Ginagamit ang fandango, waltz step, Charleston, foxtrot, rhumba at ang tango. Dinagdagan din ng kombinasyon ng paggalaw ng baywang, kamay at paa upang “papasukin ang ispirito ng buhay sa sinapupunan.” Ang sayaw ay pormal na nabuo nung 1993 sa tulong ng isang lokal na koreographer na kilalang katutubong mananayaw. Binuo niya ang sayaw sa pamamagitan ng pag-alala sa mga napanuod na sayaw na ginawa ng mga tao nung pagkabata niya.
Tatlong araw nang pista
Ang buwan ng Mayo ay isa sa mga pinaka-mainit na buwan sa taon. Dahil dito, bawat araw ng pista ay sinisimulan ng misa bago pa magliwanag. Bawat araw sa pista ay pareho ang pagkakabuo ngunit iba-iba ang santong ipinagdiriwang sa harap ng prusisyon habang nakasunod ang dalawa pa.
Mula bago mag-liwanag bawat araw, iba-ibang tindahan ang nakapaligid sa plaza ng simbahan. Ganon pa man, ang plaza ay pinapanatiling maluwag para sa mga nais magsayaw.
Sa mga kalsada, iba-ibang paninda ang mga nilalako na karaniwang para sa mga bata. Sa harap ng simbahan, ang mga madre ay nagbebenta ng iba’t ibang imahe kabilang ang sa tatlong santo. Ang mga seminarista at miyembro ng mga relilhiyosong organisasyon ay nagbebenta ng makukulay na itlog na may iba’t ibang kulay na laso.
Bawat kulay ng laso ay may iba’t ibang kahulugan: magandang buhay, materyal at pinansyal na kabutihan, mabuting ispirito, napaliwanal na isip, kalusugan at para magka-anak. Ang mga itlog ay kadalasang inuugnay kay Santa Clara at sa pagkamayabong. Ngunit, ang pagbibigay ng iba’t ibang kulay dito ay nagpapalawak ng simbolismo nito sa iba’t ibang pangangailangan.
Alas otso ng umaga, nagsisimula ang prusisyon sa plaza sa harap ng simbahan kasama ng banda, mananayaw at mga parokyano. Tumatagal ang prusisyon ng dalawa hanggang tatlong oras. Limang grupo ng mga mananayaw na may kasamang banda ang magbibihis sa baro’t saya ang sasayawin ang nakatalagang sayaw.
Ang mga naka-bihis na mananayaw ay kadalasang hindi ang mga sumasayaw para magka-anak. Subalit, sila ay mga nagdadasal para sa mga nais magka-anak. Ang mga nando’n para sa kanilang ipinagdarasal ay sumusunod sa pagsayaw at lumalapit sa mga karwahe ng partikular na santo para sa kanilang kahilingan.
Mga lumalahok
Marami ang mga dumadayo para sa tatlong araw na pista. Mula sa mga parokyano, mga galing sa malalapit na bayan hanggang sa iba’t ibang dako ng Pilipinas ang dumadalo para sumayaw at magdasal.
Kadalasan, ang mga dumadalo para sa pista ng San Pascual ay naghahanap ng mapapang asawa. Ang mga dumadalo sa pista ng Santa Clara ay ang mga nais magka-anak. Ang sa pista naman ng Our Lady of Salambao ay ang humihingi ng gabay tungkol sa isang relihiyosong bokasyon o kaya humihingi ng magandang kapalaran.
Ayon sa mga deboto, bawat araw ay may iba’t ibang kahulugan ngunit marami ang dumadalo ng tatlong araw para magka-anak. Ang sabi naman ng iba, kung gusto magka-anak na lalaki, dapat magdasal kay San Pascual sa unang araw ng pista.
Source: Catholics and Cultures
Basahin: 5 pregnancy myths na hindi mo dapat paniwalaan ayon sa mga doktor