Scalded skin syndrome contagious o naihahawa sa pamamagitan ng halik. Ito ang babala ng isang ina matapos mahawaan ng sakit ang baby niya.
Sanggol na nagkaroon ng Scalded skin syndrome o SSSS
Sa pamamagitan ng isang Facebook post ay ibinahagi ng netizen na si Ellen Crisostomo ang nangyari sa pamangkin niyang si Baby Zechariah. Si Baby Zechariah ay 1 month and 3 weeks old baby na nagkaroon umano ng sakit sa balat. Ayon sa doktor na tumingin kay Baby Zechariah, ang kaniyang sakit ay dulot ng staph bacteria at tinatawag na Staphylococcal scalded skin syndrome. At ito ay nakuha ng sanggol mula sa taong humalik o humawak sa kaniya na may dala ng bacteria.
Upang mas maliwanagan sa nangyari kay Baby Zechariah ay minabuti ng theAsianparent Team na interviewhin ang ina nitong si Mommy Essytle.
Scalded skin syndrome contagious o nakakahawa
Kwento ni Mommy Essytle ay nagsimula lang sa rashes at pamumula ng balat sa kaniyang mukha ang naging sakit ni Baby Zechariah. Hanggang sa pagdaan ng araw ito ay kumalat na sa kaniyang katawan. At nagdulot ng iritasyon at sakit sa sanggol na makikita sa pag-iyak niya.
“First day nya may rashes sa bandang ilalim ng mata at kilay. Second day ang leeg niya sobrang namumula, Third day sa ilalim ng itlog ng bata at 4th day may lumabas na sa ilong niya. Nag babalat namumula at nag tutubig na. Sa pang 4th day nya sobrang iritable na sya at ang iyak nya sobra sobra na sa nakikita na syang nasasaktan. Pang 5th day namen sya sinugod sa ospital dahil sa sobrang iritable nya.”
Ito ang pagkukwento ni Mommy Essytle sa naging sintomas ng scalded skin syndrome sa anak niya. Nang matingan nga daw na ng doktor ay doon lang nila nalaman ang kondisyon ng anak. Ito nga daw ay may Staphylococcal scalded skin syndrome. At ito ay maaring naihawa sa sanggol sa mga taong humahawak at humahalik sa kaniya. Kaya naman dahil sa nangyari ay may mahigpit na ipinayo ang doktor sa kaniya.
Paliwanag at paalala ng doktor tungkol sa sakit
“Paliwanag ng doctor nakuha nya ito sa mga taong humahawak sa kanya na galing sa labas at humahalik. Kaya payo ng doktor huwag hahalikan ang bata at huwag hahawakan ng walang ligo o walang alcohol ang mga buong kamay. Para maiwasan huwag nalang halikan ang bata at hawakan kapag galing sa labas. Kasi hindi kaya ng immune system ng bata ang mga bacteria na nanggagaling sa adults.”
Sa ngayon matapos magamot at mabigyan ng antibiotics laban sa sakit ay maayos na ang kalagayan ni Baby Zechariah. Unti-unti na daw gumagaling ang mga sugat sa kaniyang balat. At nagbabalik na ang dating fresh baby skin nito.
Mensahe para sa mga magulang
Kaya naman dahil sa nangyari ay may natutunan si Mommy Essytle. Una ay huwag ipagsawalang bahala ang mga rashes na lumalabas sa katawan ng anak. At magpunta agad sa pinakamalapit na center o ospital para malunasan ito. Pero ito naman daw ay maaring maiwasan at mahalaga ang ginagampang papel ng mga magulang upang maprotektahan ang kanilang mga anak sa sakit na ito.
“Sa mga nanay, huwag hahalikan ang bata kahit ikaw pa ang magulang. At huwag hahawakan kapag hindi pa nag-didisinfect ng kamay. Huwag din maniwala sa lalawayan si baby dahil mauusog. Dahil mas lumalaki daw ang porsyento na mag-ka bacteria si baby sa paniniwalang ito.”
Ano ang Scalded Skin Syndrome?
Ayon sa Rarediseases.org, ang staphylococcal scalded skin syndrome o SSSS ay isang disorder na nagdedevelop dahil sa toxin na nagpo-produce ng staphylococcal infection.
Ang toxin daw na ito ay mapanganib na unang naililipat sa balat na kumakalat hanggang sa dugo.
Inaatake nito ang outer layer ng balat na nagdudulot ng pamumula, pamamalat at pamamaltos ng balat na tila napaso.
Mas prone daw ang mga limang taong gulang na bata pababa sa pagkakaroon nito. Dahil wala pa silang antibodies para labanan ang nasabing toxin. At masyado pang immature ang kanilang kidneys para tulungan silang maalis ito ng mabilis sa kanilang katawan. Ngunit ang staphylococcal scalded skin syndrome ay maari ring maranasan ng mga matatanda.
Sakit na nakakahawa
Ayon naman sa Dermnet.org, ang staphylococcal scalded skin syndrome contagious o nakakahawa. Ito ay dulot ng Staphylococcus aureus bacteria na naidadala ng isang adult carrier sa isang bata o baby na mahina pa ang immune system. Wala daw makikitang sintomas ang SSSS sa matandang mayroon nito. Ngunit mapanganib naman ang maaring maidulot nito sa bata o baby na mahahawaan niya ng sakit.
Ang staphylococcus aureus bacterium ay madalas na sumisiksik sa ating ilong. Kaya naman maihahawa o maililipat ito sa ibang tao sa pamamagitan ng pagbahing. O kaya naman ay sa kahit anong direct contact na pinapasok ang balat sa pamamagitan sugat, rashes, o galos.
Maliban sa ilong ay madalas ring nananahan ang bacteriang ito sa mata, daluyan ng ihi, pusod, mababaw na gasgas sa balat at sa dugo.
SOURCE: NCBI, Rare Disases Org, DermNetz Org
BASAHIN: 8-buwang sanggol, nagsugat at nalapnos ang balat dahil sa isang bibihirang sakit