One saturday morning, nagdecide akong mag general cleaning dahil mukhang napakagulo na ng bahay. Makalat, wala na sa ayos.. naisip ko na instead na nakatambak lang ay maaari pa itong pakinabangan ng iba.
Gusto kong maidispose na ang mga pinagliitan na clothes, hindi na nagagamit na toys, at mga gamit na pinaglumaan na ng baby ko.
Selling my baby clothes: “Ibinenta ko ang mga napagliitan ni baby—pero ang hirap palang i-let go”
Sobrang nag enjoy ako dahil ang dami kong naipon na maaari kong ibenta. Sinort out ko ang mga mapapakinabangan pa at hindi na. Ang pang donation at ang pwede pang ibenta.
Plano ko talaga na yong malilikom kong cash, ibibili ko ulit ng new toys, shoes at damit ni baby. Nakakaexcite hindi ba?!
Iniisip ko palang ‘yong pashoshopping ng mga needs ni baby, kinikilig na ako.
At sa sobrang dami, umabot ako ng tatlong araw sa pagaayos. Martes na nang ipakuha ko sa mga nakabili ang mga gamit.
Sobrang tuwa ko, parang huminga ang bahay umaliwalas. Lumuwag ang mga shelves, lumuwag ang cabinets, nawala ang kalat.
Pero bakit nung isa-isa nang kinukuha ng mga bumili at unti unting nawawala sa paningin ko ang mga toys ng baby ko, ‘yong rattles niya, ‘yong swaddles niya, yung mga white baru-baruan niya, duyan, walker at stroller ay bigla akong nalungkot.
May kung anong kurot sa aking puso lalo na nung inilalabas na ang crib sa bahay. Naging emosyonal na ako.
Hindi ko napigilan ang pagtulo ng aking luha.. napayakap akong mahigpit sa aking anak.
Naitanong ko sa sarili ko. Anong nangyari? Bakit ang bilis? Bigla kong namiss ang baby ko. Nasan na ang baby ko. Sadyang kay bilis nga talaga ng panahon.
Iyong baby ko na nasa tummy ko dati, ‘yong monthly na nagpapa-prenatal check up ako. Fresh pa nga sa isipan ko ang pagstay ko ng hospital nung ipanganak ko siya.
BASAHIN:
Simple parenting hack to efficiently pack baby clothes for travel
Is your laundry soap mild enough? 21 detergent brand made for baby’s clothes
REAL STORIES: “41 weeks na, ayaw pa rin lumabas ni baby—lahat na ginawa ko”
Ngayon big girl na ang baby ko
Parang kailan lang napakaliit at napakalambot niya. Munting baby na palaging nakabalot sa swaddle at nakapatong sa dibdib ko tuwing matutulog.
Dati ay puro puting baru-baruan, onesies, frogsuit ang nasa labahin ko, ngayon ay malalaking bistida, pajama at blouse na.
At ati ay soft shoes ang gamit namin o kaya ay medyas lamang, ngayon ay prewalker shoes na.
Dati ay nakamittens ang maliliit na daliri niya, ngayon ay kaya na niyang humawak ng laruan at pagkain, lullaby lamang ang ipinaparinig ko sa kaniya noon, ngayon ay sumasabay na siya sa pagsayaw tuwing makakarinig ng nursery rhymes. Parang kailan lang din na inaalalayan ko siya sa paghakbang, ngayon ay matulin na siyang tumatakbo.
Totoo nga. Napakabilis. Hindi ko man lang namalayan. Namiss ko kaagad ang little baby girl ko.
Mga panahong hindi ko na maibabalik. Minsan lang talaga sila maging baby. Kaya ‘yong minsan na ‘yon, kailangan namnamin natin bawat segundo.
Iyong mga kakulitan nila, yung mga tanong nila na paulit-ulit, ‘yong pagtawag nila sayo ng paulit-ulit, ‘yong pagpapakarga nila sayo, ‘yong ikaw lang ang gusto nilang kalaro, ‘yong gusto nilang palagi kang katabi. Namnamin mo ang mga sandaling ‘yan.
Sapagkat saglit lang ang mga ‘yan. Napakabilis lumipas ng panahon. Isa dalawa at sa mga paparating na mga araw, may sarili na silang buhay na kung saan hindi na nila tayo kukulitin, hindi na nila tayo paulit-ulit na tatawagin..
Darating ang panahon na hahanapin natin ang mga makukulit na bata sa loob ng bahay, mami-miss natin ang mga maiingay nilang mga boses, mami-miss natin ang pagligpit sa mga kalat nila, ang pagpapatahan kapag umiiyak sila. Mamimiss natin ang pagsaway sa kanila.
Sa ngayon abala ka, tipong hindi ka makagawa ng gawaing bahay dahil lagi silang karga at sunod ng sunod sa iyo. Maniwala ka, balang araw hahanapin mo ‘yan.
Balang araw magagawa mo na ang gusto mo, magkakaroon ka na ng oras para sa sarili mo. Ang magulong bahay natin, magiging maaliwalas, ang pagmamadali natin, magiging payapa, ang kapeng palaging lumalamig, mahihigop na natin ng mainit.
Dahil malalaki na sila, magpapamilya sila, maiiwan tayo sa bahay mag-isa. Kung saan magiging payapa, tahimik at maaliwalas ang lahat.
Kaya’t ngayon habang maliliit pa sila. Namnamin natin ang bawat sandali ng kanilang kabataan. Sariwain natin bawat laro, bawat halakhak, bawat iyak ng ating mga anak.
Make memories with them. Dahil kapag ito’y lumipas, wala nang balikan. Magugulat ka nalang, yung baby girl mo dati, Big girl na.