Senyales ng bullying maaring ipinakita mo na sa iyong anak! Alamin kung ano at paano ito nangyayari.
Bilang magulang ay nais nating protektahan sa lahat ng oras ang ating mga anak lalo na sa dumaraming kaso ng bullying. Nais nating makasiguro na sa lahat ng oras ay hindi sila magiging biktima nito.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, minsan ang bullying ay nararanasan ng iyong anak sa loob ng inyong bahay. At madalas ay ikaw ang gumagawa nito sa kaniya.
Ayon sa psychotherapist na si Dr. Russell Hyken mula sa Utah, ito ay nangyayari sa pamamagitan ng aggressive parenting approach na ipinapakita sa mga bata. Lalo na sa mga oras na nais nating itama ang mga pagkakamali nila.
Para mas maliwanagan ay narito ang senyales ng bullying na maaring ginagawa mo na sa iyong anak.
Senyales ng bullying na ginagawa ng magulang sa anak
1. Pagbibigay ng physical punishment sa anak.
Isa sa mga madalas na senyales ng bullying na ipinapakita ng mga magulang sa anak ay ang pagbibigay ng physical punishment sa tuwing sila ay nakakagawa ng mali.
Bagamat ang nais lang natin ay maturuan sila, ang pagbibigay ng physical punishment sa anak ay naglalagay sa kanilang utak na katanggap-tanggap ang pag-gamit ng dahas sa pag-resolba ng isang problema.
Ito rin ay maaring makaapekto sa inyong pagsasama dahil lumalayo ang loob ng isang bata sa taong laging nanakit sa kaniya.
2. Madalas na pagsigaw at pagsasabi ng masama sa anak.
Tulad ng physical punishments, ang madalas na pagsigaw at pagsasabi ng masama sa anak ay nakakasakit sa kanilang damdamin.
Ang sensyales ng bullying na ito ay nagbibigay ng negative impact sa self-esteem ng isang bata at maaring maka-delay ng kaniyang social development.
Tandaan na kahit ang mga salita ay nakakasakit rin.
3. Pagbibiro tungkol sa sensitive area ng iyong anak.
Isa ito sa least identifiable na senyales ng bullying na akala natin ay walang impact sa mga bata. Ngunit ang pagbibiro tungkol sa sensitive area nila o pag-gamit dito bilang pet name niya ay maari ring makasakit sa kaniyang damdamin.
Tulad nalang ng pagtawag ng “chunky monkey” sa isang batang mataba at “small child” o “bubwit” sa isang maliit na bata.
4. Pagkukumpara sa iyong anak sa kaniyang ibang kapatid.
Inaakala natin bilang magulang na ang pag-gamit ng mga examples sa ating anak gaya ng kanilang kapatid ay magsisilbing inspirasyon sa kanila. Ngunit ito ay mali.
Dahil ang madalas na pagkukumpara sa iyong anak at sa kaniyang kapatid o sa ibang bata ay maaring magdulot sa kaniya ng inferiority complex.
Ito ay maaring pagsimulan din ng galit niya sa kaniyang kapatid o sa iyo. Lalo na sa tuwing ipinapakita mong mas pinapaboran mo ang kapatid niya kesa sa kaniya.
5. Madalas na pag-gamit ng mga salitang huwag at hindi.
Normal na sa mga magulang na maging overprotective. Madalas nga ay naipapakita natin ito sa pamamagitan ng pagsasabi sa kaniya ng huwag at hindi niya dapat gawin.
Ngunit ito ay senyales ng bullying na tinatawag na parenting “puppetry” na kung saan tinuturuan mo ang iyong anak na maging overly dependent. Ito ay maaring magdulot din sa kaniya ng labis na pagkatakot at pakiramdam na lagi siyang nagkakamali.
Paano maiiwasan ang pangbu-bully ng mga magulang
Para maiwasan ito ay dapat matutunan ng mga magulang na tanggapin at i-handle ang mga unwanted actions ng kanilang anak.
Imbis na diktahan sila ay turuan at ipakita sa kanila ang dapat gawin. Halimbawa, imbis na sabihan silang magpapayat at kumain ng kaonti ay turuan silang magluto ng pagkaing healthy o pumili ng better dietary choices.
Dapat din ay matutong kontrolin ang iyong sarili. Praktisin ang iyong pasensya at iwasan ang overreacting.
Panghuli ay hayaang magkamali ang iyong anak para siya ay matuto. Maliban nalang sa mga pagkakataon na kailangan mong protektahan ang kaniyang kaligtasan at kalusugan.
Laging isaisip na iwasan ang mga senyales ng bullying na ito na ginagawa ng mga magulang sa anak. At tandaan, ang bully na bata ay produkto rin ng bully niyang mga magulang.
Source: US News
Photo: Freepik
Basahin: 10 karaniwang pagkakamali na nagagawa ng mga magulang