Isa sa 10 lalake, at isa sa 12 babae ang mayroong sex addiction

Dati rati ay inaakala ng mga eksperto na hindi karaniwan ang pagkakaroon ng sex addiction. Ngunit nang lumabas ang resulta ng isang bagong pag-aaral, mukhang mas pangkaraniwan pa ito kumpara sa dating inaakala.

Ayon sa resulta ng pag-aaral, 1 sa bawat 10 lalake, at 1 sa bawat 12 babae ang mayroong tinatawag na sex addiction. Ano ang kondisyong ito, at nagagamot ba ito?

Ano ang sex addiction?

Ang ganitong uri ng addiction ay isang kundisyon kung saan hindi makontrol ng isang tao ang kaniyang mga sexual urges. Normal lang naman sa mga tao ang magkaroon ng mga sexual urges. Ngunit kapag wala na ito sa lugar, o kaya nakakaapekto na ito ng pang araw-araw na buhay ng isang tao, posibleng addiction na ito.

Ayon sa resulta ng pag-aaral na isinagawa ng mga researcher sa University of Minnesota, dumarami raw ang mga Amerikano na mayroong ganitong kondisyon.

Natagpuan nila na dumarami ang mga taong posibleng may ganitong kondisyon. At nakakaalarma din ang dami ng mga kaso ng sexual harassment at abuse lalo na noong nagsimula ang #metoo movement.

Nakakaalarma daw ito dahil posibleng mayroong nangyayaring pagbabago sa lipunan na sanhi nito. Mahalaga din daw sa mga health professionals na maging aware sa mga ganitong bagay dahil nakasalalay sa kanila ang paggamot sa ganitong klaseng kondisyon.

Ano ang magagawa dito?

Seryosong karamdaman ang sex addiction, lalong-lalo na sa mga mag-asawa. Ito ay dahil posibleng masyadong maghanap ng sex ang isang taong may ganitong addiction, at kung hindi ito maibigay ng kaniyang asawa, baka hanapin niya ito sa iba.

Kaya’t mahalagang pumunta sa isang therapist o psychologist upang magamot ito.

Katulad din ito ng ibang uri ng addiction, kaya mahalaga ang suporta ng mga kaibigan, kamag-anak, at asawa. Hindi dapat ikahiya ang sex addiction, o itago ito, dahil lalo lang itong magiging sanhi ng problema.

Kapag sa tingin mo na ikaw o ang iyong asawa ay may sex addiction, huwag mag-atubiling humingi ng tulong. Mahalagang pag-usapan ito ng mga mag-asawa bago pa ito maging malalang problema, at makasira ng iyong pamilya.

 

Source: Daily Mail

Basahin: 16 “Woman on top” sex positions na magpapainit ng inyong buhay mag-asawa

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara