Mga sign na nambabae si mister—nagsisimula ka na bang magtanong at alamin ito? May mga nararamdaman ka bang kakaiba, napupunang mga biglaang pagbabago, napapansing kahina-hinala sa mga kilos ng kabiyak o kaya sign na nambabae si mister? O baka naman napapraning ka lang at naghihintay ng lambing mula sa kaniya?
Kapag ang dating magkarelasyon ay naging mag-asawa na, hindi lamang relationship status ang nagle-level up kundi maging ang kanilang mga pananagutan at tungkulin sa isa’t isa para mapanatili silang matatag sa kabila ng mga nag-level up ding pagsubok na kinahaharap sa buhay may-asawa. Ngunit paano na nga ba kung ang tiwala na sa katapatan ng isa’t isa ang sinubok sa pagsasama ng mag-asawa?
Facebook post ng nagseselos at nagdududang misis, viral ngayon
Viral ngayon ang isang Facebook post ng nagngangalang Raine Alex Marasigan tungkol sa kagustuhan nitong maglabas sa social media ng nararanasang sama ng loob at sakit dahil sa pinagdaraanang gusot sa kaniyang pitong taon nang live-in partner. Ang parehong post ay lumabas din sa TAP app nang parehong araw na lumabas ito at nag-viral sa Facebook.
Ayon mismo kay Raine Alex Marasigan, hindi ito ang kaniyang tunay na identity at ginagamit lamang niya ang account sa likod ng pangalang ito bilang isang dummy. Laman ng kaniyang post ang hinanakit nito sa asawang nagbakasyon sa Bali, Indonesia kasama ang bff na babae. Kalakip ng mahabang post na ito ang walong litratong nagpapakitang magkasama nga ang dalawa sa isang bakasyon.
Bukod pa rito, naglabas ito ng feeling ng panliliit sa sarili. Inirerespeto umano niya ang pagkakaibigan ng dalawa pero hindi na niya matiis ang pagseselos at nararamdamang sakit dahil sa mga natunghayang litrato ng dalawa. Aniya pa, alam niya kung gaano kalalim ang closeness ng dalawa dahil magkaibigan na ang mga ito bago pa siya dumating sa buhay ng live-in partner. Nakilala na rin niya nang personal ang babae noong 7 months preggy sa panganay na anak.
Hanggang isang araw na lang nang dagsain siya ng messages ng mga kaibigang nag-share sa kaniya ng mga litratong naka-attach sa sariling post. Hindi umano niya maiwasan ang magduda sa totoong namamagitan sa dalawa, gawa ng “para silang couple na nagprenup or honeymooners sa pictures,” ayon mismo sa kaniyang post.
Kasunod nito, ibinahagi rin ng nag-post ang ginawang confrontation sa asawa patungkol sa mga litrato at pagbabakasyon nito sa Bali na kasama ang isang babae. Wala naman daw nangyari sa dalawa dahil inirerespeto umano ng mga ito ang isa’t isa. Magkaibigan lang daw talaga ang mga ito. Bagama’t hindi umano niya talaga maiwasan ang masaktan at magduda.
Ang kuwento sa likod ng viral na post
Talaga namang nag-viral at libo-libo ang naglahad ng kani-kanilang opinyon hinggil sa post. Kung gaano karami ang reactions na nakuha nito, ganoon din karami ang ginawang pag-share nito. May mga naglabas ng personal nilang tulad na karanasan; habang hindi mawawala ang bangayan ng mga hindi nagkakasundong opinyon sa comment section.
Lumabas din ang isyung bading din naman daw talaga ang lalaking tinutukoy na live-in partner at nasa litrato, ayon sa ibang nag-post ng komentong kakilala raw at malapit sa mga taong involved. Ito ang paliwanag kung bakit walang dapat ipagselos at ipagduda ang partner nitong narito sa Pilipinas.
Hindi nga nagtagal, lumutang ang isang post ni Sharona Arradaza. Siya ang tinutukoy na totoong nag-post umano ng nag-viral na post gamit ang dummy account na Raine Alex Marasigan.
Ayon sa kaniyang post, gusto niyang maglinaw na hindi siya ang naglabas ng mga litrato at nag-post kasama ng mahabang paglalabas nito ng sama ng loob sa social media. Ayon pa sa kaniya, wala siyang pakialam sa pagkakaibigan ng asawa niya at ng bff nito. Lalong hindi rin bading ang kaniyang asawa, instead ay “best father and a loving father” sa kanilang mga anak.
May tinukoy pa siyang mag-7 years old na ang kanilang anak kaya hindi totoo ang tinutukoy ng bff na 3 years pa lamang silang nagsasama ng kaniyang partner. Never din silang naghiwalay, dagdag niya, kaya hindi siya dapat tinuturingan bilang “ex” sa kaniyang partner.
Samantala, tulad ng sentimyentong inilabas ng nag-post sa likod ng dummy account na Raine Alex Marasigan, ganito rin ang ibinahagi ni Sharona Arradaza—ang mga pagdududa, pagseselos, at sakit na nararamdaman, hindi lamang para sa sarili ngunit higit para sa dalawa nilang anak at mga mahal sa buhay na naapektuhan din ng mga nasabing litrato.
Sa panayam natin kay Sharona Arradaza, muli niyang sinabing hindi siya ang tao sa likod ng nag-viral na post at nagpakalat ng mga litratong nag-i-involve sa kaniyang partner at bff nito. Para sa kaniya, matagal nang nangyari ang Bali vacation na iyon. Napagkasunduan na rin nilang muling magsimula, at unti-unting ibalik ang sigla ng dati nilang buhay-pamilya; anuman ang naging gusot sa relasyon nilang idinulot ng pangyayaring iyon.
“May pa po nangyari ‘yon. Kaya nga hindi ko rin alam bakit ngayon may lumalabas na ganyan. Pero talaga pong hindi ko alam ang Bali, Indonesia na bakasyon nila. One week na po yata noon o mahigit na nang nalaman ko, dahil lang din sa mga friends kong nag-flood ng messages sa akin. Tinatanong ako kung kami pa raw ba ng hubby ko. O, so, tinanong ko kung bakit. Bago po kasi no’n, hindi kami nag-uusap dahil binlock niya ako sa Facebook. Gawa ng magkaaway kami pero away ng mag-asawa iyon, at walang kinalaman kay miss Apple ‘yon noon, ‘yung bff, na bago sila mag-Bali,” ilan sa mga pahayag ni Arradaza.
Malaya rin niyang shinare sa ating nagkaayos na sila ng kaniyang asawa, at magkasamang kinahaharap ang “surprising” viral post na ito na nag-i-involve sa kanila pare-pareho. Aniya, magkausap lamang daw sila ng asawa niya ilang oras bago ang panayam. Tulad pa rin ng kanilang napagkasunduan way back May, magkasama nilang haharapin ang panibagong pagsubok na ito sa kanilang relasyon bilang mag-asawa.
May mga threat siyang natatanggap ng pagdedemanda mula sa partido ng bff ni hubby. Pero aniya, ginagawan na raw ng paraan ng kaniyang asawang maiayos ang gusot na ito sa pamamagitan ng pakikipag-usap kay bff at sa pamilya nito.
Ano-ano nga ba ang mga sign na nambabae si mister?
Mahalaga ang tiwala bilang sagradong sangkap sa maayos na samahan at matatag na pagmamahalan ng mag-asawa. Hindi ito maaaring ihiwalay sa mga salitang “pag-ibig” at “pagmamahal” dahil package iyon, kumbaga. Kaya naman, kapag unti-unting nababahiran ang tiwala ng isa o ng pareho sa mag-asawa, dito rin nagsisimula ang unti-unting paghina ng pundasyong nagbubuklod sa pamilya.
Isa na nga ang pambabae sa hindi natatapos na isyu at problemang kinahaharap ng mga mag-asawa, noon at ngayon. Kasabihan ang kapag kinutuban ang isang babae ng masama sa kaniyang asawa, huwag itong ipagsawalang-bahala. Ngunit kailan na nga ba maaaring maalarma si misis at bigyang-aksyon ang kaniyang hinala? Ano-ano na nga bang mga sign na nambabae si mister, o kasalukuyang may kinahuhumalingang iba bukod sa iyo?
Pinagsama-sama natin ang mga nakalap na impormasyong naglalahad ng iba’t ibang sign na nambabae si mister. Paalala lamang na hindi ibig sabihing ginagawa ng mister ang ilan o lahat ng mababanggit ay nambababae na. Mga sign lamang ito na maaaring punahin sa asawa. Mahalaga pa ring i-address ito nang maayos at kuhanin ang panig niya.
- Mas madalas at mas mahabang panahong iginugugol sa paggamit ng mobile phone at/o ng laptop/computer. Bukod pa rito, kung wala naman itong password noon at ngayon ay meron na, mataas ang tiyansang may itinatago itong hindi mo maaaring ma-access. Isa pa, mapupunang kahit saan magpunta ang mister, palaging dala ang phone kahit maaari namang hindi na.
- Napapadalas ang asawang hindi makontak—tawag, text, o chat sa mga social media account—na hindi naman nangyayari noon. Madalas na may kalakip pa itong mga pagdadahilan tulad ng madalas na meeting, nagmamaneho, masyadong busy sa trabaho, o sadyang walang signal sa kinalulugaran niya madalas. Ito rin ang pangunahing mapupuna kapag long-distance ang relasyon ng mag-asawa, na pangkaraniwan kung OFW ang mister o kaya’y ikaw.
- Kumpara dati, mas naging metikuloso siya sa pananamit, sa pagkaing kakainin, sa mga physical activity na pampaganda ng katawan at pampalusog, maging hanggang sa pabangong gagamitin. Lalo na kung dati naman siyang hindi gumagamit ng pabango, at hindi masyadong big deal ang physical appearance sa harap ng ibang tao.
- Biglaang mga pagbabago sa kaniyang schedule, kasama na rito ang napapadalas na overtime, late work, at maging ang pagkakaroon ng mga business trip na dati namang wala. May pagkakataong hindi lamang trabaho ang iniuugnay na dahilan; maaari ring matinding traffic, nayaya ng mga kaibigan, may mga inasikaso matapos ang trabaho, o iba pang kahina-hinala, kundi man imposibleng dahilan.
- Kung may credit card ang asawa, bisitahin kung maraming expenses ang nadagdag dito, lalo na kung makikita sa items na wala naman kayong binili o wala siyang iniuwi sa bahay na ganun. Maaari rin ang unti-unting pagkabawas ng laman ng kaniyang savings account, investment (kung meron man), at iba pang spending trail na maaaring suriin. Maaalarma kung makitang ang ginamit panregalo, pang-travel, pangkain at pag-hangout sa labas, pang-hotel, at iba pa, ang mga nasabing gastos.
- Sa mga pagtitipon o gathering kasama ang mga barkada ng asawa, mapapansing may iilan (kundi man lahat) na naiilang na lapitan o kausapin ka, o kaya’y sobra namang makisama kaysa dati. Maaari kasing may alam sila sa ginagawa ng iyong asawa, ngunit hindi nila magawang sabihin sa ‘yo; puwedeng dahil sa pagsasaalang-alang sa kaibigan sa asawa mo, o dahil kasama rin sila habang ginagawa niya ang pambababae.
- Unti-unting nawawala ang emotional intimacy sa pagitan ninyong mag-asawa. Kabilang dito ang hindi na ninyo madalas na pag-uusap, paglabas-labas para mamasyal nang kayo lang, at paglalambingan kasama ng pagsasabihan ng mga sikreto at mga pangarap pa sa buhay. Kung nakukulangan o tuluyang nawala na sa mister ang gana sa maliliit pero mahahalagang gawaing ito sa pagitan ninyong mag-asawa, baka ito ay dahil sa ibang babae na niya ito kusang nagagawa at nakararamdam ng koneksyon.
- Punahin ang naging mas madalas o biglaang pagdalang ng pakikipagtalik ng iyong mister. Alinman sa dalawang ito ay maaaring sign na nambabae ang mister o nambababae ito. Kung mas dumalas siyang magyaya, maaaring paraan ito upang wala kang ipaghinala. Sa kabilang banda, ang pagdalang makipagtalik ni mister, na mas madalas na nangyayari, ay maaaring dahil sa pokus nito sa bagong babaeng kinikita.
- Ang hindi magandang pakikitungo ng mister, na dati namang hindi niya taglay, ay maaaring sign na mayroon itong babae. Maaaring hanapan ka nila palagi ng mali, ultimo sa kaliit-liitang bagay ng pagsasama ninyo. Ang mga maliliit o malalaking detalyeng ito ang panghahawakan ng iyong mister para bigyang-dahilan sa kaniyang sarili ang ginagawang pambababae. Kumbaga, may mga justification din siyang ini-internalize sa sarili. Pagdating ng panahong mabisto na siya, ito rin ang mga ibabalik niyang sisi sa iyo; na kundi naman dahil sa iyo, hindi niya magagawang maghanap ng iba.
- Punahin kung ano ang maaaring reaksyon at trato ng asawa kung ang maging paksa ng usapan ay cheating o pangangaliwa ng isa sa mag-asawa. Maaaring iwasan niya itong sagutin at ibahin na lamang ang usapan. At kung hindi talaga niya magawang makaiwas at makahanap ka ng paraang i-address na mismo ang hinala mong nambababae siya, asahan ang posibilidad na sisihin ka lamang niya dahil sa “kawalan mo ng tiwala” sa kaniya, na naghahanap ka lang ng dahlia ng mapagkakgalitan ninyo, o kaya’y napapraning ka na naman na dulot ng mga napapanood o sulsol ng mga kapitbahay o kaibigan.
Mga dapat at hindi dapat gawin kung makitaan ng sign na nambabae si mister
Muli, hindi dahil nakitaan mo ng ilan o lahat ng nabanggit na signs si mister, kokomprontahin mo na siya agad at aawayin. May ilang mga dapat at hindi dapat tayong gawin bilang pagsasaaalang-alang sa relasyon, hindi lamang ninyong mag-asawa, kundi ng buong pamilya.
Karaniwan, gusto agad alamin ng mga misis bakit nagawa silang lokohin ng kanilang mister. Natural lamang ito at mahalaga para sa ikababawas ng mga isipin ni misis. Pero huwag matali sa paninisi sa sarili at sa inyong pagsasama lamang ang ginawang pambababae ng mister. Laging isiping may iba’t iba pang factors liban sa pakikisama mo sa kaniya, na maaaring nagtulak para gawin niya ang bagay na iyon. Puwedeng dahil sa mga pangyayari sa nakaraan niyang nakaapekto sa kaniyang pag-iisip at pakikitungo sa buhay, o iba pang dahilang walang anumang kaugnayan sa inyong samahan bilang mag-asawa.
Narito ang mga dapat o maaaring gawin kung makitaan ng sign na nambabae si mister:
- Tanggapin at hayaan ang sariling maramdaman ang halo-halong emosyong maaaring hindi mo eksaktong maipaliwanag—gulat, galit, takot, sakit, pagkadismaya, kawalang gana sa buhay, at pagkalito. Iproseso ang mga nararamdaman nang unti-unti nang hindi minamadali ang sarili.
- Alagaan ang sarili. Bagama’t makararanas ng depresyong makaaapekto sa pisikal na pangangatawan, pagkilos, at pakiramdam, subukin pa ring gawin ang makakaya para maalagaan ang sarili. Kumain ng masusustansiya at sapat, gayundin sa pagtulog at pagpapahinga. Maglibang-libang kasama ang mga anak at kaibigan.
- Iwasan hangga’t maaari ang sisihan, kung nais na/pang mabuo at maayos muli ang nalamatan ninyong relasyon ng mister. Bukod sa wala nang mareresolba kung magsisisihan, binibigyan n’yo lamang din ng dahilan ang mga sariling lalong mapalayo sa isa’t isa.
- Paligiran ang mga sarili ng mabubuting “support group” sa katauhan ng mga maunawain ninyong pamilya at kaibigan.
- Magkasama ninyong isangguni ang sitwasyon sa isang counselor ng mga mag-asawa. Maaaring makakilala ng ganito sa grupong pansimbahan o mga organisasyong pangkomunidad na may adbokasiya ng pagpapatatag ng relasyon ng mga mag-asawa. Kung kaya naman ng bulsa, maaaring magpakonsulta sa isang therapist para matulungan kayo parehong i-address ang isyu at makapag-usap nang maayos. Dito rin ipinoproseso ang mga bugso ng damdaming nararamdaman pa ninyo dulot ng nangyari.
- Iproseso ang mga nangyari nang may sapat na panahon. Hindi kailangang madaliin ang paghilom ng sugat na iniwan nito sa inyong relasyong mag-asawa. Linawing mahalaga ang pagbubuong muli ng mahalagang pundasyon para sa matatag ninyong pagsasama—ang tiwala. Sa oras na pinili ninyong ayusin at muling magsimula ng mas matatag na pagsasama at nabubuklod na pamilya, kailangang malinaw sa inyong mga sarili, lalo na kay misis, na kaakibat nito ang pagbibigayan ng buong tiwala sa isa’t isa; hindi kalahat, hindi kaunti, hindi bahagya, kundi, buong tiwala.
Ilan naman sa mga hindi dapat gawin nang basta-basta ang sumusunod:
- Huwag mag-isip na gantihan ang asawa, lalo na kung sa paraan din ng paghahanap ng ibang taong magkakalingasa iyo. Tandaan ang kasabihang hindi maitutuwid ng isang pagkakamali ang isa pang pagkakamali.
- Huwag dalhin sa maling platform ang gusot ng relasyon ninyong mag-asawa. Kabilang na rito ang pagbo-broadcast nito sa pareho ninyong mga kaibigan at partido ng pamilya, at ang pagpo-post sa social media at pagdedetalye pa ng mga pangyayari. Bukod sa lalo lamang kayong paglalayuin sa isa’t isang mag-asawa ng ganitong akto, marami ring taong walang kinalaman sa inyong buhay ang makikisali at magbabato ng mga opinyong hindi pabor para sa ikabubuti ng inyong pamilya. Makababagal din ito sa paghilom ng inyong mga sugat dahil napo-prolong nito ang pag-address sa isyu, at naaapektuhan din maging kayo ng mga hindi magaganda at mapanghusgang komento ng mga tao sa social media.
- Huwag kailanman idaramay ang mga bata, maliban na lamang kung mapagdesisyunan ninyong dalawang tapusin ang relasyon. Masama ang epektong idudulot sa kanila kung malaman nila ang mga detalye ng pambababae ng ama, makararamdam na naiipit sa inyong dalawa, o kaya’y nakaiisip na may dapat silang kampihan.
- Huwag gagawa ng anumang padalos-dalos na desisyon, lalo na kung sa panahong matindi ang bugso ng damdamin. Kadalasang ang mga desisyong ito ang nagiging pinakamalaking pagkakamali ng magkakarelasyon sa kanilang pagsasama.
Basahin: 8 karaniwang dahilan kung bakit nangangaliwa si mister
Dapat Bang Patawarin Ang Nangangaliwang Asawa?
Sources:
Interview with the article’s case study, Sharona Arradaza; Pscyhology Today, Reader’s Digest, Very Well Mind, ABS-CBN News, Sharona Arradaza’s Facebook post, Raine Alex Marasigan’s viral Facebook post